Smuggler din si Lily Ong?

TUMAWAG sa atin ang ilang katropa sa National Bureau of Investigation (NBI).

Nilinaw nila na walang kaugnayan ang negosyanteng si William Belo sa nakumpiskang matataas na kalibre ng baril mula sa malaking bahay ni Ke Be I, alyas “Lily Ong,” ang sinasabing kasosyo nito at manager ng crocodile farm sa Teresa, Rizal.

Ayon sa NBI, si Belo ang lumabas pang biktima, dahil ito umano’y niloloko at dinadaya ni Ong sa loob ng mahabang panahon.

Magpinsan ang dalawa at si Belo ang nag-hire kay Ong para maging manager ng kanyang farm.

Tatlumpung taon na ang nakararaan nang dumating sa Pilipinas si Ong sa tulong ni Belo. Dahil kamag-anak, nagtiwala  si Belo kay Ong para ipamahala ang kanyang 100 ektaryang lupain sa Bgy. Dalig, Teresa, Rizal.

Ang Crocodile farm ni Belo ang nagsu-supply ng balat ng buwaya sa mga mamamahaling designer bags at sapatos sa Europa. Ibig sabihin, dapat ipagmalaki ng Pilipinas ang farm na ito dahil lingid sa kaalaman ng mga sosyalerong tao sa mundo, ang gamit nilang mamahaling bags at sapatos ay mula sa Philippine crocodiles.

Bukod sa buwaya, may livestock din sa farm tulad ng hybrid pigs, baboy damo, manok at mga gulay at prutas. Sa labis na kaabalahan sa negosyo, bihira umanong pumunta sa kanyang farm si Belo. Ngunit sa tulong ng mga taong nagmamalasakit, nalaman nito sa pamamagitan ng mga audits na malaki na ang nawawala sa kanilang farm na hindi maipaliwanag ng pinagkakatiwalaan niyang ‘farm manager.’

Ayon sa mga NBI sources, ang nangyari kay Belo ay isang klasikong halimbawa ng mapagtiwalang tao na kumuha ng tauhan para bigyan ng hanapbuhay ngunit kalaunan, siya pa ang niloko.

Sa testimonya ng isang sumukong hitman, inutusan umano siya ni Ong na ipapapatay ang isang katiwala ni Belo sa farm gayundin ang mga anak nito. Ang katiwala umano ni Belo ang nakadiskubre sa mga kalokohan at pandaraya ni Ong.

Hindi nagtagumpay ang masamang plano dahil ang kapatid pala ng hitman ay malapit na kaibigan ng target. Hindi kinaya ng konsensya ng hitman na isakatupran ang utos ni Ong kaya’t ito’y nagsumbong sa mga awtoridad. Kasama sa kanyang isinumbong ang maraming armas na umano’y nasa pag-iingat ni Ong.

Matapos ang masusing surveillance at sa bisa ng isang search warrant na ipinalabas ng Manila RTC Executive Judge Thelma Bunyi-Medina, nakumpiska sa NBI raid ang iba’t ibang kalibre ng baril mula sa malaking bahay na tinitirhan ni Ong.

Inaalam na ng NBI kung saan galing ang mga high-powered firearms, ngunit malaki ang kanilang paniniwala na ilan sa mga ito ay ibinenta ng pulis o militar na paminsan-minsang ginagawang ‘gatasan’ ang nasabing farm.

Isang hiwalay na source ang nagsabi sa atin na humihina na ang anggulo na bahagi ng ‘Red October plot’ si Ong, ngunit ‘di nila inaalis na nagbibigay suporta rin ito sa mga rebeldeng komunista -- bagay na posible ring ikapahamak nito sa hagupit ng batas.

‘Inaalam natin ang ‘veracity’ ng ginagawa niyang (Ong) pagtulong sa NPA. Kung kusang-loob siyang nagbibigay ng tulong sa mga rebeldeng komunista na ‘enemy of the state,’ ibang usapan iyon,” sabi ng isang NBI official sa ‘Uncovered.’     

Sa kasalukuyan, inaalam na rin nila kung sangkot si Ong sa smuggling activities. May mga nate-trace raw kasi silang report na dati nang kinasuhan ang suspect dahil sa pagpaparating ng mga pekeng bag, sapatos at kung anu-ano pang general mechandise.

Kasama ni Ong sa naaresto sina Brandy Solinap, Victor dela Cruz, Bi-Eian Ke, Diosdado Bohol at Ke Quiao Li.

Sinabi ni NBI Deputy Director Vicente de Guzman, narekober ng grupo nina Atty. Jun Donggalo, hepe ng NBI-Special Action Unit (SAU), ang apat na M653 (baby armalite), isang M203 grenade launcher, limang US made 12 gauge shotguns, isang kalibre .45 baril, isang kalibre .38 baril, isang .9mm KG3 machine pistols, anim na unit ng two-way radios, dalawang granada, cellular phones at mga bala ng baril. Ilan sa mga baril ang may buradong serial numbers.

Sinabi naman ni NBI director Dante Gierran sa inyong lingkod na nagpapatuloy ang masinsinang imbestigasyon ng kanyang mga tauhan laban kay Ong at naniniwala siyang marami pang malalim na detalye ang kanilang madidiskubre sa farm sa mga susunod na araw.

Isang source ang nagsabi sa ‘Uncovered’ na may inaantay lamang na ‘high-tech machine’ ang NBI na gagamitin sa pag-detect sa mga posibleng nakabaon sa lupa ng farm.

Kung droga ito o posibleng pagdiskubre sa killing fields -- mga ibinaong bangkay ng tao -- ay hindi muna kinukumpirma ng NBI.

Pero sigurado silang may madidiskubre pa silang kababalaghan sa mga susunod na araw.