Sino ang paniniwalaan, PDEA o BoC?

NALILITO ang publiko tungkol sa apat na magnetic lifters na nahuli ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang warehouse sa General Mariano Alvarez, Cavite nitong Agosto 9, 2018.

Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na ang mga lifter ay naglaman ng shabu na may halagang P6.8 bilyon dahil ito’y dalawang beses inupuan ng kanilang K-9 dogs, patunay na na-detect nila ang droga rito.

Sinabi naman ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Isidro Lapeña na walang shabu ang mga nasabing lifter dahil nag-negatibo ito sa ginawa nilang swab test, kasama ang PDEA at Philippine National Police.

Kaugnay ng magkasalungat na pahayag, ang sumusunod ay lumabas sa imbestigasyon ng Kongreso at BoC tungkol rito.

1. Bago ang paghuli sa 4 na magnetic lifters sa Cavite, noong Agosto 7, 2018, 500 kilo ng shabu na nakalagay sa 2 magnetic lifters at may halagang P4.3 bilyon ang nahuli ng PDEA sa Manila International Container Port (MICP).

2. Ang paraan sa pagpuslit ng shabu sa nasabing insidente ay magkapareho. Pareho silang nakalagay sa magnetic lifters, na pareho ang kulay, power supply at kable.

3. Ang address ng consignee sa shipment na natagpuan sa Cavite ay pareho sa address ng consignee sa 500 kilo o P4.3 billion worth of shabu na nahuli sa MICP.

4. Ang magnetic lifters na nahuli sa Cavite at sa MICP ay parehong galing sa Taiwan.

5. Sinabi ni BoC Deputy Collector Ma. Lourdes Mangaoang na alam ni Lapeña na ang lifters sa Cavite ay may shabu dahil ipinakita niya ang x-ray ng lifters na nagpakitang may laman ito.

6. Wala ng shabu ang mga natagpuang lifter sa Cavite dahil ayon sa caretaker ng warehouse, noong July 30, pitong kalalakihang Intsik ang pumasok rito at kinuha ang shabung laman ng lifters.

7. Bunga ng pagpuslit sa nasabing P6.8 bilyong halaga ng shabu, bumaha ang presyo ng shabu sa Metro Manila sa P1,600 to P2,000 kada gramo, mula sa P6,800 per gram sa kasagsagan ng kampanya ng gobyerno kontra droga.

8. Ang dalawang magnetic lifters na naglaman ng 500 kilo ng shabu na nahuli sa MICP ay idinaan rin sa swap testing at ito’y nag-negatibo sa shabu.

Ayon kay PDEA Director-General Aquino, hindi porke’t nag-negatibo sa swab testing ang magnetic lifters sa Cavite ay wala ng shabu ang inilagay rito. Aniya ang isa pang pruweba na ang lifters na nakuha sa Cavite ay may lamang shabu ay ang pagkakaroon ng butas sa apat na lifters, na ang ibig sabihi’y binutas ito upang kunin ang shabu.

Isa pa, ang testimonya ng caretaker ng warehouse na may nakitang mga lalaking Intsik rito ay dagdag ebidensya na may laman ngang shabu ang nasabing lifters.

* * *

Batay sa mga nabanggit, mas kapanipaniwala na may laman ngang shabu ang 4 na magnetic lifters na nasabat ng PDEA sa Cavite.

Ang nasabing insidente ay kasalukuyang iniimbestigahan ng NBI. Kung ang resulta ng imbestigasyon ay katulad ng imbestigasyon ng PDEA, marapat lang na ang lahat ng sangkot sa smuggling ng shabu na ito ay tanggalin sa pwesto at kasuhan ng pamahaalan.

Dahil may eleksyon sa darating na taon, posible na ang pagpuslit ng shabu na ito ay upang gumawa ng malaking pondo ang mga pulitiko sa halalan, bagay na hindi kataka-taka, sapagka’t sinabi na ni Pangulong Duterte na maraming mga pulitiko ang protector ng droga at mismong mga drug lord.