Sinamantala ang Farm Gate Price!

September 29, 2018

BINABATI ko ang Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa inilunsad nilang Suking Outlet sa Paranaque City kung saan makabibili ng mas murang halaga ng ilang basic goods at prime commodities.

Sa gitna ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng bilihin, maganda ang ginawang hakbang na ito ng pamunuan ni DTI Sec. Mon Lopez. Sana lang, magkaroon din ng  Suking Outlet sa iba’t ibang panig ng bansa -- hindi lamang sa tapat ng Paranaque City Hall kundi dapat sa mga palengke sa ating mga lugar.

Maraming dahilan kung bakit mataas ang ‘inflation rate’ ng ating bansa. Bukod sa mapangahas na TRAIN (Tax Reform for Acceleration Inclusion) Law ng Duterte administration, epekto rin ito sa pagtaas ng krudo sa pandaigdigang merkado na lalong gumugulpi sa bulsa ng mamamayang Filpino.

Aminado si Department of Agriculture (DA) Sec. Manny Pinol na higit na pinalala ang presyo ng bilihin sa bigas, karne ng baboy, manok, baka at iba pang pangunahing bilihin dahil na rin sa ginagawang ‘hoarding’ ng mga mapagsamantalang traders sa bansa.

Pilit nilang iniipit ang kanilang mga produkto upang mapuwersa ang merkado na magkaroon ng kakulangan ng supply, tumaas ang demand at higit pa nilang mapataas ang presyo ng bilihin. Habang kumikita ng malaki ang mga oportunistang trader, lalo namang nalulumpo sa mataas na gastusin ang ating mga kababayan.

Mula’t mula pa ay hindi na tayo pabor sa pag-import ng bigas mula sa labas ng bansa. Naniniwala kasi tayong ito ang papatay sa hanapbuhay ng mga kababayan nating magsasaka.

Bukod dito, naniniwala rin tayong ginagawang gatasan na lamang ito ng ilang opisyales sa National Food Authority (NFA) at ilang sindikato sa bigas.

Sigurado ako, kung may 100,000 tonelada ng bigas man ang nabibigyan ng import permit, higit pa rito ang nakalulusot dahil sa smuggling. Ginagawang pasaporte ng ilang sindikato ang nasabing import permit, pero tulad ng sindikato sa kambal na plaka ng ilang bus company -- ganito halos din ang kanilang sistema sa larangan ng smuggling.

Ang masaklap pa, karamihan sa mga ini-import na bigas na sa halip na gawing NFA rice, isinisilid ito sa mga sako na pang komersiyal upang higit na mas mataas ang presyo pagdating sa merkado.

Imposibleng hindi ito alam ni Sec. Pinol dahil ang ganitong uri ng kalakaran ay matagal nang nangyayari kahit sa mga nakalipas na administrasyon.

Minsan, napapaisip na tuloy ako kung ‘change is coming’ ba talaga o ‘worst is coming’ na?

Ang mga dating problema na isinuka ng mamamayang Filipino sa mga nakalipas na rehimen ay nangyayari pa rin hanggang ngayon. Ang masaklap, patuloy na lumalala ito at isang malaking  patunay dito ang 6.4 percent na inflation rate na pinakamataas sa kasaysayan ng bansa sa nakalipas na siyam na taon.

Gusto ko rin barilin ang sinabi ni Sec. Pinol kamakailan na wala sa ‘farm gate level’ ang problema kaya tumataas ang presyo ng bilihin.

For your information Mr. Secretary, marami na pong mga backyard farmer ang matagal nang umiiyak dahil sa mga mapagsamanatalang trader na kinokontrol ang farm gate price.

Wag na tayong lumayo. Sa usaping manok na lang po.

Kamakalawa lamang umabot sa P80 ang bilihin ng manok sa bawat baryo o malalaking farm sa buong Luzon region. Last week, umabot po ang farm gate price hanggang P62 pero noon pa man ang presyo ng manok sa merkado kada kilo ay umaabot na ng P140, P160 hanggang P180 per kilo.