4,711 guests

Silang mga nagpapa-resign kay Sec. Tugade

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 213

HINAHAMON natin ang mga taong nagpapa-resign kay DOTr Secretary Art Tugade na maglatag ng solusyon sa
problema ng MRT 3 kung totoo ang kanilang layunin para sa bayan.

Ang totoo, magagaling lang kayo magsalita at manawagan ng resignation pero kapag kayo na ang
binigyan ng problema na produkto ng Liberal Party boys sa ating mga tren, baka wala kayong magawa!
    
Ang palagi n’yong nakikita ay ang problema sa maya’t mayang pagkasira ng tren pero hindi n’yo
pinapansin ang mga ginagawang solusyon ni Sec. Tugade at ng gobyerno sa kabuuan.
    
Si Undersecretary Cesar Chavez ay halos hindi na umuuwi sa kanilang bahay dahil madalas ay 24
oras silang nakatutok sa repair and maintenance ng tren. Baka nga pinaghihinalaan na siya ng kanyang
misis na may ibinabahay na sa riles kaya ayaw nang umuwi!
    
Ang P2P buses ay patuloy na pinaparami ng DOTr para kahit paano ay magkaroon ng option ang mga

pasahero ng buwisit na MRT.
    
Nakaumang na ang Bus Rapid Transit o BRT, ang pagpapabilis sa NLEX, SLEX connectors, full
swing na ang MRT 7, pirmado na ang pinakaunang subway mula Mindanao Avenue sa Quezon City hanggang The
Fort at airport na gagawin ng Japan, nag-ground breaking na rin ang Northrail mula Caloocan hanggang
Malolos, Clark at Subic, magsisimula na rin ang Manila to Laguna to Bicol Train at marami pang big
ticket projects.
    
Ang lahat ng ’yan ay single-handedly inaasikaso ni Tugade na halos wala na ring tulog sa
pagtutok sa mga proyekto at sa mga parating na proyekto tapos iyong iba, ang trabaho lang ay magbukas
ng bibig na parang expressway lang ng mga bangaw!
    
Hindi ba man lang sumagi sa isipan n’yo kung gaano katagal ginawa ng Abaya at Noynoy riding in
tandem ang problema ng MRT? Sa loob ng anim na taon ay pinabayaan nila ’yan, pinahawak pa sa LP ang
maintenance, pinatigil naman ni Noynoy ang MRT 7 construction at ang lahat ng infra projects dahil nga
hari ng batugan.
    
Ang Duterte government ay halos magdadalawang taon pa lang at imposible namang sa mga panahong
’yan ay tumayo na ang lahat ng proyektong lulutas sa problemang likha ng Tamad administration.
    
Natiis nga natin ang anim na taon nang kawalang pag-asa, ngayon pa kayang may nakikita na
tayong ginagawa ng gobyerno?
    
Mas maganda siguro iyong mga walang magawa sa buhay na lang ang mag-resign dahil sagabal lang
sila sa mga programa ng gobyerno!
    
Madaldal lang ang mga taong ito pero parang mga latang walang laman.
    
Sigurado tayo na kapag sila ang hinanapan mo ng accomplishment ay walang maipapakita kahit
isang tumpok na lupa.
    
Huwag kayong mainip, magre-resign din si Secretary Tugade, baka sabay na sila ni Pangulong
Duterte sa June 30, 2022.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.