Sibakin mga pabaya, pasarap at bulakbol na mayor

September 20, 2018

TAMA ang desisyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na imbestigahah ang local chief executives (LCEs) o mayors na wala sa kanilang area of jurisdiction sa kasagsagan ng Bagyong Ompong.

Ayon sa DILG, bina-validate nila ang report na sampung  mayor sa Cagayan Valley at Cordillera Autonomous Region (CAR) ang wala sa kani-kanilang bayan nang manalanta ang Bagyong Ompong  sa mga  nasabing rehiyon.

Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 74 ang nasawi sa bagyo, 60 sa CAR, 10 sa Cagayan, 2 sa Central Luzon at tig-1 sa National Capital at Ilocos Region.

Marami ang namatay sa CAR at Cagayan. Kung totoong wala ang mayor ng 10 bayan sa nasabing rehiyon ay marapat lamang na patawan sila ng kaukulang parusa sa kanilang pagiging “absent” sa kanilang bayan sa kasagsagan ni Ompong.

Ayon kay DILG Spokesman Jonathan Malaya, sa ilalim ng Local Government Code, ang presensya at tulong ng mga mayor sa kanilang bayan ay kinakailangan upang sila’y makagawa ng hakbang na matulungan ang mga mamamayan sa peligro at pinsalang dulot ng bagyo at ano mang kalamidad.

Sinabi ni Malaya na bilang ahensya ng gobyerno na may kontrol sa  LCEs, inutos ni Interior Secretary Eduardo Año, na ang mga mayor ay manatili sa kanilang bayan bago dumating, sa kasagsagan at pag-alis ng Bagyong Ompong, para ihanda ang mga mamamayan sa bagyo, iligtas sila sa hagupit nito at tugunan sa lalung madaling panahon ang pinsalang dulot nito sa mga tao.

Ayon kay Malaya, ang mga mayor na wala sa kanilang bayan sa kasagsagan ng bagyo ay maaaring kasuhan na kanilang tanggalin at kanilang suspindihin at kung ang kaso ay isampa sa Ombudsman, ang mga nasabing mayor ay maaaring tanggalin o sibakin sa servbisyo.

Ang mga mayor ay sinasabing “ama ng lungsod o bayan”. Bilang ama, kinakailangang alamin niya, paghandaan at pangasiwaan ang kalagayan ng kanyang mga “anak”, ang mga mamamayan sa panahon ng kalamidad at mabilis na tugunan ang pinsalang dulot nito sa kanila.

Tulad ng kanyang pagmamahal sa tunay na anak, bilang “ama ng bayan,” kinakailangan kasama siya ng kanyang mga anak sa panahon ng kalamidad, na maaaring magdulot ng malaking peligro at kamatayan sa mga mamamayan.

Makikita ang pagmamahal ng isang alkalde sa kanyang mga kinasasakupan kung sinasamahan at hindi niya iniiwan ang mga ito sa panahon ng kalamidad at matitinding sakuna.

Napakawalang kwenta, pabaya at taksil sa tungkulin kung ang isang alkalde, sa panahon ng delubyo sa kanyang bayan ay wala rito at nasa ibang bayan, sinasamantala ang lamig ng panahon para magpainit kapiling ang kanyang kalaguyo.

Sa 10 CAR at Cagayan mayor na wala sa kanilang bayan sa kasagsagan ni Ompong, dapat ipaliwanag nila kung nasaan sila at kung sino ang kanilang kasama noong panahong yaon. Kung wala silang mabuting paliwanag, marapat na kasuhan sila sa Ombudsman upang matanggal sa tungkulin.

* * *

Para sa ating mga mamamayan, sana’y matuto tayo sa aral ni Ompong.  Maraming kolum na ang aking isinulat na tayo’y dapat maging mapaghanda sa lahat ng sakuna at mga kaganapan.

Ano’ng ating gagawin kung muling may paparating na malakas na bagyo, tulad ni Ompong? Ano’ng ating gagawin,  kung ang “Big One” ay mangyayari?

Sa totoo lang, dahil sa balitang ang Bagyong Ompong ay mas malakas kaysa sa bagyong Yolanda at mas maraming tubig ulan ang dala sa Bagyong Ondoy, marami ang nagpasalamat sapagka’t ‘di gaanong marami ang namatay sa Ompong, kumpara sa mahigit na 6,000 kay Yolanda at 360 kay Ondoy.

Gayun pa man, napakahalaga ng buhay, kaya’t ang 60 namatay sa CAR at Cagayan ay narito pa sana, kung inilikas lamang sila ng mga mayor sa kanilang bayan at hindi hinayaang sumilong sa isang bunker house ng mga minero na natabunan nang gumuho ang lupa sa lakas ng ulang dala ni Ompong.

Sa isang banda, ang mahalagang aral ng Bagyong Ompong sa atin ay lumisan sa tiyak na dadaanan ng bagyo at pumunta sa siguradong ligtas na lugar sa  bayan.

Tagged Under