Si Mocha ba ang dapat mag-resign o ang PIA chief?

October 01, 2018

MALAKI ang problema ng Philippine Information Agency.

Isa itong ahensiya sa ilalim ng PCOO ni Secretary Martin Andanar na dapat ay nangunguna sa positive information campaign para sa gobyerno.

Pinamumunuan ito ni Harold Clavite na mas busy sa pagbatikos at pagpapa-resign kay Asec Mocha Uson sa halip na gawin ang kanyang trabaho.

Ang totoo, ang PIA ang dapat nasa sentro ng aksiyon para magpalaganap ng mga positive information sa mga ginagawa ng Duterte administration.

Kapansin-pansin na ang nangyayari ngayon, iyong mga departamento ang siyang abala sa pagpapalaganap ng mga development sa kanilang mga proyekto at mga ginagawa.

Halimbawa ay ang Agriculture department. Si Secretary Manny Piñol ang punong abala na nagpapaliwanag sa mga kakapusan ng supply ng bigas, pagtaas ng mga bilihin at kung anu-ano pang isyu ng pagkain.

Okey lang sana ito pero doon sa positive na ginagawa ng gobyerno para lutasin ang inflation rate gaya ng pagpapadala ng maraming agricultural products mula sa Mindanao ay dapat PIA na ang nagpapalaganap ng impormasyon.

Ang Build Build Build projects at ang mga development dito, sobrang sipag ng DPWH at ng DOTr sa information campaign pero itong PIA, halos pasukan na ng bangaw ang bibig sa pagkatunganga.

Iyong mga national policy ng Duterte administration, palagi na lamang nating naririnig kay Secretary Harry Roque. Natural iyon dahil presidential spokesman siya pero ang trabaho dapat ng PIA dyan ay mas maging agresibo sa pagpapakalat ng mga detalye ng polisiya na sinabi ni Roque.

Maraming magagandang ginagawa ang Duterte administration na kung nakakarating man sa grassroots, hindi ‘yan dahil kay PIA Chief Clavite!

Walang puknat si Clavite sa pagpapa-resign kay Mocha gayong kung titimbangin ang kanilang performance, mas marami pang nagagawa si Asec Uson kaysa sa kanya.

Maaaring may mga pagkukulang si Mocha dahil minsan ay hindi siya maingat sa mga sinasabi at mga pino-post sa social media pero sa totoo lang, mas ramdam natin ang malasakit niya sa gobyerno kaysa kay Clavite.

Kung mayroon mang dapat mag-resign sa gitna ng mga palpak at kahinaan ng info drive ng gobyerno, iyon ay si Clavite at hindi si Mocha.

Marami na ngang namumulitika at nanggugulo sa administrasyon, dumadagdag pa itong si Clavite na pinaglihi ata sa ekek ng baboy!

allanpunglo@gmail.com