Serbisyo ng Chevrolet bulok!

September 25, 2018

EKSAKTONG isang buwan bukas nang isulat natin ang tungkol sa kapalpakan ng serbisyo ng Chevrolet Philippines, partikular na sa dealer nila sa San Fernando, Pampanga.

Ang column natin noong August 26 ay may titulong ‘Finding Responsible Chevy.’

Unang reklamo kasi ng negosyanteng si Eduardo Dela Pena, ‘electrical’ lamang ang sira ng kanyang Suburban, may plakang RCN-723, nang ipasok sa kanilang casa noong June 7 ng taong kasalukuyan.

Pero nang iuwi ito sa kanilang bahay noong July 18, sira na ang plate number nito at halatang may bangga na ang bumper ng kanyang sasakyan.

Isang nagngangalang Ms. Torres, cashier sa Chevrolet San Fernando, ang umamin kay Dela Pena na siya ang nag-abot ng susi at sirang plaka ng sasakyan ng negosyante.

Ibig sabihin, nasa kanilang pangangalaga ang Suburban nang mangyari ang bangga sa sasakyan.

Nangako si Ms. Torres sa unang pakikipag-usap nito kay Dela Pena na papalitan ang nasirang plaka ng sasakyan at tuoy papanagutin ang may dahilan kung bakit ito nabangga.

Isang buwan ang nakalipas, wala pang nangyayaring tugon mula sa management ng Chevrolet. Hindi na tumawag uli si Ms. Torres at kahit isa sa staff ng Chevrolet San Fernando ay wala nang makausap sina Dela Pena.

Ang catch, bumalik uli ang sira ng mamahaling sasakyan. Ang dating problema na tumitirik sa gitna ng kalsada at nadidiskarga ang batirya nito ay ganun pa rin ang nangyayari ngayon.

Mahigit P100,000 na ang nagastos ni Mr. Dela Pena para sa kanyang sasakyan. Hindi basta halaga na dapat gastusin tapos ay hindi naman pala magagawa ng husto ang dating sira.

Nagdadalawang isip  tuloy ngayon ang pamilya Dela Pena kung dapat pa ba nilang dalhin sa Chevrolet ang kanilang sasakyan. Pero no-choice sila kasi kung mismong sariling casa na ng Chevrolet San Fernando ay hirap ayusin ang sira ng kanilang SUV, ganito rin tiyak ang aabutin nilang problema sa ibang talyer.

Ang kaso, inumpisahan na itong kalikutin ng Chevrolet San Fernando kaya wala silang choice kundi ibalik ito sa nasabing establisyamento.

Ayon kay Dela Pena, hindi nila malaman ngayon kung kanino sila dudulog sa mga ganitong uri ng reklamo dahil pakiramdam nila, walang malasakit sa kanilang parokyano ang management ng Chevrolet.

Sabi pa niya, hinding-hindi na siya uli bibili ng kotseng gawa ng Chevrolet at lalo na kung mula mismo sa Chevrolet San Fernando, Pampanga.

Sana sa pagkakataong ito, patunayan naman ng Chevrolet San Fernando, Pampanga na hindi bulok ang serbisyo sa kanilang mga parokyano.

Upang hindi na kabahan pa ang ibang kotse na nagmamay-ari ng Chevrolet na ganito rin ang kanilang danasin, tulad ng kalbaryo ngayon ni Mr. Dela Pena.

Tagged Under