Serbisyo mula ‘womb to tomb’

September 26, 2018

MAS pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad at droga at pagbabalik ng lahat ng  libreng serbisyong mula sinapupunan hanggang libingan o ‘womb to tomb.’

‘Yan ang maaaring asahan ng mga taga-Maynila kay dating Manila Mayor Alfredo S. Lim sa sandaling siya ay palaring maging alkaldeng muli ng lungsod.

Sa ginanap na mass oath-taking ng mahigit 7,000 miyembro at lider ng kanyang partidong samahang KKK (Kapayapaan, Kaunlaran at Katarungan) kay PDP-Laban national president Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa Open Air Auditorium ng Rizal Park, nagpasalamat si Lim sa mga sumusuporta sa kanya, kasabay ng muling panawagan sa publiko na tulungang magtagumpay ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ang mga dumalo sa nasabing okasyon kung saan si Lim ay sinalubong  ng mga naghihiyawang taga-suporta ay kinabibilangan nina PDP- Laban Manila Council President Penelope Belmonte na executive director din ng National Parks Development Committee, PDP-Vice President for NCR Engr. Salvador Ty, DILG Undersecretary Martin Diño at nina Bucor chief Ronaldo ‘Bato’ dela Rosa at Congressman Monsour del Rosario na parehong nababalitang tatakbong senador.

Bukod sa pagkakapareho ng mga isinusulong ng dalawang partido para sa malinis at tapat na pamahalaan, katuwang din umano ng KKK ang PDP-Laban sa pagbabalik ng lahat ng serbisyong libre na kanyang sinimulan bilang alkalde ng lungsod at naging kilala bilang ‘womb to tomb’ program o programang mula sinapupunan hanggang sa libingan. Ani Lim, ang katawagang ‘yan ay dahil sa lahat ng uri ng libreng serbisyong ipinatupad niya para sa bawat Manilenyo mula sa pagbubuntis pa lamang ng isang tao hanggang sa siya ay maihatid sa huling hantungan.

“Kasama na siyempre pa, ang libreng edukasyon mula daycare hanggang kolehiyo at libreng serbisyo medikal sa anim na ospital na aking pinagsumikapang kumpletuhin para sa anim na distrito ng Maynila,” dagdag pa ni Lim.

Samantala, hiniling din ni Lim sa kanyang mga taga-suporta at sa mga taga-Maynila ang kanilang tulong at pakikiisa sa mga adhikain ng pamahalaang Duterte, laluna sa kampanya niya laban sa mga krimen at iligal na droga’.

Sa halip na bumatikos, gumawa tayo ng maliliit na hakbangin para makatulong.  Ating alalahanin na iisa lang ang ating bansa at ang pagtatagumpay ng namumuno sa ating bansa ay tagumpay nating lahat. Anumang maging kabiguan ng administrasyong ito ay kabiguan na tayo ding mga Pilipino ang siyang babalikat,’ dagdag pa nito.

Binanggit pa ni Lim na sa di mabilang na interview nung pareho pa silang  mayor ni President Duterte ay nabanggit niya na ‘kung may 20 Mayor Duterte lang sa Pilipinas ay siguradong aangat ang bansa at uunlad’ at aniya ay hindi pa rin nagbabago ang pananaw niyang ito hanggang ngayon.

“Ako ay naniniwalang tunay na sinsero si Pangulong Duterte na linisin ang ating pamahalaan sa mga katiwalian at sa pagnanais na tuldukan na ang iligal na droga sa bansa kaya sana ay suportahan natin siya. Aminin natin. Sa klase ng mga kriminal at tigas ng ulo ng mga tao sa ngayon, kamay na bakal ang kailangan para  mapatino ang ating bansa,” pagbibigay-diin pa ni Lim.

“Sa parteng ‘yan ay kaisa ang inyong lingkod. Tiniyak ko ang isang mas maigting na kampanya laban sa kriminalidad at korapsyon na pawang isinusulong ng administrasyon Duterte at ng partidong PDP-Laban,” ani Lim.

Pinangunahan mismo ni Lim ang panunumpa ng kanyang mga lider kay PDP-Laban president Koko Pimentel na hayagan na ang ginawang pag-suporta kay Lim sa nasabing pagtitipon.

Nasaksihan ni Pimentel at mga opisyal ng PDP-Laban kung paano dumagundong ang auditorium sa pagkakagulo at paghihiyawan ng mga supporters ni Lim nang ito ay lumabas pa lamang sa entabladao.

Tunay na naging mainit ang pagtanggap kay Lim at sa mga opisyal ng PDP-Laban sa Maynila. Iba talaga kasi si Lim, dahil ang kanyang suporta na direktang mula sa mga mamamayang taga-Maynila ay nananatiling nandiyan mula pa noon hanggang ngayon.

One click away from your upgraded Inbox (Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)