Senior Citizen identification, ginamit ni Governor Imee

November 08, 2018

NATATANDAAN n’yo ba si ACTS-OFW Partylist Rep. John Bertiz?

Siya yung mambabatas na kitang-kita sa CCTV ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung paano duruin at isungalngal ang ‘VIP pass’ nito sa isang tauhan ng Office of the Transport Security (OTS).

Bukod sa tumangging maghubad ng sapatos, sinturon bilang bahagi ng security measure sa pambansang paliparan, galit na inagaw nito ang identification card ng OTS personnel na si Hamilton Abdul.

Umani ito ng batikos hindi lamang sa social media kundi pati na rin sa tanggapan ng Manila International Airport Authority (MIAA), OTS at maging sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Humingi na ng paumanhin ang mambabatas at maraming aral tayong natutunan dito -- lalo na ang mga opisyales sa pamahalaan.

Nang sumabog ang nasabing  isyu nitong nakaraang Oktubre, hindi masyadong napag-usapan si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos dahil habang dinuduro at binu-bully ni Bertiz ang OTS personnel, kitang-kita rin ang gobernadora sa CCTV.

Ibang-iba ang inasal nito kay Bertiz.

Kung tumanggi si Bertiz na maghubad ng kanyang sinturon at sapatos, si Gov. Imee ay naghubad ng kanyang sapatos.

Nagpasailalim ito sa ipinatutupad na security measure at kamuntik pa siyang  matumba nang masagi ng isang kapwa pasaherong lalaki.

Nakabibilib ang kampo ng mga Marcos dahil kung iba-ibang pulitiko siguro ang nahuli sa CCTV na nakagawa nang ganung kabutihang asal, malamang ay sinalsal na ito sa media para magkaroon ng panibagong ganda points sa mata ng publiko.

Ang nakatutuwa, alam nating lahat na galing sa kilalang angkan si Imee at ipinanganak itong may kutsara sa bibig.

Si Bertiz na dating overseas Filipino worker ay galing naman daw sa hirap na nabigyan lamang ng pagkakataon para maging kongresista.

Ang comparison dito, kung sino pa ang tunay na may kaya at may sinabi sa buhay ay sila pa ang marunong sumunod sa isang simpleng patakaran. Pero ang  congressman na si Bertiz ay kulang na lang ipagsigawan sa madla na siya ang may-ari ng NAIA.

Dahil sa nasabing pangyayari, marami sa ating mga kababayan ang lalong humanga kay Gov. Imee.

Patunay ito na napalaki siya ng maayos ng kanyang magulang na sina dating Pangulong Ferdinand Marcos at dating First Lady Imelda Romualdez Marcos.

Lalo kayong bibilib sa pagkatao ni Gov. Imee kapag narinig ninyo ang isa pang kuwento tungkol sa kanya.

Kamakalawa ay nasa Tacloban City si Imee na tumatakbo ngayon sa pagka-senador sa ilalim ng Nacionalista Party.

Bukod sa sumaksi’t sumuporta sa pormal na pagsasanib puwersa ng Lakas-CMD party ng pinsang si dating Leyte Rep. Martin Romualdez; Tingog Sinirangan Partylist ng asawang si Rep. Yedda Romualdez at Hugpong Ng Pagbabago (HNP) ni Davao City Mayor Sara Duterte, nakiisa rin ito sa limang taong anibersaryo ng bagyong Yolanda na ginunita kahapon sa Samar at Leyte.

Nitong Miyerkules ng gabi, dumalo ito sa isang simpleng ‘dinner’ para sa ilang Manila based mediamen at local media sa Tacloban.

Ginanap ito sa Ocho Seafood and Restaurant Grill.

Masarap ang pagkain sa nasabing restaurant at mas ‘masarap’ din ang nakuhang detalye ng mga mediamen dahil nakapag-interview din sila sa gobernadora.

Ang catch dito, nang magbabayad na ng bill, inilabas ni Gov. Imee ang kanyang senior citizen ID para maka-avail ng 20 percent discount at libre sa Value Added Tax.

Gulat ang mga waiter at manager ng Ocho Grill.