5,064 guests

Senador De Lima nakagat ng pusa, ‘EJK’ inilunsad sa Kampo Crame

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 1219

HINDI ako magtataka kung bumaha ng siopao na sinahugan ng pusa sa Kampo Crame sa mga susunod na araw.

Ayon sa ating source, nagmistulang North Korean show of force ang lahat ng pusa sa kampo dahil may malaking banta sa kanilang puwersa magmula pa nitong nakaraang Biyernes, April 21.

Ang balita natin, nagbubuo na ng grupo ang mga pusa, lalo na sa bandang PNP Custodial Center, para labanan ang planong pagsasailalim sa kanila sa EJK o extra-judicial kuting matapos kagatin ng isa sa kanilang “catbarkada” ang kamay ni Senador Leila De Lima.
   
Sinabi ng ating source na kahit gabi na noong Friday, nagpadala pa rin sa Camp Crame Hospital si De Lima para magpagamot at magpa-injection ng anti-rabies dahil sa kagat ng pusa.
   
Maganda rin naman ang pagiging maagap ng mga pulis-Crame sa kanilang ginawang pagpapagamot kay De Lima. Marami na tayong nabalitaan na kapag hindi naagapan ang kagat ng pusa, posibleng maging catwoman ang biktima nito. Pabor ito dahil mas madaling makakatakas si De Lima.
   
Iyong ibang kakilala kong nakagat ng pusa, ayaw nang kumain ng laman ng isda, puro tinik na lang ang binabanatan!
   
Joking aside, good news ito kung nagamot kaagad si Senadora dahil kasing tindi rin ng rabies ng aso ang rabies ng pusa.
   
Nakakaikut-ikot din naman tayo sa Crame, lalo na sa jogging area sa grandstand kaya nakita natin kung gaano kalaki ang mga daga at pusa sa loob ng kampo. Hindi kayo maniniwala, ang mga daga at pusa sa kampo ay halos magkasinlaki na kaya malilito ka rin minsan kung sino sa kanila ang nakasalubong mo.
   
Tsapa na lang ang kulang, puwede na silang maging kaanib ng PNP o Pusa National Pulis.
   
Ang balita natin, nag-request na si De Lima na paalisin ang lahat ng pusa sa Custodial Center dahil ang pagkaalam natin, pangalawang insidente na ito. Noong una, nabalitaan natin na pumasok sa kanyang selda ang isang pusa na may bitbit na dedbol na daga. ’Pag bubuwenasin ka naman talaga!
   
Pakiusap lang sa mga pulis, kapag iniligaw nila ang mga pusa, piringan nila mabuti ang mga mata ng mga ito para hindi makabalik sa Custodial Center. Baka sa selda naman nina former Senators Bong Revilla at Jinggoy Estrada mapadpad ang mga ’yan!
   
Umaasa tayong mauubos na ang “pangcat” ng mga pusa sa kampo dahil namimiligro sa mga ito ang ating mga senador.
   
General Bato, baka puwedeng maglunsad kayo ng “Oplan Tongcat” d’yan mismo sa loob ng kampo, maawa naman kayo kina Bong, Jinggoy at De Lima.

* * *   

Nadiskaril pala ang MRT train sa North Avenue station noong nakaraang Martes ng gabi.
   
Hindi tayo magtataka kung mas grabe pa rito ang mangyari sa mga susunod na araw dahil anim na taon itong pinabayaan ng riding in tandem nina Noynoy at Abaya.
   
Magmula nang ipasibak nila ang Sumitomo of Japan bilang maintenance company ng MRT at palitan ng mga taga-Liberal Party of Pangasinan, nagkandaletse-letse na ang sitwasyon sa MRT 3.
   
Noong August 13, 2014, sugatan ang 38 pasahero ng MRT nang bundulin ng tren ang pader sa kanyang last station sa Taft Ave., Pasay City. Halos 1/3 ng tren ang lumagpas sa kanyang riles at sa kabutihang palad, hindi pa bumagsak ang bagon.
   
Hindi na mabilang ang sudden stop at pagkawala ng power ng tren habang umaandar. Talagang nasa miserableng sitwasyon ang MRT 3 dahil nga pinaboran nina Noynoy at Abaya ang LP boys sa maintenance na walang kaalam-alam sa train system.
   
Marami tayong kababayan ang naiinip na mabigyan ng hustisya ang kapabayaan at kawalanghiyaang nangyari sa train noong nakaraang administrasyon.
   
Kung hindi na talaga matutupad ang pangako nina Noynoy at Abaya na magpapasagasa sa tren, sana man lang ay maipakulong sila sa Crame para doon na lang sa selda nila ipapadala ang mga aalising pusa sa selda ni De Lima.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.