Sayang na 10 toneladang kamatis

October 13, 2018

ANG ginawang pagtatapon ng halos 10 toneladang kamatis sa Kalayaan, Laguna nitong Oktubre 8, 2018 dahil hindi maibenta ng mga magsasaka ay patunay lamang na malubha ang  suliranin sa food security ng Pilipinas dahil sa kapabayaan ng Kagawaran ng Agrikultura, DTI at DILG at ng mga LGU.

Dapat maunawaan ng Kagawaran ng Agrikultura na hindi sila dapat hanggang food production lamang. Kailangan nilang tutukan din ang post harvest facilities at preserbasyon ng shelf life ng pagkain at kung papaano ito mabibili sa merkado sa halagang magpapayaman sa magsasaka ngunit hindi naman mapapahamak ang bibili ng mga ito. Maraming paggagamitan  ang kamatis bukod pa sa pang sahog sa sinigang at salad. Puede itong gawing  Tomato ketsup, paste para sa menudo o spaghetti  sauce. Puede rin ibenta bilang dried tomato. Kung may umaandar na programa ang DA, hindi naaksaya ang 10 tonelada o 10,000 kilong kamatis.

Sa China, ang magsasaka ay hindi nakaasa lamang sa lokal na palengke. Mayroon silang software applications na ginagamit para i-post ang kanilang ibinibentang gulay o prutas at sa presyong gusto nila. Dahil mas marami at mas malawak ang bilang ng mga nakakakuha ng impormasyon na ito, mas malaki ang tsansa na mabibili ang produkto sa presyong gusto ng magsasaka. Walang problema ang paghahatid ng produkto, naka antabay ang post office delivery ng China para dalhin ang produkto sa lugar na sasabihin ng nakabili.

Ang DTI ay dapat kalampagin sa nangyaring ito sa mga kamatis ng Laguna. Bakit hanggang price monitoring lang kayo? Naipapamigay ninyo ang Timbangan ng Bayan ngunit hindi ninyo makumbinsi ang mga negosyante na pasukin ang sektor ng agrikultura? Ang DILG ay magaling lang sa mga seminar ng mga LGU. May kumikita ba dito? Hindi ninyo mapanuto ang mga Mayor at Gobernador na pasaway na ginigipit ang kanilang mga bise na kalaban sa pulitika. Hindi ninyo makumbinsi ang mga LGU na maglagay ng pondo para matulungan ang mga kooperatiba na pumasok sa paglalata ng produkto ng kanilang mga miyembro. Hanggang narco list at kampanya sa Pederalismo na lang ba kayo?

Tutal may mga Gabinete ang Pangulo na aalis na sa kanilang mga tanggapan dahil tatakbo sa susunod na Halalan o Subasta 2019, mainam na masama sa balasahan ng Gabinete ang mga Kalihim ng ahensiya ng pamahalaan na nagpapabaya sa tungkulin kaya matamlay ang sektor ng agrikultura.  At sana naman, huwag lang taga Davao o San Beda ang ipapalit. Maraming Pilipino ang magagaling na nakahandang magsilbi sa taong bayan. Kailangan lang layuan ng Pangulo ang kanyang tingin para makita sila.