SAP Bong Go at Cabsec Jun Evasco, sasabak sa pulitika

October 17, 2018

MAAKSIYON ang labanan sa Senado.

Ang pagsali ni SAP Bong Go sa senatorial race ay naglagay ng bagong kabanata sa ating pulitika.

Isang taong wala talagang hilig sa pulitika, mahiyain at low profile ay biglang sumabak sa bagong mundo.

Personal nating kaibigan si SAP Bong kaya may lisensiya tayong sabihin na kahit malapit ito kay Mayor Rody sa mahabang panahon, hindi ito pinasukan ng kayabangan kahit kailan.

Nasa isang sulok lamang palagi at umaaksiyon kapag kailangan. Nakita natin kung gaano ka-seryoso at mahiyaing tao si SAP Bong kaya hindi mo aakalaing darating ang araw na sasabak siya sa pulitika.

Sa loob ng mahigit 20 years na personal aide ni Mayor Rody at mahigit dalawang taon nang SAP, hindi man lang ito nasangkot sa kahit anong isyu ng pang-aabuso sa kapangyarihan.

Kaya nga napahiya sila nang isabit nila si SAP Bong sa Navy ship issue dahil sobrang ingat nito na mabahiran ang kanyang pangalan.

Panalo ang bayan kay Go dahil iyong ugali at kilos nito, hindi mo pagkakamalang pulitiko dahil sobrang down to earth.

Sa tingin ko, mahihiyang magpakatrapo ang sinumang nasa Senado kapag naging miyembro nila si Bong Go.

Katulad ni Pangulo na binago ang political dynamics ng bansa, si SAP Go ang magbabago ng karakter ng kabuuan ng Senado dahil pangkaraniwang tao lang talaga ito sa kilos, sa salita at sa gawa.

Wala itong hangin at hindi ito marunong mamulitika.

Go, SAP Bong Go!

* * *

Isa pang tahimik na presidential asset ang magbabalik sa pulitika ng Bohol. Ang kaibigan din nating si Cabinet Secretary Jun Evasco ay kakandidatong gobernador ng Bohol.

Dating alkalde si Evasco sa Maribojoc na lumaban sa pang-aabuso at kapabayaan ng national nang mangyari ang kalamidad sa Bohol.

Si Evasco ang national campaign manager ni Pangulong Duterte at dalubhasa sa grassroots organizations.

Malaking bagay para sa Bohol ang pagbabalik ng kanilang anak sa pulitika sa katauhan ni Evasco dahil kabisado nito ang problema ng lalawigan.

Dating pari at dating rebelde si Mayor Jun bago naging katuwang ni Mayor Rody sa Davao City.

Isang tunay na anak ng Bohol vs trapong pinadpad ng hangin sa lalawigan ang maglalaban sa pagka-gobernador.

allanpunglo@gmail.com