Salary increase para sa mga guro

NITONG parating na October 5 ay gugunitain sa buong mundo ang Teachers’ Day (or Month). Sigurado ako na lahat ng paaralan ay magkakaroon ng mga programa para sa espesyal na araw na ito para sa mga itinuturing nang pangalawang magulang ng ating mga anak.

Noong nagdaang konsultasyon nga, ako kasama ang lahat ng school principals sa Malabon City kasama ang mga kinatawan ng DPWH at si Vice Mayor Jeannie Sandoval upang pag-usapan ang mga kailangang pasilidad sa mga paaralan, lahat ng request ng mga guro ay para sa mga estudyante.

May request para sementuhin ang school ground para sa P.E. ng mga estudyante, may gustong ipaayos ang railings ng school para sa kaligtasan ng mga bata, may gusto ng covered court para hindi mainitan ang mga bata habang naglalaro ng basketball, atbp.

Ipinapakita lang nito na higit sa kanilang sarili, ang kapakanan pa ng kanilang mga mag-aaral ang prayoridad ng mga guro.

Kaya naman puspusan din kami sa Kongreso sa paghahanap ng paraan para lumaki ang net take-home pay ng mga teacher.

Sa katunayan, habang isinusulat ko ang column na ito ay naka-schedule ang pulong ng House committee on basic education and culture para talakayin ang mga report na may mga deductions ang sweldo ng mga teacher.

May mga ulat kasi kaming natanggap tungkol sa mga automatic deductions sa sahod ng mga guro sa tuwing may mga private loans sila.

Bukod sa pagsuri natin sa mga deductions, patuloy pa rin nating isinusulong ang salary increase ng mga guro. Alinsunod sa House Bill 56 natin kasama ang ACT Partylist, nais natin itaas sa P 25,000 ang basic salary ng guro habang itinataas din ang Personal Economic Relief Allowance o PERA sa P 5,000 kada buwan.

Nagawa nating maitaas ang sahod ng mga pulis at sundalo kaya alam kong sa pagtutulungan ng ehekutibo at Kongreso ay magagawan natin ng paraan ang hinaing na ito ng mga guro.

Pagbaba sa Minimum Age of Criminal Responsibility.

Kamakailan ay naging laman ng balita ang panukala ni Senate President Tito Sotto na ibaba sa 13 anyos ang minimum age of criminal responsibility. Sa ilalim kasi ng Republic Act 9344, exempted sa pagkakasala ang mga 15 anyos pababa. Habang may edad sa pagitan ng 15-18 anyos ay depende pa kung may discernment ang bata.

Sa orihinal na probisyon ng ating Revised Penal Code, 9 anyos ang basehan ng exemption. Pero dahil naging bahagi tayo ng mga convention ng United Nations, inudyok nito ang mga kasaping bansa na huwag ibaba sa 12 anyos ang age of criminal responsibility.

Napapanahon na para suriin ang batas na ito kasama ang mga eksperto sa bansa upang matukoy kung kailan natin maituturing na may discernment ang isang bata. Madalas kasi sa mga criminal ngayon ay gumagamit na ng mga bata dahil alam nilang makakalusot sa pananagutan ang mga ito.

Dapat din ay lagyan ng probisyon ang batas para bigyan ng pananagutan ang mga magulang na mapapatunayang nagpabaya sa kanilang mga anak. Marahil bukod sa pagbabayad ng danyos at counseling, dapat ay maglagay na tayo ng karampatang parusa kung mapatunayang naging instrument pa sila sa paglabag ng batas ng kanilang anak. Ano sa palagay ninyo?

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)