7,188

Sa ‘Araw ng mga Puso,’ isipin ang pamilya

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 262

SA ‘Araw ng mga Puso’, marami ang naliligaw ang isip at damdamin at ang pinahahalagahan ay ang
kanilang relasyon sa labas ng pamilya. Mas importante sa kanila ang kalaguyo kaysa pamilya. 

Kaugnay nito, nais kong ibahagi ang aking sinulat sa aklat na “Magkaisa Para sa Bayan”,
tungkol sa pamilya na ang pamagat ay “Mapagmahal at Mapag-aruga sa Pamilya, Magalang sa mga
Magulang, bilang gabay sa ating puso, hindi lang ’pag “Valentine’s Day”, subalit sa lahat ng
panahon.
    
“Ang bawat mamamayan ay may pamilya na binubuo ng kanyang asawa’t mga anak, mga magulang at
mga kapatid.
    
Tungkulin ng bawat mamamayan ang magmahal at mag-aruga sa kanyang pamilya at gumalang sa
kanyang mga magulang.
    
Ang kawalan ng pagmamahalan, pag-aaruga at paggalang ng mag-anak sa isa’t isa ang sumisira
sa pamilya, ang nagiging sanhi ng paghihiwalay ng mag-asawa, ng pagkakaroon ng ibang pamilya ng
taong may asawa, ng paglapastangan ng anak sa kanyang ama’t ina, ng ama sa kanyang anak at
pagkaligaw ng landas ng mga miyembro ng pamilya.
     
Ang mga magulang ang nagdadala ng pamilya. Ang ama ang pinuno nito kaya’t dapat magpasakop
ang ina sa kanya. Ang ama ang haligi ng tahanan at ang ina ang ilaw nito. Kung mahina ang haligi ay
babagsak ang pamilya at kung madilim ang ilaw ay hindi makikita ang tamang landas na dapat tahakin
ng pamilya.
    
Ang pagkakaisa ng pamilya ay nakasalalay sa mag-asawa. Ang ama ay dapat patatagin ng
pagmamahal at paggalang ng kanyang asawa. Gayon din sa ina. Ang pagpapatibay ng haligi at
pagpapasinag ng ilaw ng tahanan ay nasa kanila.
     
Ang mag-asawa ay dapat magmahalan, maggalangan, magtulungan, magsunuran, magbigayan at
maging tapat sa isa’t isa.
 
Ang ama na natutulog sa kandungan ng iba ay marupok na haligi ng tahanan na maaaring maging
sanhi ng pagguho nito. Ang ina na nagtataksil sa kanyang asawa ay hindi ilaw subalit apoy na tutupok
sa kanyang pamilya.
 
Dapat magpakita ng mabubuting gawa ang mga magulang sa kanilang mga anak. Ang
pinakamagandang halimbawa na maipapamalas ng mag-asawa sa kanilang anak ay ang hindi mag-away. Paano
sasawayin ng mag-asawa ang kanilang mga anak sa pag-aaway kung sila mismo ay nagsisigawan at
nagsasakitan?
    
Hindi tamang parusahan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Ang mga problema sa pamilya ay
dapat pag-usapan, maging mga katanungan tungkol sa kasarian ng miyembro nito. Ang mag-anak na nag-
uusap ay nagkaka-unawaan at nagkakatulungan sa mga suliranin ng isa’t isa.
    
Mahalagang maglaan ng panahon ang mag-asawa sa kanilang mga anak. Ilaan ang araw ng Linggo
para sa kanila at sa Diyos para sumamba. Malaking bagay ang makipagkwentuhan at makipaglaro ang mga
magulang sa kanilang mga anak. Sa ganitong pagkakataon ay magiging malapit sila sa isa’t isa.
    
Dapat makinig, sumunod at gumalang ang anak sa kanyang mga magulang. Ang pagiging masunurin
at magalang na anak ay pinagpapala.
    
Hindi tamang sumagot o lumaban ang anak sa mga taong nagbigay buhay sa kanya at kanyang
asawa. Alam ng magulang ang mabuti sa kanilang mga anak, kaya’t ang kanilang mga payo ay dapat
sundin upang ang mga anak ay mapabuti at mapagpala. Kung may hindi pagkakaintindihan sa kanila ay
dapat pa rin silang igalang bilang nakatatanda.
    
Hahanapin natin ang isang bagay kung ito’y wala na. Huwag nating hintayin ang panahon na
ating sabihin na sana ay nakagawa tayo ng mga bagay na ikasisiya ng ating mga magulang. Gawin natin
ang lahat ng mabubuting bagay na ating magagawa sa ating ama at ina habang sila’y nabubuhay pa.             
Malungkot maranasan na sila’y pumanaw na hindi natin nabigyan ng ligaya at ginhawa.
    
Ang magkakapatid ay dapat magmahalan, maggalangan, magtulungan at magbigayan. Hindi dapat
kainggitan ang pag-unlad ng isa. Dapat nilang ikasiya ano mang mabuting pagbabago ang nangyayari sa
bawat isa.
    
Ang nakababata ay dapat sumunod at gumalang sa nakatatanda. Ang panganay ay dapat maging
mabuting halimbawa at gabay sa mga kapatid na nakababata.
     
Kailangang magtulungan at magbigayan ang magkakapatid sa pangangailangan ng isa’t isa, kahit
na sila’y may kanya-kanya ng pamilya.
 
Ang nakaluluwag ay dapat magbukas ng palad sa kapatid na humihingi ng tulong. Subalit hindi
tamang iasa ng nangangailangan ang buong buhay niya sa kapatid na mayroon ng sariling pamilya.
    
Ang pamilya ang bumubuo ng bayan. Ang pagkakaroon ng pagmamahalan, pag-aaruga, paggalang at
pagkakaintindihan sa pamilya ang maghuhubog ng mga mapayapa at mabubuting mamamayan, na siyang
kailangan sa pagsasaayos ng ating magulo at masalimuot na bansa.