6,138

RIT sa Caloocan, naghahasik uli ng lagim

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 325

On the beat

SA kabila ng patuloy na pagsisikap ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan na mapaunlad ang ekonomiya at kabuhayan ng lungsod, nagiging hadlang naman ang sunud-sunod na krimen na kagagawan ng hindi mahuli-huling mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo sa kanilang walang patumanggang pamamaslang.

Hindi naman talaga matatawaran ang mga ginawang pagbabago ni Mayor Malapitan mula sa una hanggang sa ikalawang termino ng kanyang panunungkulan bilang ama ng lungsod, patunay ang mga imprastrakturang kanyang naipatayo kabilang na ang bagong gusali ng city hall, amphitheatre, karagdagang paaralan at unibersidad, health centers at kung anu-ano pa, pati na ang pagpapailaw sa mga madidilim na lansangan at pagpapagawa sa mga sira-sirang kalsada.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang nangyayaring mapangahas na pagpatay na dati ay sa madaling araw o hatinggabi lang nagaganap pero ngayon, wala na silang pinipiling oras at lugar.

Nito nga lang nagdaang mga araw, sunud-sunod ang mga pagpatay ng  riding-in-tandem criminals, hindi lang sa area ng North Caloocan kundi maging sa ikalawang distrito ng lungsod kung saan matatagpuan ang punong himpilan ng pulisya.

Bukod sa magkapatid na tricycle driver na ang isa ay nasa kritikal pang kondisyon, may dalawang ginang din na pinagbabaril na ikinamatay kaagad ng isa at isa pang tricycle driver na sangkot daw sa illegal na droga. Pero ’yan ay ilan lang sa mga pinakahuling napaslang dahil kung iisa-isahin pa ay mauubos lang ang espasyo.

Ang masaklap, wala pang nalulutas sa mga pamamaslang na kagagawan ng riding-in-tandem criminals kaya’t hindi maalis sa mga mamamayan ng lungsod ang muling mabuhay ang kanilang pangamba lalo na’t wala ng pinipiling lugar at oras ang mga kriminal.
    
Huwag na nating talakayin ang mas madalas na patayan sa North Caloocan lalo na’t sa lugar na ito matatagpuan ang pinakamalaking barangay sa buong bansa. Dito lang kasi sa area ng Bagong Barrio, may isa raw grupo na kung bansagan ay “Sawako Gang” ang patuloy sa paggawa ng krimen.
    
Sangkot daw sa iligal na droga at pawang mga armado ng matataas na kalibre ng baril ang grupo na pinamumunuan ng isang alias “Bajong” na may nakabimbin na palang warrant of arrest pero hindi mahuli-huli ng pulisya.
    
Kaya siguro marami ang nagtaas ng kilay nang ilabas ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang ulat na ang Caloocan police ang most trusted police station sa survey na isinagawa mula Oktubre hanggang Nobyembre ng taong 2017.
    
Ngayon kaya isagawa ng NAPOLCOM ang survey? Kaya pa rin kaya ng puwersa ng kapulisan sa Caloocan na makuha ang tiwala ng mamamayan? Nagtatanong lang.

HALL OF JUSTICE
    
Maliit na lungsod lang ang Navotas City pero nakapagpatayo na sila ng sariling Hall of Justice na noon lang nakaraang Miyerkules ay binasbasan nina Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco.
    
Kung nakaya ng lungsod ng Navotas na makapagpatayo ng Hall of Justice, bakit hindi makapagpatayo ng kahalintulad nito ang ibang lungsod na mas may kakayahang pinansiyal?
    
Naniniwala si Mayor Tiangco na ang pagkakaroon ng sariling gusali ng Hall of Justice sa A. Ignacio St. sa Bgy. Daang Hari ay makakatulong upang mapabilis ang pagkakaloob ng hustisya at sistema ng hudikatura sa lungsod.
    
Ang pagkakaroon ng sariling regional at metropolitan trial courts ay isinulong ni Cong. Toby Tiangco sa Kongreso nang maging ganap na lungsod ang Navotas kaya’t ngayon ay isinusulong naman niya ang pagkakaroon ng sariling City Prosecutor’s Office upang mapabilis ang proseso ng pagdinig sa mga kaso.
    
Hinimok naman ni Court Administrator Jose Midas Marquez ng Korte Suprema, si Cong. Tiangco na maghain ng batas para sa karagdagang regional trial courts upang matugunan ang kakulangan nito na nagiging dahilan ng pagkaantala ng paglilitis sa iba’t ibang kaso.

BLUMENTRITT POLICE MAY BAGONG HEPE
    
Bago na pala ang hepe ng Blumentritt Detachment sa katauhan ni Senior Insp. Edison Quano, kapalit ni Chief Insp. Marlon Mallorca kaya’t malinis at lumuwag ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng kalye Blumentritt.
    
Maaaring hindi pa nababatid ni Capt. Quano ang sikreto ng iba pang iligal sa kanyang lugar kaya’t ang inuna niya ay ang lantad sa mata ng publiko tulad ng illegal terminal at abusadong mga sidewalk vendor na sumasakop na sa lansangan.
    
Bigyan muna natin ng pagkakataon si Capt. Quano na linisin at paluwagin ang daloy ng trapiko sa kalye ng Blumentritt na sana ay hindi maging ningas-kugon o pagpapakilala bago ipabatid sa kanya ang iba pang iligal tulad ng video karera, iligal na koneksiyon ng tubig at kuryente at iba pa na posibleng hindi pa niya natutuklasan.

* * *
    
Sa mga puna at reaksiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0919-2425644.