7,020

Reklamo sa Coop ng Senado

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 156

'Uncovered'

LUMAPIT sa inyong lingkod si Jocelyn Tomarong-Celda, miyembro ng Senate Employees Transport Service Cooperative (SETSCO), isang kooperatiba ng mga Senate employees na namuhunan upang magkaroon ng pampasadang jeep na bumibiyahe mula Buenda, GSIS at Macapagal Boulevard.

Bago ko ilahad ang paratang laban kay Ms. Remedios L. Venturina, chairperson ng SETSCO, gusto kong iparating sa kanya na tinawagan natin siya sa kanyang mobile phone (sana nga sa kanya) na may ending number na 6991 upang kunin muna ang kanyang panig. Pero ‘cannot be reached’ ito at gusto ko ring ipaalam sa kanya na puwede niya akong puntahan sa Media Center ng Senado mula Lunes hanggang Huwebes.

Kung wala man ako, puwede rin po kunin niya ang aking telephone number sa mga staff ng PRIB (Public Relations and Information Bureau) upang kami’y magkausap at maibigay naman ang kanyang panig.

Umpisahan natin ang sumbong laban kay Ms. Remedios sa hinaing ni Ms. Jocelyn.

August 17, 2017 pa ay sumulat na si Tomarong-Celda kay Ms. Nonie Hernandez ng Cooperative Development Authority (CDA)-NCR Manila Extention Office. Ang CDA para sa kaalaman ng lahat ay ahensiya ng gobyerno mula sa Department of Finance na nangangalaga sa mga kooperatiba sa ating bansa.

Bukod kay Ms. Jocelyn, pirmado ang ‘sulat-sumbong’ ng iba pang SETSCO members na sina Nunilon Gui-Noo, Richard Sarenas, Crisa Cano at Jesus Balisbisan.

Nais ng grupong ito na paimbestigahan ang diumano’y maling pamamalakad ni Ms. Remedios sa SETSCO, partikular na ang mali umanong paggamit sa kanilang pondo.

Una na rito ang ‘souvenir shop’ sa 3rd floor ng Senate building kung saan ay hindi pinakinabangan ng SETSCO ang kita rito.

Inakusahan nilang si Ms. Remedios lamang ang diumano’y kumita rito dahilan upang hanggang ngayon ay nananawagan sila ng agarang pag-audit sa kanilang pondo.

Hinahanap din ng mga nagsusumbong ang perang P200,000 na ibinigay sa SETSCO ni Senador Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri para sana pambili ng pampasaherong jeep na magagamit ng kanilang kooperatiba sa paglikom ng pondo.

Pero hanggang ngayon, hindi umano ito binili ng pampasaherong jeep at sa halip, ayon pa sa akusasyon ni Ms. Jocelyn, ang P50,000 na bahagi ng perang ibinigay ng senador ay ipinambayad bilang ‘lagay’ o ‘kotong’ sa LTFRB na hindi naman dapat.

Nag-loan din umano ang SETSCO sa Manila Water Foundation Inc. upang magamit sana sa investment ng kooperatiba, ngunit hindi na nila alam kung saan ito napunta.

Isa pa sa isinusumbong ng grupo ni Ms. Jocelyn ay ang hindi pagsauli ng kanilang pera sa kabila ng katotohanang nag-resign na sila bilang mga miyembro ng kooperatiba.

Anila, hindi na nga isinauli ang kanilang puhunan, natengga pa nang husto ang mga pamasada nilang sasakyan dahil kahit ipinapa-drop na nila ang plate number nito, hindi umano pumapayag si Ms. Remedios.

Sa pagkakaintindi ko, umabot na sa 35 pampasaherong jeep mayroon ang SETSCO. Ang 20 units ay dapat na umanong ipa-drop ang plate numbers dahil ilan sa mga miyembro ng kooperatiba ang dismayado at nag-resign.

Iyong iba, ayon kay Jocelyn ay patay na kaya dapat na ring ilipat sa ibang pangalan ang prangkisa ng nakuhang jeep.

Tatlong unit ng jeep ang hinahabol ni Ms. Jocelyn na ma-drop na ang plate number upang magamit na nila ito bilang pribado.

Ano ba ang pag-drop ng plaka? Isa ito sa proseso upang ang plate number ng anumang pampasaherong (yellow plate) sasakyan ay kailangang i-drop ng LTFRB para ito’y magkaroon ng green plate na gamit sa pampribado.

Nagtataka si Ms. Jocelyn kung bakit ipinagdaramot sa kanila ni Ms. Remedios ang pagda-drop sa plaka ng kanilang sasakyang gayung sila ang tunay na may karapatan na magamit ang mga ito.

Ang tatlong unit ng jeep na pag-aari ni Ms. Jocelyn ay hindi niya napapakinabangan mahigit isang taon na.

Pakiusap ng mga nagsusumbong, i-drop na agad ang kanilang plaka at ibalik na ang kanilang mga pera.

Samantala, gusto ko rin sanang makausap si Ms. Remedios upang linawin at tanungin sa kanya kung gaano katotoo na may mga hindi Senate employees ang nabigyan ng prangkisa ng LTFRB para naman maka-avail ng mga electric powered jeepneys na kamakailan lang ay na-turn over sa SETSCO at pinasinayaan pa mismo ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Karapatan ng taumbayan, partikular ng mga miyembro ng SETSCO, na makilala ang mga ‘nabiyayaan’ ng E-Jeep upang matukoy kung mga lehitimo ba silang Senate employees o hindi.

Nakausap na natin si Senate Secretary Atty. Myra Villarica hinggil sa sumbong na ito at sinabi niya sa ating dapat ay malikom ang lahat ng impormasyon upang maaksiyunan sa lalong madaling panahon kung may mali at anomalya mang nagaganap sa kooperatiba ng Senado ngayon.

Sana, makapagbigay kaagad ng kanyang panig si Venturina hinggil dito.

At sana rin maibigay na ang mga nararapat na makuha ng kanyang mga dating miyembro dahil sigurado ako, kapag nalaman ito ni SP Sotto na may katarantaduhang nagaganap sa kooperatiba ng Senado, tiyak ay mabubulaga sila nang husto!