Red October

September 26, 2018

USAPAN ngayon ang “Red October”, ang plano ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front-New People’s Party (CPP-NDF-NPA); Liberal Party (LP) ni P-Noy at Magdalo ni Sen. Antonio Trillanes IV na patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong darating na Oktubre.

Ang plano ay tinawag na “Red October”, dahil ito’y pinangungunahan ng CPP-NDF-NPA na itinaguriang “pulang” grupo at dahil ilulunsad sa Oktubre.

Ang “Red October” ay tawag sa October 1917 Russian Revolution na nagpatalsik sa emperor ng Russia at pinalitan ng komunistang gobyerno nito na itinatag ni Vladimir Ulyanov Lenin, ang father ng Russian revolution.

Nangangarap ang CPP-NDF-NPA na magkaroon ng sariling version ng “Red October”, kaya’t pinili nila ang parating na Oktubre para patalsikin si Duterte.

Bago pa dumating ito, lumikha ng mga isyu ang CPP-NDF-NPA, ang LP ni P-Noy at Magdalo ni Trillanes para hikayatin ang taumbayan na mag-aklas laban kay Duterte sa pamamagitan ng People Power.

Ang kanilang ginawang isyu ay ang malawakang pagpaslang sa mga biktima ng drug war, ang pagpapalibing sa labi ni dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani at ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Para sa tatlong grupo ang pinakamagandang pagkakataon para painitin ang bayan ay ang anibersaryo ng deklarasyon ng martial law noong September 21, 1972, kaya’t nanawagan sila sa taumbayan na dumalo sa rally at protesta sa Plaza Miranda at Liwasang Bonifacio, kung saan ang kanilang sigaw ay “NEVER AGAIN” at “NO TO DICTATORSHIP.”

Pinalabas nilang ang libu-libong biktima ng tokhang ay mahihirap at ang target nito’y ang mga maralita, ang mga squatter at uring manggagawa lamang, kaya’t kailangan nilang mag-aklas laban sa pamahalaan lamang.

Laban raw ang oplan tokhang sa mahihirap, kaya’t panahon na para tutulan ng mga mamamayan at sa pagdagdag ng isyu ng pagtaas ng mga bilihin at pagbuhay sa mga alaala ng kalupitan ni Marcos, akala ng mga pula, dilawan at Magdalo na kumpleto na ang kanilang rekados para ilunsad ang kanilang “Red October” sa susunod na buwan.

Ok na sana ang nilutong “putahe” ng tatlong grupo, kaso ‘di ito nagustuhan ng bayan, kaya’t pumalpak ang kanilang panawagan noong September 21, 2018.

Sa kabila ng kanilang panawagan ng malawakang rally na dadaluhan ng mga pula, dilaw at Magdalo ay kaunti lang ang mga dumalo rito, kaya’t hindi nakatawag ng atensyon ng mga mamamayan at international media. Mas marami pa ang mga nag-rally na supporters ni Pangulong Duterte na tinapatan ang demonstrasyon ng mga kontra Duterte.

Dahil hindi nakagawa ng ingay ang kanilang sigaw na “NEVER AGAIN” at “NO TO DICTATORSHIP,” nagpahayag si CPP Chairman Jose Ma. Sison na sa kalagitnaan ng 2019 na nila aasahan ang pagpapatalsik kay Duterte, na ang ibig sabihi’y aminado silang ‘di na matutuloy ang “Red October”sa darating na buwan.

Para sa inyong lingkod, ang pagtawag ng rebulosyon ng tatlong grupo ay hindi matutuloy, hindi lang dahil hindi ito napapanahon, subali’t hindi nais ng bayan na sila ang maglulunsad ng kanilang himagsikan.

Ayaw nila sa pula at higit na ayaw nila sa dilaw dahil alam nila ang ginawang pagsasamantala sa kanila ng gobyerno ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong ito ang nasa poder ng kapangyarihan.

Ayaw rin nila sa Magdalo ni Trillanes, dahil alam nilang ang senador ay bayaran at matapat na tuta lang ni P-Noy at ng Liberal Party.