Quality education susi sa quality jobs

November 05, 2018

PINIRMAHAN na bilang Republic Act 10968 ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang isinulong nating Philippine Qualifications Framework bill.

Sa unang basa, parang napaka-technical ng batas na ito. Pero ang pinaka-buod ng batas na ito ay pagsiguro na de kalidad ang curriculum ng mga estudyante sa lahat ng educational institutions para naaayon ito sa global standards at alinsunod sa hinahanap ng mga employers.

Madalas na tayong nakakarinig ng mga paaralan na diploma mills o yung napakadaling makakuha ng certificate na natapos mo ang isang kurso.

Sa ganitong kaluwag na sistema, madalas ay nagkakaproblema o nahihirapan ang mga new graduates natin dahil hindi sila pumapasa sa standards ng mga employers.

Dahil sa mismatch ng qualifications ng ating mga graduates at sa hinahanap na minimum requirements o skills ng iba’t ibang industriya, kaya nagkakaroon tayo ng unemployment o underemployment.

Sa tala nga ng Philippine Statistics Authority, nasa 5.4% ang unemployment sa bansa habang nasa 17.2% naman ang underemployment.

Kailangan nating mag-double effort para mapababa ang mga numerong ito lalo na’t sa bagong labas na  Executive Order No. 65, mas maraming industriya na ang binuksan ng pamahalaan para sa mga foreigners.

Dito papasok ang kahalagahan ng RA 10968 na isinulong natin sa Kongreso.

Sa ilalim ng batas na ito, bubuo tayo ng Philippine Qualifications Framework National Coordinating Council na sisigurong ang mga itinuturo sa mga eskwelahan at mga training centers ay naaayon sa industry standards.

Sa ganitong paraan, matatanggal natin ang mismatch o yung pagtuturo ng mga bagay na hindi naman angkop sa nais makita ng mga kumpanya sa mga aplikante.

Ang Department of Education ang magiging head ng council na ito. Magiging myembro naman ang DOLE, CHED, TESDA, PRC, at tig-isang kinatawan mula sa economic at industry sector.

Sa oras na maglagay tayo ng standards, magiging mandatory rin sa mga paaralan na sumunod dito. Higit sa lahat, tungkulin ng council na ito na siguruhing nakakasabay sa global trends ang mga itinuturo sa ating mga paaralan para manatiling competitive ang ating mga graduates.

At para maiwasan na ang kalituhan sa mga qualifications, mandato rin ng council na gumawa ng iisa at opisyal na taxonomy o typology para madaling maintindihan kung ano ba ang kinakatawan ng diploma o certificate na hawak ng isang graduate.

Kung ilalagay mo ang sarili mo sa lugar ng isang employer, talagang mahirap mamili ng empleyado sa dami ng magpapasa ng aplikasyon sa opisina mo.

Minsan kailangan pa ng masusing research at interview para malaman mo talaga kung taglay ba ng nais mag-apply sayo ang skills na hinahanap mo.

Sa pamamagitan ng bagong batas na ito makakasiguro ang estudyante na tugma ang inaaral niya sa demand ng mga employers habang kampante naman ang employers na naaayon sa kategorya nila ang kukunin nilang empleyado.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon).