5,320 guests

Purgahin ang mga anay sa Philippine News Agency!

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 609

HINDI ako maniniwalang santambak na bobo at tanga ang mga taga-Philippine News Agency o PNA.

Kung mayroon mang masasabing cream of the crop sa mundo ng journalism, matatagpuan mo yan sa PNA.
    
Hindi madaling makapasok sa PNA, lalo na noong mga panahong hindi pa uso ang political accommodation sa mga writer.
    
Ganyan din sa Philippine Information Agency o PIA. Ang PNA at PIA ang dalawa sa mga media agency ng gobyerno na masasabing metikuloso sa detalye. Kapag nangangapa ng detalye at factual stories ang mainstream media, lalo na noong mga 1990s, tanging ang PNA at PIA ang pinagkukunan namin.
    
May tinatawag nga kami noon na PNA wires, ito iyong klase ng news service na kahanay ng international news sources na AP (Associated Press), AFP o Agence France-Presse. Ang mga ahensiyang ito ang pinagkukunan ng international news dahil sigurado kang verified and 100% accurate ang sources sila.
    
Ang mga malalaking media outfit na subscriber ng PNA ay may in-house machine na parang fax machine na may papers na lumalabas maya’t maya. Ang mga news print na may news details, information and other facts ay kinukuha ng copy editors at deskman para ilagay sa working table ng news editors, managing editors at editor-in-chief. Ito iyong stone age journalism pa na walang internet at hindi pa uso ang fax machines.
    
Wala akong maalala na may maling detalye na nakuha mula sa PNA dahil gospel truth ang pagtrato ng editorial board sa kanilang mga inilalabas na balita, lalo na kapag tungkol sa government affairs.
    
Ngayong si Secretary Martin Andanar na ang hepe ng Presidential Communications Office, nakakagulat na biglang naglabasan ang mga sablay na detalye ng PNA. Hindi naman ako maniniwalang nabobo sila dahil sa kanilang boss.
    
Lalong hindi ako maniniwalang dahil si Pangulong Duterte na ang direct boss ng PCO at ng lahat ng media group ng gobyerno ay bigla silang maghuhuramentado!
    
Hindi ko bibilhin ang kanilang pagkakamali na nailagay ang logo ng DOLE Philippines sa halip na ang logo ng Department of Labor and Employment sa isang public announcement.
    
Hindi sila santambak na mga tanga at gago para mangyari ito. Mas maniniwala ako na tanga lang sila kung napagpalit nila ang POEA at DOLE logo dahil medyo hawig talaga ito. Pero para ilagay ang kompanya ng pinya kapalit ng Labor Department logo ay isang malaking sabotahe ang tingin natin dito.
    
Isa pang sablay ng PNA ay ang ilagay sa kanilang website ang article ng Chinese news agency na Xinhua na kumukuwestiyon pa sa arbitral ruling ng UNCLOS na pumapabor sa claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
    
Hindi ito karaniwan para sa PNA na ilalagay sa kahihiyan ang gobyerno kung hindi talaga sinadya.
    
Sa tingin ko, may mga latak ang mga dating administrasyon sa PNA na siyang nasa likod ng serye ng pananabotahe sa news agency ng gobyerno.
    
Ito ang malaking hamon kay Secretary Andanar na purgahin ang PNA sa mga posibleng anay na sumisira sa ahensiyang nakilala sa pagiging credible news source.
    
Habang hindi pa malaki at hindi isyu ng national security ang ginagawa ng mga latak ng nakaraang administrasyon, kailangang matumbok na ito ni Andanar para maalis sila sa PNA at ilipat sila sa Funny Comics.
    
Pinya-kulata o gulpe de gulat ang kailangan sa mga taong walang magawang matino. Makakapal na lang talaga ang mukha ng mga ito kung kaya pa rin nilang manatili sa puwesto sa kabila ng kanilang kababuyan sa trabaho.
    
Secretary Andanar, paandarin mo na ang mga bulldozer at idemolish ang mga ahas sa PNA!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.