Pulis, PDEA at BoC sangkot sa P6.8B shabu smuggling

September 29, 2018

NAKAKADISMAYA ang pahayag ni PDEA Director-General Aaron Aquino, na may opisyal ng PNP, mataas na opisyal ng PDEA at intelligence officer ng Bureau of Customs ang nasa likod ng pagpuslit sa P6.8 bilyon shabu sa BoC.

Ang nasabing shabu ay nakalagay sa magnetic lifters na nahuli ng PDEA sa isang warehouse sa GMA, Cavite. Kinumpirma ng PDEA na ang mga magnetic lifter ay naglaman ng shabu dahil ito’y inupuan ng kanilang K-9 dogs.

Wala nang shabu ang mga magnetic lifter nang masabat ng PDEA dahil ayon sa caretaker ng warehouse, noong July 30, pitong kalalakihang Intsik ang pumasok rito at kinuha ang shabung laman ng lifters.    

Bago ang pagtuklas sa nabanggit na P6.8 billion shabu, noong Agosto 4, 2018, 500 kilo ng shabu na nakalagay rin sa magnetic lifters at may halagang P4.3 bilyon ang nahuli ng PDEA sa Port of Manila.

Ang mga magnetic lifter sa dalawang insidente ay magkapareho at batay sa record ng BoC ay mula sa isang shipment ng shabu. Ang pinagkaiba lang ay butas ang nakuha sa Cavite, dahil kinuha na nga ang shabu rito.  

Kaugnay ng nabanggit noong May 2017, P6.4 bilyon shabu ang nahuli ng PDEA sa isang warehouse sa Valenzuela City.

Bago ito, may nakapuslit na shipment ng 2 toneladang  shabu sa BoC noong June 2016, January 2017 at March 2017 na ang kabuuang halaga’y  P22.5 bilyon at ito’y kumalat sa bansa.

Ayon kay PDEA Director General Aquino ang mga di-umano’y sangkot sa pagpuslit ng P6.8 billion shabu ay sina dismissed PNP Sr. Superintendent Eduardo Acierte, ang mataas na PDEA official ay ang Deputy Director-General for administration nito na si Ismael Fajardo at ang opisyal ng BoC ay si Custom’s intelligence officer Jimmy Guban.

Sinabi ni Aquino na ang 3, sina Acierte, Fajardo, at Guban ang nag-facilitate ng shipment at aniya, hindi dapat ito nakalusot sa BoC, kung kanilang pinigilan.

Sinabi pa ni Aquino na si Guban ang nagrekomenda sa SMYD Trading para maging consignee ng shipment at si Acierto naman ang umorder sa magnetic lifters na naglalaman ng shabu.

Inaalam pa ng National Bureau of Investigation ang eksaktong partisipasyon ni Fajardo sa pagpuslit ng shabu, subali’t dahil alam niya ang tungkol sa kontrabando at hinayaan niya itong  makalusot sa BoC ay tinanggal siya sa pwesto ni Aquino.

Nitong nakaraang buwan, si Acierto ay tinanggal sa pwesto sa utos ng Ombudsman, dahil sa pagkakasangkot nito sa maanomalyang pagbigay ng lisensya sa 1,400 pieces ng AK-47 na napunta sa mga rebeldeng kumunista sa Mindanao.

Ayon kay PNP Director-General Oscar Albayalde, iimbestigahan nila si Acierto at tatlo pang pulis na di-umano’y sangkot sa iligal na importasyon ng nakalusot na shabu.

Sa ganitong pangyayari ay tunay na nakaka-alarma ang problema ng droga sa bansa, sapagka’t ang matataas na opisyal ng ating pulisya, ng PDEA, ang primerang ahensya ng pamahalan na dapat sumugpo sa droga at ng BoC ay siya pang lumalabas na nasa likod ng pagpasok ng bilyun-bilyong shabu sa bansa.

Paano natin pipigilan ang pagpasok ng shabu sa BoC, kung mismong ang mga opisyal ng gobyerno na dapat ay sumugpo rito ay siyang tahasang nagpapapasok nito sa bansa.

Kaugnay nito sana’y magtagumpay sina PDEA Director-General Aquino at PNP Director-General Albayalde sa paglinis ng kanilang hanay, nang hindi ang kanilang mga opisyal at tauhan mismo ang bumigo sa kampanya ng ating Pangulo na  gupuin at wakasan ang salot na droga sa bansa.    

Kung mapatunayang nagkasala, marapat silang patawan ng pinakamataas na parusa, sa dahilang sila’y mga opisyal ng pamahalaan, ng PNP, PDEA at BoC mismo, na dapat ay siyang unang pumipigil sa pagpasok ng droga sa bansa.