Public parking fee, ipinapa-regulate ni JV!

DESIDIDO si Senador JV Ejercito na mapagtibay ang panukala nitong i-regulate ang lahat ng parking fees sa  shopping malls, hotels at iba pang commercial establishments sa bansa.

Sa Senate Bill No. 2044, sinabi ng reelectionist senator na bagaman nakasaad sa Republic Act 6541 o “National Building Code of the Philippines” ang pagkakaroon ng parking space sa mga establisimento ay wala pang batas o anumang kautusan para sa parking fees.

Tinukoy ng senador ang pagkakaibang rates na ipinatutupad ng mga mall ngayon.

Ang ilang mall aniya ay naniningil ng P30 hanggang P50 na parking fee sa unang tatlong oras at dagdag na P10 o mas mataas sa susunod na oras habang ang iba ay nagpapatupad ng P100 na fee sa unang tatlong oras.

“The cry from the public against the prevalent practice of charging parking fees by shopping malls and commercial establishments is resounding,” saad ni Ejercito.

“Owners of malls and commercial establishments should then give consideration to the buying public,” giit pa ni JV.

Alinsunod sa panukala, itatakda ang P40  parking fee sa loob ng walong oras at dagdag na P10 bawat susunod na oras habang ang overnight parking ay P100.

Nakasaad din ang 30 minutong grace period upang hindi singilin ang mga customer na pumarada ng ganito lamang kabilis na minuto.

Ang parking receipts ay dapat iniisyu ng may-ari ng establisimento o ng ahente nito at may validation system, ayon pa sa panukala.

Nais din ni Ejercito na tiyakin  ang liability ng mga security guard sa anumang mangyayari sa mga sasakyang nakaparada sa kanilang lugar na binabantayan.

Ang lalabag sa panukala ay papatawan ng P100,000 multa sa bawat customer at kakasuhan ng overpriced parking fee bukod pa sa suspensyon o revocation ng lisensya para makapag-operate.

Limang taon na ang nakararaan ay may halos ganitong uri rin ng panukala  sa Mababang Kapulungan.

Ang nagsulong nito noon ay si dating 1st District Marikina Rep. Marcelino Teodoro na naghain ng House Bill 456.

Binatikos ng mambabatas ang hindi aniya makatarungang paninigil ng parking fees sa shopping malls, hotels at kahalintulad ng establisimento.

Ang masaklap pa sa sistemang ito, patuloy naman sa pagtanggi ang mga establishment owner na akuin ang responsibilidad sakaling mawala ang sasakyan o anumang personal na gamit sa loob nito kahit na mayroong security guard sa kanilang establisimento.

Nais ng kongresista na pagmultahin hanggang kalahating milyong piso ang sinumang mall owners na lalabag sa pagsingil sa  parking fees.

Wag na tayong lumayo, mga ate at kuya.

Kahit na sa kalsada ngayon ay may bayad na rin ang pagparada.

Diyan lang sa Maynila kung saan mayor ang erpat ni JV na si dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada ay sobra-sobra ang paniningil ng parking sa mga motorista.

Ang matindi rito, walang ‘standard rate’ kung magkano ba talaga ang dapat ibayad.

Minsan, sisingilin ka ng taga-Manila Traffic Bureau -- o kung sinu-sino lang boy na pinagsuot nila ng damit ng MTB -- ng halagang P30. Minsan P40 o minsan P50.

Ngayon lang tayo nakaranas na paparada ka lang sa Intramuros para magdasal at magsimba sa Manila Cathedral Church ay pagbayarin ka pa ng parking.

Wala tayong problema sa ganitong sistema. Ang ipinagtataka lang natin, gaano ba talaga ka-authorize ang mga taong ito para mangolekta ng bayad?

Sa mismong tiket na ibinibigay nila, walang nakalagay na ‘fixed rate’ kaya kung sinong motorista ang kanilang mapagti-tripan ay sisingilin ng P50, samantalang puwede namang P10 lang.

Sino ba ang dapat magbigay ng presyo kung magkano ang dapat ibayad sa parking at higit sa lahat, nakikinabang din ba ang BIR sa mga koleksiyong ganito?

Sa ganang akin, nakakahanga ang panukalang batas na isinusulong ni JV ngayon.

Alam nating reeleksiyunista siya at posibleng pag-initan siya ng mga shopping mall magnate dahil sa pagpapalabas ng ganitong uri ng panukala.

Pero para sa mama, wala siyang pakialam, basta ang importante ay kapakanan ng masang Filipino.

Umaasa tayong mabigyang katotohanan ang mga ganitong uri ng panukalang batas dahil alam nating sobra-sobra naman talaga ang pananamantala dahil lamang sa pagsingil sa parking fees na dapat ay bahagi na lamang ng CRS o iyong tinatawag na Corporate Social Responsibilites ng sinumang namumuhunan.

Sana may mangyaring maganda sa ganitong uri ng panukala, Sen. JV!