PSr./Supt. Brent Milan Madjaco, pulis ‘probinsiyano’

October 02, 2018

NANG matalaga bilang acting chief of police ng Navotas City ang “probinsiyanong” police official na si Sr. Supt. Brent Milan Madjaco, inakala ng ilan na mahihirapan siyang gampanan ang tungkulin lalo  ang paglaban sa iligal na droga dahil iba ang kalakalan ng bentahan sa lungsod kumpara sa probinsiya.

Disyembre 28, 2017 nang matalaga bilang acting city chief of police ng Navotas si Sr. Supt. Madjaco mula sa pagiging provincial director ng Kalinga provincial office ng Cordillera province at dahil wala siyang matitirhang bahay sa lungsod, sa kanyang tanggapan sa headquarters ng pulisya nanatili pansamantala ang opisyal.

Dahil dito, inubos ni Sr. Supt. Madjaco ang kanyang panahon sa puspusang pagta-trabaho na naging dahilan upang sa loob lamang ng tatlong buwan niyang panunungkulan ay malaki ang nabawas ng nangyayaring krimen sa lungsod.

Ginulat lalo ni Madjaco, maging si Mayor John Rey Tiangco at mga opisyal ng lungsod, nang sa loob lamang ng anim na buwan mula nang manungkulan ay kalahati na ng nagaganap na krimen sa lungsod ang nabawas kung ikukumpara sa kaparehas na panahon ng nagdaang taon.

Maging ang mga dating namamayagpag na drug pushers at drug users ay tumiklop at nagpalamig habang lumisan sa lungsod ang ilan dahil halos gabi-gabi ang ginagawang operasyon ng kapulisan sa pangunguna mismo ng opisyal.

Hindi batid ng marami ang mga pinagdaanang police operations ni Sr. Supt. Madjaco na nagsimula noong siya pa ang chief of police ng Abra provincial office taong 2004 hanggang sa maging group commander ng Benguet provincial office ng taong 2006.

Natalaga rin siya bilang acting chief ng Regional Intelligence Office 2 noong taong 2010 hanggang sa maging Assistant Provincial Director for Administration ng Ifugao Provincial Office noong 2013 at Deputy City Director for Administration ng Baguio City noong 2015.

Sa mga panahong inilagi ng opisyal sa Cordillera province, maraming insidente ng pakikipaglaban ang kanyang naranasan kung saan siya mismo ang namumuno sa kanyang mga tauhan.May insidente pa na napatay ng mga rebelde sa labanan ang pito niyang tauhan subalit hindi siya pinanghinaan ng loob at sa halip ay lumaban ng harapan hanggang mapa- atras ang mga kalaban.

Dahil walang inatrasang laban, tumatak ang kanyang pangalan sa mga kalaban ng pamahalaan kaya’t bilang proteksiyon na rin sa kaligtasan ng kanyang pamilya, pansamantala siyang itinalaga sa administrative work.

Nang matalaga bilang provincial director ng Kalinga Provincial Office noong taong 2016, lalong nagningning sa Cordillera province ang pangalan ni Sr. Supt. Madjaco dahil sa kakaibang estilo ng pamumuno na naging dahilan ng mabilis na pagbaba ng kriminalidad sa lungsod ng Tabuk at sa anim pang munisipalidad na kanyang nasasakupan.

Bago siya matalaga bilang acting city chief of police ng Navotas, umani na ng iba’t-ibang parangal, medalya at komendasyon ang opisyal mula pa noong 1993 nang mapabilang siya sa Special Action Force dahil sa pagkabihasa sa iba’t ibang uri ng pakikipaglaban.

Nito lamang araw ng Lunes, pinagkalooban ni Mayor Tiangco ang kapulisan ng limang body camera, 16 na Kevlar helmets, 16 na bulletproof vests at 30 handheld radios bilang suporta sa ipinamalas na kahusayan sa pamumuno ni Sr. Supt Madjaco na malaki ang maitutulong para lalo niyang mapalakas ang kampanya sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan ng lungsod.

Noon lamang Agosto, tumanggap din si Sr. Supt Madjaco ng pitong police mobile vehicles mula kay Mayor Tiangco na ginagamit ngayon sa puspusang pagpapatrulya sa lungsod.

Pahayag nga ng opisyal, saan man siya matalaga, taumbayan ang kanyang pangunahing pinagsisilbihan dahil isa ito sa sinumpaan niyang tungkulin bilang isang pulis.

60 pamilya sa  NavoHomes

Umaabot sa kabuuang 60 pamilya ang ngayon ay naninirahan na sa 5-palapag na NavoHomes housing project sa Bgy. North Bay Boulevard South (NBBS)-Kaunlaran na pinasinayaan noong nakaraang linggo nina Mayor Tiangco at Cong. Toby, kasama sina Engr. Juancho Corpuz ng National Housing Authority, Bgy. Chairman Toto Natividad at iba pang opisyal ng lungsod  

Sa kanyang pahayag, sinabi ng alkalde na mamumuhay na ngayon ng payapa ang mga pamilyang umokupa sa housing project dahil malayo na sila sa panganib kumpara sa dati nilang tirahan sa gilid ng mga pampang at daluyan ng ilog.

Pinayuhan naman ni Cong. Tiangco ang mga naninirahan na panatilihin malinis, maayos at payapa ang kanilang paninirahan sa NavoHomes at magkaroon ng paggalang sa isa’t isa.

May apat na in-city housing projects ang Navotas na kayang maglaan sa may 1,800 pamilyang naninirahan sa mapanganib na lugar. Kailangan lamang na sumailalim muna ang mga benepisyaryo sa drug test upang matiyak na payapa ang komunidad sa pabahay.

Noon lamang nakaraang taon ay sinimulan na rin ang pagpapatayo ng tatlong palapag na gusali na magsisilbi ring bagong tahanan ng may 408 pamilyang naninirahan sa mapanganib na lugar.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644