Problema ang port congestion sa MICP, PoM

October 03, 2018

HINDI na malaman ng ating mga kababayan, lalo na ang mga mahihirap, kung papaano pagkakasyahin ang kanilang kinikita sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin.

Patuloy rin ang pagtaas ng dolyar kontra piso.

Alam naman natin ang kahalagahan ng dolyar kaugnay ng mga inaangkat nating produkto mula sa ibang bansa.

Ang masakit pa nito, siguradong makadaragdag pa sa problema ang kasalukuyang pagsisikip na nangyayari ngayon sa dalawang pinakamalaking pier sa bansa, ang Port of Manila at Manila International Container Port.

Hindi pa marahil nakararating sa kaalaman ni Pangulong Rody Duterte na matindi ngayon ang port congestion sa PoM at MICP na maaaring higit pang magpataas ng presyo ng mga bilihin.

Ang mahirap kasi, masyado na daw yatang naging makapangyarihan ang mga international shipping company na basta na lang nakapagtataas ng kanilang mga singilin gayong kung uugatin ang problema ay sila din ang may gawa.

Ayon kasi sa ating miron, karamihan daw kasi sa mga empty container nila ay hindi agad nila isinasakay palabas ng bansa.

Ang mabigat dito, kahit na sila na nga ang may kasalanan, kung anu-ano pang charges ang sinisingil sa mga importer at broker.

Nandiyan ang ECRS, CIC at iba pa.

Dahil sa pagsisikip ng mga pier, inaabot ng 3 hanggang 10 araw bago mailabas ang isang kargamento. Kaugnay nito, nadaragdagan din ang gastos sa bayad ng storage, demurrage at detention charges ng mga importer.

Heto pa, nadodoble o minsan ay higit pa ang binabayaran nila sa trucking service dahil sa tagal at haba ng pagpila ng mga trak para magkarga o magsauli ng container.

Panahon na para turuan ng leksyon ang mga international shipping line na ito.

Pangulong Digong, ipatawag mo na rin daw ang mga taga-Philippine Ports Authority para matapos na ang kalbaryo sa mga pier.

Isa rin ang PPA sa itinuturong dahilan kung nagsisikip ang mga pantalan.

Pinayagan daw kasi nila ang shipping lines na magtambak ng kanilang nga empty container sa loob ng pier. Samantalang noon naman daw ay umuupa ng container yard ang mga shipping line sa labas ng pier.

Kapag hindi naayos ang problemang ito, siguradong lalong malungkot ang Pasko nating lahat dahil sa sobrang itataas ng mga bilihin.

Tsk tsk tsk...

* * *

Mahalaga ang papel ng mga X-Ray machine sa mga pier at paliparan.

Dahil dito napapabilis ang inspeksyon at release ng mga kargamento.

Isa pa, malaking tulong ang mga scanning machine sa anti-smuggling drive ng Bureau of Customs (BoC).

Kaya dapat lang na i-prioritize ng BoC ang pagbili ng dagdag na X-Ray machine at pagsasanay ng mga tauhang mag-ooperate ng mga makinang ito.

Dahil ipinagbawal na ang pagbukas ng mga balikbayan box, mas kailangang may sapat na X-Ray machine dahil sa dumarami ang mga ipinapadalang bagahe ng ating mga OFW.

Saka lang puwedeng buksan ang isang balikbayan box kung ito’y kinakitaan ng  kaduda-dudang laman pagkatapos na dumaan sa X-Ray machine.

Hindi masasayang ang pera ni Juan dela Cruz na gagamiting pambili ng mga makinang ito.

Magandang investment ito.

Tama ba, Finance Secretary Carlos Dominguez?

* * *

Meron na lamang 57 working days  ang natitira sa taong ito.
Kung may mga kinakabahang lingkod-bayan, ito ang mga opisyal at empleyado ng income-generating agencies, lalo na ang BoC at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Meron silang tax collection target na dapat maabot o malampasan bago matapos ang taon.

Ang masakit, baka mawalan pa sila ng trabaho kapag ipinatupad ang Lateral Attrition Law (LAL).

Ito’y nagbibigay pabuya sa mga kawani ng BoC at BIR kung ang kanilang ahensiya ay maaabot at malalampasan ang assigned tax take nila.

Kung bigo naman ang mga taga-BoC o BIR, nahaharap sa parusa ang mga empleyado.

Pwede silang ilipat o matanggal sa trabaho.

Dito kawawa ang mga taga-BoC dahil ang dami o laki ng makokolektang buwis at taripa ay naka-depende sa volume at value ng importasyon.

Kung kaunti ang imports, kaunti rin ang makokolektang buwis.

Ang maganda lang ngayon, mukhang maaabot ng BoC ang 2018 collection target

***

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa

#0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)