6,026 guests

Private schools sabit sa Dengvaxia?

  • Written by Mario Fetalino Jr.
  • Published in Opinion
  • Read: 213

HINDI nakapagtataka kung bakit karamihan sa mga nabakunahan ng Dengvaxia ay mga mag-aaral mula sa
pampublikong paaralan.

Kung ano kasi ang utos ng gobyerno, ito ang susundin ng Department of Education. At kung anong
desisyon ng DepEd, ’yun naman ang susundin ng mga pampublikong paaralan.

Pero ang mga pribadong paaralan, bagama’t nasa ilalim ng pangangasiwa ng DepEd, ay may mga
sariling patakaran partikular sa kaligtasan ng kanilang mga mag-aaral.
    
Hindi biro ang matrikula na binabayaran ng mga magulang sa pag-aaral ng kanilang mga anak sa
mga pribadong paaralan kung kaya’t naghihigpit ang mga ito sa mga polisiya na may kaugnayan sa
kaligtasan.
    
Kaya’t nakapagtataka kung paano nakalusot itong Dengvaxia sa mga pribadong paaralan kung saan
marami ring mga estudyante ang nabakunahan ng palpak na gamot.
    
Hindi kaya nagkulang ang mga pamunuan ng mga pribadong paaralan sa pagpapatupad ng kanilang
mga polisiya ukol sa kaligtasan ng kanilang mga mag-aaral?
    
O baka naman naambunan ang ilang tiwaling opisyal ng mga paaralan ng katas ng mahigit P3-
bilyong pondo para sa Dengvaxia?
    
Madali kasing sabihin na mismong gobyerno ang nag-endorso ng kauna-unahang anti-dengue
vaccination program sa bansa kaya kinupkop ito ng mga pribadong paaralan pero hindi maikakaila na kaya
nila itong ipagpaliban upang mapag-aralan kung ito ay mapanganib sa mga kabataan.
    
At dahil sablay nga ang Dengvaxia, nalalagay tuloy sa alanganin ang buhay ng maraming mag-
aaral mula sa pribadong paaralan na sa akala ng maraming magulang ay kakaiba sa mga pampublikong
paaralan.
    
Bukod sa dismayado, posibleng mawalan ng tiwala ang mga magulang sa kakayahan ng mga pribadong
paaralan na bigyan proteksiyon ang kanilang mga anak habang ang mga ito ay nasa kanilang pangangalaga.
    
Tuluyan na rin sigurong masusunog ang mga susunod pang mass immunization program dahil sa
kapalpakan ng Dengvaxia.

* * *   

Dapat umaksyon agad ang pamahalaan sa isyu ng Dengvaxia na nagdulot ng panganib sa libu-libong
batang Pilipino.
    
Hindi daan-daan kundi libu-libong mga totoy at ineng na inosente at walang kalaban-laban ang
ipinahamak ng naturang bakuna.
    
Nararapat lamang na panagutin sa lalong madaling panahon ang mga nasa likod ng palpak na
anti-dengue vaccination program.
    
Hindi na magkandaugaga sa paninisi ng ibang tao si dating DoH chief Janet Garin dahil siya ang
lumalabas na prumotor nitong Dengvaxia. Bakit naman hindi eh siya ang pinuno ng DoH nang isulong ng
ahensiya ang naturang bakuna kahit pa tutol ang mga eksperto dito.

At hindi biru-biro ang halaga ng proyekto dahil tumataginting na P3.5 bilyon ang halaga ng
Dengvaxia na  binili ng DoH sa Sanofi kaya marahil ay nabulag sa laki ng komisyon ang mga nagtulak
para maipatupad ito.
    
Sa laki ng proyekto, kailangan pang lumipad ni Garin sa France kung saan nakabase ang Sanofi
upang makipag-usap ang dating DoH chief sa mga opisyal ng multinational pharma company.

Eh alam na siguro natin kung ano ang kanilang pinag-usapan du’n. Ang masama, kasama pa si
dating pangulong Noy Aquino sa naturang pulong. P3.5 bilyon kamo, ha Noy?
    
Lalo tuloy tumitibay ang hinalang conspiracy theory ni Sen. Dick Gordon na may agam-agam na
ang Dengvaxia scam ay produkto ng sabwatan sa pagitan ng drug manufacturer at mga opisyal ng Aquino
administration.
    
Wala naman bago sa mga nakakalungkot at nakakapikon na balitang ito dahil ubod naman talaga ng
korap ang dating gobyerno na nagpanggap lang na matuwid. Dahil kung hindi, sana may plaka na ang ating
mga sasakyan at hindi nagkaletse-letse ang ating mga tren na bumibwisit sa buhay ngayong ng maraming
mga Pilipino.
    
Pero ang kaibahan kasi ng katiwaliang ito ay mga bata ang ipinahamak ng hayup na gobyerno ni
Noy at Sanofi. Kung ako lang ang masusunod, padadampot ko na ang mga ito at ikakalaboso dahil wala
naman dapat sisihin kundi sila.
    
Sino ba ang may kasalanan dito? Ang mga batang  boluntaryong nagpabakuna? Ang mga magulang na
nagtiwala sa gobyerno?
    
Huwag na nating patagalin ‘to. Sampahan na ng kaso ang may mga pananagutan at litisin  na agad
sa hukuman. Parusahan ng mabigat ang may kasalanan nang hindi na tularan.
    
Kung hindi, muling malalagay sa panganib ang ating mga kabataan.
                        **
For comments, please call or text 09055080126 or email This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.