Prangkisa ng PECO, posibleng makansela

October 09, 2018

MUKHANG karma ang aabutin ng nagmamay-ari ng Panay Electric Co.  (PECO) sa oras na matuloy ang balakin ng Kamara na huwag ng i-renew ang kanilang prangkisa na magtatapos sa Enero 18, 2019 dahil sa dami ng reklamong ibinabato ng kanilang mga binebentahan ng kuryente sa Iloilo City.

Inirekomenda na kasi ni Rep. Franz Josef  Alvarez, chair ng House committee on legislative franchise, na huwag ng pagkalooban ng bagong prangkisa ang PECO  bunga ng napakaraming reklamong tinanggap ng Iloilo City Hall at ng Energy Regulatory Commission (ERC) mula sa mga customer nito.

Hindi raw kasi pinahalagahan ng kumpanya ang pakiusap ng opisyales ng city hall na gawing mas moderno at mahusay ang operasyon, pati na ang paglalagay ng bagong sistema at kagamitan.

Isa nga sa matinding reklamo laban sa PECO ang biglaang pagtaas ng 1,000 porsiyento ng singil sa buwanang bayad na nagsimula sa pagpasok ng 2018 na pinilit namang itama ng ERC pero dahil masalimuot ang sistema ng kanilang pagme-metro, 80 porsiyento lang ang mga kasong naayos at ang iba ay nakabimbin pa, batay sa testimonya sa pagdinig ng Kamara.

Natuklasan din sa pagdinig na may record na noong 2014 ang PECO ng paniningil ng labis kaya’t inatasan sila ng ERC na isoli sa customer ang P631 milyong sobrang singil pero sabi ni Iloilo City Councilor Joshua Alim sa pagdinig ng Kamara, hindi pa kumpleto ang bayad ng kompanya.

Ang mahirap, na-monopolyo kasi ng PECO na pag-aari ng pamilya Cacho ang pagbebenta ng kuryente sa mga taga-Iloilo kaya’t kahit anong gawing taas ng bayad ay reklamo na lang ang magagawa ng mga customer na hindi naman basta-basta maaksiyunan ng lokal na pamahalaan.

Ngayong kailangan na ng PECO ng bagong prangkisa, nakaaninag na ang mga residente ng Iloilo na makamit ang hustisya mula sa matagal na masamang serbisyo at abuso sa paniningil batay sa kanilang mga naging testimonya sa Kamara kaya napilitan ang komite na irekomenda sa plenary na huwag nang ibigay ang hinihinging 25-taong prangkisa at sa halip ay ibigay ito sa ibang kumpanya na may mas malaking kapital para mapaganda at maging moderno na ang serbisyo ng kuryente sa lungsod.

Batay nga sa resulta ng pagsusuri ng consulting firm na WSP na kinontrata ng Iloilo Economic Development Foundation na tutuklas kung kaya pa ng PECO na gawing moderno ang operasyon dahil sa planong gawing world-class business center sa Visayas ang Iloilo, lumabas na kulelat pa nga ang kompanya kumpara sa utility firms na nagsu-supply ng kuryente sa Maynila, Cebu at Davao kung kalidad ng pagbebenta ng kuryente ang pag-uusapan.

Cong. Ricky Sandoval

Hindi magtatagal ay magkakaroon na rin ng matatawag na general hospital ang Malabon City makaraang matagumpay na maisulong ni Cong. Ricky Sandoval ang pagpasa ng batas para ma-upgrade at mapalawak ang San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital na tatawaging San Lorenzo General Hospital sa Bgy. Santulan.

Ang kagandahan sa isang general hospital, mas lalong makakapaghatid ito ng may kalidad at serbisyong pangkalusugan sa mga taga-Malabon dahil puwede nang ibuhos ng pambansang pamahalaan ang malaking pondo rito para sa mga kinakailangang pasilidad, doktor, medical personnel at kagamitan na hindi makikita sa mga ospital na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan.

Pasado na ang panukala sa Kongreso at nailatag na rin ito ni Cong. Sandoval sa Senado na inaasahang hindi magkakaroon ng problema lalo na’t serbisyong pangkalusugan ang layunin nito. Mismong ang may-bahay ni Cong. Ricky na si Vice Mayor Jeannie Sandoval na tinagurian niyang “Wonder Woman” ang humikayat sa mambabatas na apurahin ang pagsusulong ng panukala.

Bukod sa pagkakaroon na ng general hospital, matagumpay ring nahimok ni Cong. Ricky ang Department of Transportation (DoTr) na ma-extend ang biyahe ng train mula sa 10th Avenue sa Caloocan hanggang sa Bgy. Dampalit upang maserbisyuhan din ang mga taga-Malabon.

Dahil walang problema sa right of way, pumayag ang PNR at DoTr lalo na’t mismong si Cong. Ricky ang hahanap ng pondo para rito.

Walang linya.

Mula nang masunog ang headquarters ng Caloocan police noong Nobyembre 14, 2017, nagkanda-hetot-hetot na ang linya ng kanilang telepono kaya hirap ang mga residente ng lungsod na maka-kontak sa kanilang mga dating numero.

Ang nakapagtataka, ang headquarters lang ang nasunog pero ang linya ng telepono sa North Extension Office (NEO) Barugo Police Station sa Old Zabarte na tumatayong extension ng punong himpilan sa North Caloocan ay wala ring linya ng telepono at tanging cellular phone lang sila matatawagan na kadalasan ay wala pang sumasagot.

Maging sa Police Sub-Station 5 sa Camarin ay hindi pa rin naaayos ang linya ng telepono kaya’t hirap ang mga residente sa naturang barangay na humingi ng tulong kapag may kaguluhan sa kanilang lugar.

Nagtatanong tuloy ang mga residente ng Caloocan kung ano ba ang problema at hindi maayos-ayos ang linya ng telepono lalo na sa NEO na tinawag pa namang extension office ng punong himpilan.

Sa mga puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.