5,017 guests

Pondo ng barangay sa CCTV dapat suriin ng COA

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 148

On the beat

DAPAT sigurong suriin ng Commission on Audit (COA) kung ginamit nang tama ang pondong inilalaan ng bawat barangay sa Metro Manila sa pagkakabit ng close circuit television (CCTV) camera lalo na’t kung hindi sira ay napakalabo naman ng kuha.

Malaking tulong sana ang CCTV ng mga barangay sa pagpapanatili ng kaaayusan at katahimikan sa bawat komunidad lalo na sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga gumagawa ng krimen pero dahil hindi high definition o mataas ang kalidad  ang karamihan sa security cameras, nahihirapan ang mga awtoridad na kilalanin ang mga kriminal.

Maganda ngang halimbawa rito ang mga nakakabit na CCTV sa bawat eskinita sa district 1 and 2 sa Tondo, Manila na bagama’t magkakadikit lang ang mga barangay, hindi naman pare-pareho ang kalidad ng  security cameras dahil halos wala nang makita sa monitor kapag kumagat na ang dilim.

Dahil wala na halos makita sa CCTV, madalas ay nakakalusot ang mga magnanakaw at kung mahagip man ay hindi rin makilala dahil lubhang napakalabo ng kuha ng security camera.

Maraming mga barangay ang naglaan ng sapat na pondo para sa pagkakabit ng kapaki-pakinabang na security cameras pero ang tanong ay kung tama ba sa inilaan nilang halaga ang naikabit na CCTV o baka naman presyo lang ang malaki pero mumurahin ang kalidad. Mayroon pa nga na second hand lang ang nakakabit pero presyong brand new ang inilaan daw ni Chairman.
    
Kung tutuusin, hindi sana makakalusot ang ganitong anomalya ng mga Kabesa dahil madali itong mabuko ng COA kung magiging makatotohanan lang sana ang gagawin nilang pagsusuri. Kaya lang, may alingasngas na pati raw ang lokal na COA ay nakikipag-kuntsabahan sa barangay Chairman para palusutin ang maling paggastos ng pondo ng barangay.
    
Para tuloy hindi na sila natatakot sa banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na may paglalagyan ang mga tiwali sa pamahalaan dahil bistadong-bistado naman kung tutuusin ang katiwaliang ginagawa ng ilang mga barangay Captain lalo na’t nakalantad naman sa publiko ang kanilang palpak na proyekto.

ILIGAL NI KAGAWAD
    
Kung dati ay pulis lang ang naglalakas-loob na pumasok sa iligal na sugal, ngayon ay pinapelan na rin pala ito ng ilang tiwaling opisyal ng barangay.
    
Dito kasi sa Barangay 14 at Barangay 18 sa Caloocan City, dalawang kagawad pala ng barangay ang namuhunan para mag-operate ng lotteng at EZ-2 sa kabila ng mahigpit na kampanya ng lokal na pamahalaan at pulisya laban sa iligal na sugal.
    
Hindi naman daw maituturing na big-time gambling operator ang dalawang kagawad, hindi tulad nina alyas “JR” at “Noel T.” na may nakakalat pang iligal na bookies ng karera bukod sa kanilang lotteng at EZ-2.
    
Mas putok nga raw ang mga pangalan nina JR at Noel T. sa mundo ng lotteng at bookies dahil hindi lang barangay ang kanilang hawak kundi buong lungsod ng Caloocan kumpara kina kagawad na piyait-piyait lang daw.
    
Ang kaibahan nga lang, halal na opisyal ang dalawang kagawad at pinagkatiwalaang maglingkod nang tapat sa kanilang constituents habang sina JR at Noel T. ay kapuwa sibilyan na may tinatanggap na proteksiyon sa kapulisan.
    
Totoong wala naman daw kinalaman ang Chairman ng dalawang barangay sa iligal na aktibidad ng kanilang kagawad pero dapat siguro ay dalasan ng mga kabesa ang pagbibigay ng paalala sa dalawa dahil ang kasiraan ng kanilang komunidad at pagkalulong sa sugal ng mga kabataan sa kanilang lugar ay magiging kasiraan din sa mga namumuno.

MAGKAIBANG OPINYON
    
Magkakasalungat pala ang opinyon ng mga residente sa North Caloocan sa pagtatalaga ng mga bagong puwersa ng kapulisan sa buong lungsod matapos mapaulat ang umano’y pagdiriwang sa galak ng iba’t ibang grupo ng  drug pushers na dating nanahimik sa kanilang operasyon.
    
May mga naniniwala kasi na nakabuti rin ang pagkakasibak sa mga antigong pulis sa area ng North Caloocan dahil bukod sa natuto raw ang ilan sa mga ito na maglatag ng sarili nilang iligal na sugal tulad ng video karera, may ibinibigay na ring proteksiyon ang ilan sa kanila sa iligal na droga.
    
Sa isang banda, may nanghihinayang din sa pagkawala ng mga pulis na masipag humuli sa  drug pushers at nakakakilala na sa mga personalidad na sangkot sa iba pang iligal na aktibidad.
    
Sa ngayon daw kasi, mas nangangamba ang karamihang magulang sa kaligtasan ng kanilang mga anak na ginagabi ng pag-uwi sa daan dahil sa posibilidad na dumaming muli ang mga drug addict ngayong lumakas na muli ang loob ng mga small time drug pusher na magbenta ng iligal na droga.
    
May bahid naman ng katotohanan ang kanilang paniniwala lalo na’t kamakailan nga lang ay may 19-anyos na working student na hinarang, pinagnakawan at hinalay ng mga drug addict sa Barangay 28.  Bagama’t nadakip ang karamihan sa kanila, nakatakas naman ang sinasabing pinaka-lider na nanguna sa panghahalay sa biktima.
    
Sa puna at sumbong, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0919-2425644.