Political will ni Pangulong Duterte sa Boracay

BUKAS, Oktubre 26 ay muling bubuksan ang Boracay island, ang number one tourist attraction sa bansa, matapos ang anim na buwang pagsasara dahil sa maduming dagat sanhi ng mga iligal na lagusan ng dumi ng tao na tumutuloy sa dagat.

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na isara ang Boracay matapos niyang tawagin itong “cesspool” sa harap ng mga may-ari ng mga hotel, restaurant at negosyo sa isla, sa isang pulong turismo sa Davao nitong Pebrero 2018.

Sa imbestigasyon ng gobyerno tungkol sa pagdumi at pagbaho ng dagat sa Boracay, napag-alaman na sa 150 hotel at restaurants na inisyal na sinisayat, 25 lang ang konektado sa sewage line, ang daluyan at imbakan ng dumi ng tao,  ang lahat ay direktang nagtatapon ng dumi ng tao sa dagat sa pamamagitan ng mga iligal na tubo na kanilang ginawa.

Dahil rito, sinabi ng Pangulo na ang isla ay nalulunod sa dumi ng tao at kailangang isara para proteksyunan ang kalusugan ng mga mamamayan at milyun-milyong turista na bumibisita rito.

Pangit sabihin, subali’t iniutos ng Pangulo na isara ang isla sapagka’t ang dagat ritoy nangangamoy na tae at ihi ng tao. 

“Linisin ninyo ang isla, kung hindi iba-ban ko ang turismo sa Boracay,” ang sabi ng ating matapang na Pangulo.

Isinara ng gobyerno ang Boracay noong April 26, 2018 at ipinagbawal ang pagdating ng mga dayuhan at lokal na turista at nagsara ang lahat ng mga hotel, restaurant at mga establisyamento rito.

Libu-libong mamamayan na nakasalalay ang kabuhayan sa turismo ang nawalan ng trabaho at nilisan ang isla. Maraming tao, lalo mga bata ang nagutom at pansamantalang binigyan tulong pinansyal ng gobyerno.

Namatay ang turismo sa isla at nagmistula itong “ghost town.”

Personal kong nasaksihan ang pagiging “ghost town” ng Boracay dahil may mga kaso akong hawak rito. Sa Caticlan airport, na babaan ng eroplano patungong isla  pa lamang ay nadama ko ang kalungkutan ng paligid. Wala na ang maraming turistang bumibisita sa isla. Wala na ang mga sasakyan at tricycle na sumusundo sa kanila.

At pagdating ko sa sakayan ng mga bangka at lantsa patungong isla ay mas matinding lungkot at takot ang aking nadama, sapagka’t hindi mga turista ang aking nakita, subalit mga pulis at sundalo na nagbabantay sa mga pumupunta sa isla, upang siguraduhing sila’y mga residente rito.

Simula sa pampang na aking binabaan putungo sa villa ng aking kliyente ay nakita ko ang pagbabagong ginagawa ng pamahalaan sa pisikal na kaanyuan at kalagayan ng isla.

Nakita ko ang  malalaking tubo na ayon sa aking kasama ay gawa sa bakal at plastic na ipinapalit sa dating maliliit at sirang tubo na daluyan ng tubig baha at ang mga ito raw ay inilalagay sa buong kalsada paikot sa isla.

Kinabukasan, matapos ang aking trabaho ay naglibot ako sa isla at nakita ko ang mga iligal na tubo ng mga hotel at restaurant na pinalitan ng pamahalaan, dahil ang dumi ng mga guests rito ay direktang dumadaloy sa dagat.

Nagtungo rin ako sa market place, kung saan marami ang kainan ng mga turista at nakita ko ang mga iligal at depektibong tubo na pinalitan ng pamahalaan ng mga bago at maayos  upang siguruhing hindi na ito magmistula at amoy pusali, gaya ng dati.

Nakita ko rin ang maraming mga tahanan sa kaliwa’t kanang bahagi ng kalsada na nag-self-demolition, sinira at tinanggal nila ang bahagi ng kanilang tahanan at gusali na iligal na sumakop sa kalsada.

Magandang pagbabago ang aking personal na nasaksihan sa Boracay mula mismo sa mga mamamayan, simula ng  ito’y isara ng ating Pangulo.

Dahil sa kanyang “political will” ay nabago ang isla, matapos ang anim na buwang “pagkumpuni” niya rito.

Malinis na ang dagat rito at muling maaaring ligtas na mapaglanguyan ng mga residente at milyun-milyong turistang bibisita rito simula bukas.

Ang pinakamagandang resulta ng “political will” ng Pangulo ay nahawa niya ang mga tao rito, na pinatunayan ng kanilang pag “self-demolish” sa mga iligal na bahagi ng kanilang tahanan, na nagdulot ng pagluwag ng kalsada sa Boracay.

Sana ang mga turistang bibisita sa Boracay, mga lokal at dayuhan ay mahawa sa pagbabagong nagaganap sa Boracay,  ang pagkakaroon ng displina ng mga residente rito at pangalagaan ang bago at malinis na kalagayan ng kanila at ating isla, na natamo dahil sa political will ng ating Pangulo.