5,756

PNP subpoena power, di dapat maabuso

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 232

MAGANDA para sa bayan ang pagbabalik ng subpoena power ng PNP.

Ang kailangan lamang ay matiyak na hindi ito magamit bilang bagong extortion machines ng
mga tiwali sa PNP. 

Pero kailangang malinaw at maunawaan ng publiko na ang subpoena power ay nakaatang lamang
sa Chief PNP at hepe ng CIDG. Wala ito sa kapangyarihan ng sinumang station commanders o mga chief
of police ng inyong mga probinsiya.

Sa isang banda, lahat naman ng kapangyarihan ay nasa unipormadong pulis na kahit wala pa
ang subpoena powers.  Ang kagandahan lamang dito, klaro na ang imbitasyon sa presinto na karaniwan
nating naririnig sa mga pulis ay magkaiba sa subpoena. Legally binding ang subpoena at puwede kang
makasuhan kapag sinuway mo ito.
    
Ang kailangan lamang, nakatayo rin sa legal na pundasyon ang PNP bago sila mag-isyu ng
subpoena. Susi rin ng mas matinding pang-aabuso ang subpoena power ng pulis dahil sa totoo lang din
naman, may mga halimaw pa rin sa PNP.
    
Sa bahagi ni General Bato, kailangan din ay malinaw ang mga pamantayan bago makapag-isyu ng
subpoena ang CIDG at ang Office of the Chief PNP dahil pinsan-buo na ng arrest warrant ito. Sagrado
dapat ang pagtrato nila sa subpoena at hindi isang eroplanong papel na  basta na lamang
pakakawalan.
        
* * *
    
No way out na si CJ Sereno.
    
Siya na lang ang may gusto sa kanyang sarili na manatili sa puwesto dahil ang buong
hudikatura, ang buong lehislatura at ang ehekutibo ay ayaw na sa kanya.
    
Kung hindi niya nababasa ang “writing on the wall”, masasabi nating hindi lamang bagsak ang
kanyang gradong pang-sikolohiya, mukhang bagsak din ang grado ng kanyang mata.
    
Ang pagmamatigas ni Sereno na manatili sa puwesto kahit isinusuka na siya ng kanyang mga
kasamahan ay indikasyon ng matinding problema sa estado ng kanyang kaisipan.
    
Hindi na balanse ang nangyayari dahil mismong mga tao sa loob ng pamamahay niya sa Korte
Suprema ang umaayaw na sa kanya. Iyong sumusuporta na lamang sa kanya ay mga taga-oposisyon na may
bad blood sa administrasyon.
    
Ipagpalagay na nating makalusot siya sa impeachment trial na malabo namang mangyari, sa
tingin kaya ni Sereno ay makapamumuno pa siya sa SC na buong lakas na isinusuka na siya?
    
Kung hindi pa narinig ni Sereno ang katagang “supreme sacrifice”, talagang may malaki
siyang problema.
    
Tama, prerogative o sariling pagpapasya lang ni Sereno ang resignation pero hindi rin
masama ang magtira ng kahit konting dignidad sa sarili.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.