Pinatay na ang ama, sinunog pa ang bahay

September 27, 2018

KAGIMBAL-GIMBAL ang sinapit na trahedya ng isang pamilya mula sa bayan ng Siayan, Zamboanga del Norte. Pinatay na kasi ang kanilang ama ng tahanan, sinunog pa ang kanilang bahay.

Ang suspect sa krimeng ito ay si Mayor Flora F. Villarosa ng nasabing bayan.

Bago magsampa ng libelo laban sa atin si mayora, gusto ko munang linawin na ang detalyeng ilalahad ko rito ay base sa dokumentong hawak ko ngayon mula sa National Bureau of Investigation (NBI). Anumang oras ay maaari silang magbigay ng kanilang panig at nakahanda tayong ilathala ito alang-alang na rin sa prinsipyo ng patas na pamamahayag.

Sa dokumentong hawak ng ‘Uncovered,’ nagsampa na ang NBI ng kasong murder at arson sa Department of Justice (DoJ) laban kay Mayor Villarosa, kasama ang kapwa akusado na sina Atty. Josecor Gepolongca, barangay captain sa Poblacion Siayan at mga dating security aide na sina Ernie Lumucso ng Bgy. Dicoyong, Sinandagan; at Roy Maronse Balayong ng Bgy. Tagun Dumingag, Zamboanga del Sur.

Sila ay inireklamo sa NBI nina Teodola Sabac Sasuman, Elbert S. Carino at Adicula Carino.

Ang biktima sa krimeng ito ay si Restituto Lugo Sasuman, asawa ni Aling Teodola.

Nabatid na naganap ang krimen noon pang Setyembre 15, 2016 nang makita ang duguang bangkay ng biktima sa ‘spillway’ ng Bgy. Polayo, bayan ng Siayan. Siya ay pinatay sa pamamagitan ng saksak, ayon sa medico-legal.

Si mayora ang itinuturong suspect sa krimen ng pamilya ng biktima dahil sa away sa lupa. Ang bahay na kinatitirikan ng pamilya Sasuman ay nasa gitna ng Birthing Clinic at Diagnostic Center sa Sitio Calaton, Barangay Poblacion.

Katunayan, Pebrero 2012 ay nagkasuhan na sina Mayor Villarosa at  pamilya Sasuman dahil sa awayan sa lupa.

Sa sinumpaang salaysay ng biyuda, sinabi nito na may mga pagkakataon na ipinaaresto pa umano ni Villarosa ang kanyang mister at habang nakakulong ang kanyang asawa ay giniba rin ng mga tauhan ng alkalde ang kanilang bahay.

May pagkakataon din na habang  nasa isang pagdinig si Restituto hinggil sa isinampang kasong sibil laban sa mayora, “kinoral ng mga tauhan ni Mayor Flora ang aming lupa at nagpuwesto ng ilang poste,” sabi pa sa kanyang salaysay.

Ayon sa NBI-Death Investigation Division, naging susi sa krimeng ito ang testimonya ni Ernie Lumucso, chief security ni Villarosa at umamin sa nagawang krimen.

Si Lumucso ay dating sundalo at may ranggong technical sergeant  sa ilalim ng Intelligence Service Armed Forces of the Philippines. Ayon sa kanya, tumanggap din siya ng iba’t ibang parangal at komendasyon noong panahon niya sa serbisyo.

Abril 2015 ay inalok siya ng mayorya para maging security aide dahil sa papalapit na 2016 national elections kung saan ay siya rin ang ginawang bise-presidente ng Akbayan Party List na nasa ilalim ng bandila ng Liberal Party.

Inamin nito na ilang buwan bago ang 2016 elections, naging bahagi siya ng ‘guns, goons and gold’ ng mga Villarosa at siya rin ang inutusang bumili ng 25 kalibre .45 paltik sa Pagadian City.

Muling nanalo si Villarosa noong 2016  at doon na siya binigyan ng ‘job order’ ng munisipyo bilang ‘clerk/aide to the mayor’ at nagsisilbing bodyguard.

Noong unang linggo ng Setyembre 2016, ipinatawag umano siya ni mayora. Nagpasabi umano ito na pupunta sa Maynila, ngunit may ipagagawang importanteng bagay sa kanya -- ang patayin ang ama ng pamilya Sasuman.

“Kuya sunugon dayon ang balay para mapa-limpyohan para maturukan ng project,” sabi pa sa salaysay ng bodyguard na ang ibig sabihin ay sunugin din ang kanilang bahay upang maitayo na ang plano nitong government project.

Ang lahat ng detalye at kakailanganing gamit sa pagpatay sa biktima ay kunin umano kay Gepolongca na municipal administrator ng mga oras na iyon.

Kasama ang isa pang suspect na si Roy Balayong, naisagawa nila ang krimen noong Setyembre 15, dalawang taon na ang nakalilipas. Pinatay nila sa saksak ang biktima.

“Bumalik kami sa bahay ni Sasuman upang ito ay sunugin. Pumasok ako at nakita ko na may natutulog na dalawang batang babae. Ako ay nakamaskara pa rin at ginising ko sila. Sinabi ko na may sunog at kailangan nilang lumabas ng bahay. Dinala ko sila sa katabing Birthing Clinic. Pagkatapos, binuhusan na namin ng gasolina ang bahay ni Sasuman at sinindihan ito,’ sabi pa ni Lumocso sa kanyang pahayag.

Kinabukasan, matapos ang krimen, inabutan umano sila ni Gepolongca ng sobre na nagkakahalaga ng P10,000. Binati rin siya ng alkalde nang mag-report na naisagawa ang krimen at hindi na nila ito napag-usapan pang uli.

Ayon sa kanya, bukod sa labis siyang nakonsensiya sa nagawang krimen, marami pa rin umanong iniuutos sa kanya si Villarosa na ipapapatay, kabilang na ang mga kalaban nila sa pulitika, na hindi na niya kakayanin pang gawing muli.

Ipinatawag ng NBI-DID sina Villarosa at Gepolongca noong August 28, 2018 at isang nagngangalang Atty. Francis Ku, nagpakilalang abugado ng dalawa ang nagtungo sa NBI.

“In their sworn statement, Mayor Villarosa and Atty. Gepolongca stated that they were implicated in the murder of Sasuman as a form of character assassination because Mayor Villarosa floated that she will run as the representative of the 2nd District of the Province of Zamboanga del Norte,” sabi pa sa transmital ng NBI sa DoJ na may docket number XVI-INV-181-00330.

Ang saksing si Lumucso at pamilya ng biktima ay nasa pangangalaga na ngayon ng NBI at hihilingin din nila na isailalim ito sa Witnsess Protection Custody.