4,963 guests

Pinapaikutan si Pasay City Mayor Calixto

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 311

'Uncovered'

KUMILOS daw agad si Pasay City Mayor Tony Calixto hinggil sa kolum natin noong nakalipas na Biyernes laban sa isang nagngangalang Christian na tahasang gumagamit sa kanyang pangalan sa illegal gambling.

Galit na inatasan daw nito si Supt. Dionisio Bartolome, hepe ng Pasay City poilice station, upang ipasalakay ang lahat ng illegal gambling ni Christian na hari ng bookies ng karera ng kabayo, EZ, at lotteng sa lungsod.

Ang pagkakaalam ko, hindi lang basta ipinasasara ang lahat ng illegal na pasugalan ni Christian kundi ipinaaaresto pa niya ito dahil hindi raw totoo na tumatanggap ng P100,000 weekly bilang tara si Mayor Calixto.

Alam kong sinusunod ito ngayon ni Col. Bartolome na isang magaling na opisyal ng pulisya, lalo na nang nakilala ko ito noon bilang dating hepe ng Makati City police station.

Ang problema ay may kahambugan si Christian.

Hanggang kahapon kasi ay tuloy ang pagyayabang ng kumag na si Christian na hindi maaaring ipasara ni Mayor Calixto ang kanyang illegal na pasugalan dahil ‘moro-moro’ lang daw ang  kautusan ng magaling na alkalde.
    
Ang totoo, ayon sa pagyayabang ng illegal gambling operator, ay tuluy-tuloy pa rin ang kanyang ligaya dahil hindi maaaring mapunta raw sa wala ang regular niyang tara para  kay Mayor Calixto at iba pang operating unit ng pulisya.
 
Kahit sabihin nating mismong si Director Oscar Albayalde, hepe ng National Capital Region Police Office na ang nag-text sa atin upang ipa-operate  ang pasugalan ni Christian ay hindi rin daw mangyayari ito dahil ‘sanggang-dikit’ din daw ng kumag ang intel chief ng Bicutan na si Sr. Supt. Mata.
    
Kapwa kilala natin sina Col. Bartolome at Col. Mata. Parehong magiting na opisyal ang dalawa at alam kong walang katotohanan ang pagbibida ni Christian na tumatanggap din sila ng lagay sa kumag na illegal gambling operator.
    
Alam kong sa kaunting ‘barya’ ay hindi siya susuway sa kautusan nina Gen. Albayalde at Mayor Calixto.
    
Ang problema lang ay daig pa ni Christian ang bagyong Ondoy sa kayabangan, kahambugan at kadaldalan ngayon dahil sa kabila ng direktiba ng  alkalde at ni Gen. Albayalde ay tuloy pa rin ang pangongolekta ng ‘taya’ ni Christian para sa bookies ng horse racing, EZ at lotteng.
    
Hanggang kahapon ay walang tigil ang kubransa ni Christian dahil hindi pa rin naaaresto ang kanyang mga kabo at kubrador tulad ng sumusunod:
    
1. Roger -- Palengke, Motorpool.
    
2. Ruben -- Harrison, katabi ng Salud Street.  
    
3. Aling Che -- Sa likod ng Motorpool.  
    
4. Romy -- Facundo Street.
    
5. Cesar -- Sto. Niño, Taft.  
    
6. Ronald -- Tramo, Post Office.
    
7. Dennis -- Villarmor Airbase.
    
8. Joan -- Merville.
    
9. Jing -- Maricaban.
    
10. Steve -- Cartimar.
    
11. Rollie, Ely at Totoy -- Pildera.
    
Sa bookies ng karera ng kabayo naman ay tuloy din ang koleksiyon ni Christian at tauhan nitong si Nestor sa mga puwesto sa:
    
1. Maginhawa Street.
    
2. Tengco Street.
    
3. P. Dandan Street.
    
4. Sun Valley.  
    
5. Leveriza, malapit sa Gil Puyat.
    
6. Villareal Street.
    
7. Maricaban Street.
    
8. Cuenca Street.
    
9. Inocencio Street.
    
10. Silva Street.
    
11. M. dela Cruz.
    
12. Alvarez Street.
    
Bukod kay Nestor, tao rin ni Christian si Monmon at Buboy. Si Tony T. nga raw ang engkargado ni Christian sa pamamahagi ng intelihensiya.
    
Walang duda na alam na ni Mayor Calixto ang illegal na hanapbuhay ni Christian dahil ipinapahuli na niya ito at ipinasasara sa lalong madaling panahon.
    
Ang tanong na lang ngayon ay kung kailan ba talaga mapapasara nang tuluyan ang mga bookie joint ni Christian at kung kailan ito maaaresto, alinsunod na rin sa direktiba ng alkalde.
    
Nangangamba kasi tayong baka sa mga oras na ito ay totoo na pala ang pagbibida ni Christian na ‘moro-moro’ lamang ang gagawing paghuli sa kanyang operasyon, pero ang totoo ay tuloy pa rin ang illegal nitong hanapbuhay.
    
Kung baga, ginagasgas na ang pangalan, ay pinapaikutan pa  si Mayor Calixto.
    
’Wag naman!

* * *
    
Ilang taga-Camp Crame ang tumawag sa atin kamakailan.
    
Hindi raw totoong ‘high value target’ si Jun B. at lalong hindi totoo na miyembro rin daw ito ng ‘ninja cops.’
    
Ang totoo, malapit na tauhan lang ito ni dating PNP chief Alan Purisima, pero matagal na raw itong wala sa ‘lime light,’ ayon pa sa ilang source.
    
Ilang kasamahan daw nito ang gumagamit din sa kanyang pangalan para ipantapat kay alyas BM na pinaghahanap na ngayon ng PNP-Counter Intelligence Task Force.
    
Alam kong masinsinan ang ‘validation’ at ‘evaluation’ ngayon ng CITF hinggil sa isinulat natin kamakailan.
    
Kaya nga may mga tagasubaybay tayong tumatawag na ngayon para itama ang ilang impormasyon na isinulat natin kamakailan, tulad ng ‘status’ ni Jun B.
    
Sana lang, magsilbing instrumento pa rin ang ating kolum upang makagawa ng kaukulang aksiyon ang ating kapulisan, lalo’t tuluy-tuloy pa rin ang illegal gambling sa bansa, dahil na rin sa proteksiyon ng ilang tiwaling indibiduwal.