7,514 guests

Philweb, balik operasyon na kahit wala pang lisensiya?

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 395

NITO lang nakaraang taon, hinataw ni Pangulong Duterte ang monopolyo at ang malaganap na online gambling na ang service provider ay ang Philweb.

Pero nitong Agosto, naglabas ng press releases ang Philweb na magbabalik na ulit sila sa operasyon dahil nabigyan na  raw sila ng provisional accreditation mula sa Pagcor.
    
Ang tanong, ganoon ba kadali iyon? Sapat ba ang hawak na accreditation ng Philweb para muli silang makakapagbigay ng serbisyo sa online gaming?
    
Hindi ba’t dapat ay isinasailalim pa sa public bidding ang anumang produkto at serbisyo na kailangan ng gobyerno tulad ng gustong mangyari ni Pangulong Duterte?
    
Ang alam natin, ang ibinigay lamang ng Pagcor sa Philweb ay provisional accreditation at hindi ang IPLMA o Intellectual Property License and Management Agreement.
    
Ang ibig sabihin, kung may hawak na accreditation ang Philweb, puwede na silang sumali sa public bidding ng Pagcor para madetermina kung sino ang dapat maging service provider sa mga internet cafe para sa e-gamings batay sa Republic Act 9184.
    
Kapag ang kompanya ay napagkakalooban ng provisional accreditation ng Pagcor, hindi pa rin  nangangahulugan na ito ay license to operate.
    
Kung isasailalim pa pala ng Pagcor sa bidding, bakit may mga announcement na ang Philweb na magbabalik na sila sa operasyon?
    
Ganito ang nangyari sa PCSO noong una kaya nakasuhan ng graft ang ilang opisyal dahil basta na lamang nila ibinigay sa isang kompanya ang lotto machines at operation nang walang bidding.
    
Ang present leadership ng PCSO ay nagsasagawa na ngayon ng bidding para sa mga kompanyang hahawak sa limang taong Nationwide Online Lottery System o NOLS. Nabigyan din ng accreditation ang mga interesadong kompanya kaya nga puwede na silang sumali sa bidding.
    
Pero sa isyu ng service provider para sa e-gamings, bakit ang akala ng Philweb ay license to operate na ito?
    
Dapat siguro ay linawin ito ng Pagcor dahil baka mahataw naman ni Pangulong Duterte ang Philweb kapag nag-operate na naman ito nang wala sa ayos.
    
Binabanggit ni Pagcor Chair Andrea Domingo na kailangan pang makakuha ng Property Licensing and Management Agreement ng sinumang kompanyang mabibigyan ng karapatang maging service provider sa e-games and online casinos.
    
Kailangang linawin ito ng Pagcor at ng Philweb bago masimulan ang kanilang full blast operation.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.