7,661

Patrol boat para sa BoC

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 248

NAPAPANAHON na para bumili ang Bureau of Customs (BoC) ng mga sasakyang pandagat. 

Huwag natin kalimutan na ang Pilipinas ay napapalibutan ng tubig.

Marami tayong isla na puwedeng bagsakan ng mga kontrabando na kagaya ng  bigas, sigarilyo at droga. 

Kaya tama ang desisyon ni BoC Chief Isidro S. Lapeña na bumili ng mga sasakyang pandagat.

Gagamitin ang mga watercraft “for patrol to prevent crimes at sea.”

Aminado si Lapeña na ang pagpupuslit ng bigas “is one thing we are concerned with” dahil umano sa kakulangan ng government-subsidized rice.
    
Sinamantala naman ng ilang negosyante ang kakulangan ng National Food Authority (NFA) ng bigas.
    
Bigla silang nagtaas ng presyo ng commercialized rice. Dito nababahala ang ilan nating kabayan. Baka bumaha ang smuggled rice para lang punuan ang kakulangan ng bigas sa bansa.
    
Ang problema lang, hindi naman ganu’n kadali bumili ng mga patrol boat ang BoC. Matagal ang proseso kaya aasa muna ang ahensya sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard.
    
“We are now in the process of procuring three units of  74-footer watercraft that would be initially operated by the Philippine Coast Guard,” sabi ni Lapeña.
    
Sasanayin muna ng PCG ang mga taga-BoC para maging eksperto sa pag-operate ng watercraft.
    
Balak din ng BoC na bumili na rin sila ng helicopter para magamit sa anti-smuggling drive.

Pero sa isang taon na ito dahil hindi kasama ang pagbili ng helicopter  sa 2018 budget.
    
Ang tatlong watercraft ay nakatakdang i-deliver sa bansa sa kalagitnaan ng taon.
    
Sana ngayon pa lang umpisahan ng magsanay ng mga tag-BoC sa coast guard o navy para handa na sila pagdating ng mga patrol boat.
    
Kailangang bantayan ang mga isla sa bansa dahil baka outright smuggling na ang gawin ng mga ismagler.
    
Nahihirapan kasing lumusot ang mga pinapadaan sa technical smuggling.
    
Buko na ang kanilang “modus” kaya madalas ay kumpiskado ang kanilang mga kargamento.  
    
Isa pa, marami ring takot na BoC employees and officials na makipagsabwatan sa mga ismagler.
    
Alam nilang may kalalagyan sila kay Lapeña.

* * *
    
Kawawa ang mga politikong kakandidato sa 2019 national and local elections. Aaray sila sa gastos.
    
Sila kasi ang takbuhan ng mga kakandidato sa darating na May 14 Barangay at SK elections.
    
Hindi sila makapalag kasi sa Oktubre na magsisimula ang paghahain ng Certificate of Candidacy para sa 2019 election.
    
Kaya ang ibang kakandidato sa pagka-mayor, bise mayor at konsehal ay hindi muna nag-aanunsyo ng kandidatura para hindi mahingian ng campaign fund.
    
“Magugulang” talaga! Pero kawawa naman kayo kapag nabuko kayo ng mga punong barangay at mga kagawad. Tsk tsk tsk.

* * *
    
Dahil kilalang disciplinarian ang bagong hepe ng PNP, marami ang naniniwalang  titino na ang mga pulis na naliligaw ng landas.
    
Sigurado tayong may sasampolan kaagad si PNP  Chief Oscar Albayalde para magsilbing babala sa kanyang mga tauhan.
    
Kaya kaunting ingat kayo diyan, baka kayo ang unang masampolan  ng kampanya ni Albayalde laban sa mga  bugok na pulis, ngayong siya na ang hepe ng buong PNP.
    
Good luck po, Sir Oca Albayalde.
    
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).