Patintero ng buhay

September 30, 2018

LinggU-linggo na ang pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel at kerosene. Wala nang pakundangan ang mga kumpanya ng langis. Hala bira na! Taas lang nang taas!

“Big time increase in oil prices.” Positibo sana  kung big time  rollback of oil products ang pinag-uusapan. Kahit na nga big time ang rollback, doble-doble na naman ang itinaas mula nang bata pa si Sabel ang presyo ng produktong petrolyo. Tumaas na ang mga pangunahing bilihin at hindi na ito ibinaba.

Marami na ang nawiwindang na Pilipino sa linggo-linggong pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel at kerosene. May mga nalilipasan na ng gutom at naipakita ito sa tv news. Ipinakita ang isang lalaking binubuksan ang pinto ng isang sasakyan. Hindi niya ito nabukasan. At kinalaunan ay nakita siya sa isang lugar na walang kibo at tatlong araw na raw na hindi kumakain. Sino ang hindi masisiraan ng bait sa ganoong kalagayan?

Kapag ang produktong petrolyo ang tumaas, tataas lahat ng bilihin at apektado ang lahat ng bilihin. Lahat ng sektor ay tatamaan ng lupit ng lintik na pagtaas na ito!

Sinabi ni Pangulong Duterte na kaya may inflation ay dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Tila hindi pinansin si Duterte ng mga higanteng multinasyunal na kumpanya ng langis at itinaas muli ang presyo ng produktong petrolyo.

At hindi pa rin pinansin ang sinabi ni Duterte at sa linggong ito ay tataas na muli ang gasolina, diesel at kerosene! “Big time increase” daw! Anak ng putakte!

Tila wala nang magawa ang sinuman sa kapangyarihan ng mga higanteng kumpanya ng langis.

Mataas na ang lahat ng halaga ng pangunahing bilihin, bumagsak pa ang halaga ng piso laban sa dolyar, may kaguluhang pampulitika pa at sa maikling salita ay nakakaalibadbad na ang kalagayan ng kabuhayan ng ating bansa.

At patuloy pa ring sinisira ang ating Inang Kalikasan!

Hindi na malaman ng mga mahihirap ng Pilipino kung saan susuot na lungga upang mabuhay nang maayos at makaraos sa isang araw.

Para sa mahihirap, kung mabubuhay sila, salamat. Kung mamamatay sila sa gutom ay kailangang gumawa na sila ng paraan. Ayaw nilang madamay ang mga mahal nilang anak at iba pang mahal sa buhay.

Ang middle class ay tinamaan na nang lupit ng pagbagsak ng ekonomya. Hindi na nagkakasya ang kanilang suweldo sa isang buwan. Apektado pa sila ng krisis sa trapiko.

Kawawa ang mga Pilipino. Para makapaghanapbuhay ay kailangang suungin nila ang araw-araw na pesteng trapik sa Kamaynilaan at mga katabing lalawigan!

Pagod na pagod na sila sa araw-araw na pagpila sa mga LRT, MRT, bus at dyip. Lagi pang nasisiraan ang mga tren.  Pag-uwi ng bahay, kakain ng kaunti, hahalikan ang mga mahal sa buhay at matutulog na. Ipapahinga ang pagal na katawan.

Gigising kinabukasan nang maagang-maaga upang maghanda nang pumasok muli. Iinom lang ng kape, maliligo at takbo na sa lansangan upang makipagsiksikang muli sa patintero ng mga tao at sasakyan sa kalsada upang makarating sa oras sa lugar nang pinagtatrabahuhan.

May tinatanaw bang pag-asa ang nakararaming Pilipino? Saan patutungo ang ating bayan?

Nasa kamay ng mamamayang Pilipino ang pasiya upang iahon ang kanilang buhay mula sa kumunoy tungo sa  kaginhawahan. Sila lang ang makagagawa nito at wala nang iba.  (bangonkalikasan@yahoo.com)