Patalsikin ang President na jingle lang ang pahinga!

September 26, 2018

WALANG kabagay-bagay para sa akin ang Red October.

Unang-una, sino naman ang susuporta sa ouster plot laban sa isang Presidente na mukhang jingle lang ang pahinga? Aminin man natin o hindi, si Pangulong Rody Roa Duterte lamang ang nakita nating lider na kahit 73 yrs old ay hindi mo makikitang tumitigil sa pagtatrabaho.

Matutulog ng alas 3 o alas singko ng madaling araw na nire-review ang lahat ng dokumento for his signature, inaaral ang mga problema ng bansa at nag-iisip ng mga solusyon. Buwenas na magising ng ala-una ng hapon kung walang obligasyon sa umaga.

Pero nakita na rin natin na kayang gumising ng alas-sais ng umaga para dumalo sa mga morning presidential events. Kapag may kalamidad, kahit hindi pa tapos ang hataw, naroon na agad sa lugar ng pinangyarihan.

May giyera, naroon at nangunguna. May mga namatay sa sundalo, pulis kahit pa mga naging biktima ng trahedya ng bus, naroon siya. Pagbalik sa Palasyo, haharapin ang sangkatutak na bisita, dadalo po ulit sa ibang aktibidad tapos magsasalita ng karaniwan ay mahigit isang oras na nakatayo.

Kapag may mga state at official visit sa abroad, kayod kabayo rin kaliwa’t kanan tapos palaging kasama sa kanyang itinerary ang pakikipagkita sa mga OFWs, pakikinig sa kanilang problema at pagpapasalamat sa kanilang kontribusyon sa bayan.

Kahit anong busy sa abroad, kumakaripas ng pagbalik kapag talagang kailangan kahit hindi pa tapos ang lakad. Case in point, Marawi siege.

Isa-isang pinupuntahan sa ospital ang mga pulis at sundalo kahit saang sulok pa ng bansa, lalo na kapag napatay sa war on drugs or pakikipaglaban sa rebelde.

Hindi madaling maging Presidente, lalo na sa isang bansa na dinaganan ng problema dahil sa kapabayaan ng mga nagdaang lider. Kung nasa konsensiya pa nila ang pagpapatalsik sa isang Pangulo na nagpapakita ng tunay na tapang at malasakit, hindi ko na alam kung anong klaseng Pilipino kayo.

Naniniwala akong taumbayan na ang susugpo sa anumang tangkang pagpapabagsak kay Duterte na walang ginawa kung hindi “magpaalipin” sa kanyang mga kababayan na ang tanging luxury sa buhay ay kumain ng pritong saging na saba!

Ang problema, ang kakapal ng mukha ng mga gustong magpatalsik kay Duterte, sila iyong mga nagpa-party, dumadalo sa mga sosyalan sa abroad at dito sa atin habang ang bansa ay binabayo ng kalamidad.

Kung ganyang klase ng mga tao ang gustong pumalit kay Pangulo, ibig sabihin, malapit na talagang magunaw ang mundo! Iyong mga gago, mga pabaya, mga inutil, mga manhid sa problema ng bayan ang gustong mamuno?

Bahala na kayo sa buhay nyo, basta ako Birthday October ang aking pinaghahandaan at hindi ang kasumpa-sumpang Red October.

allanpunglo@gmail.com

Tagged Under