Parusahan din ang mga batang kriminal!

September 28, 2018

KUNSINTIDOR lang ang mga tao at grupong tutol sa panukala ni Senate President Tito Sotto na amyendahan ang Juvenile Justice Welfare Act of 2006 ni Kiko Pangilinan.

Sa batas ni Kiko, lahat ng minor de edad, meaning, mula 17 years old pababa ay hindi dapat ikinukulong kahit nakagawa ng krimen.

Ang totoo, sa batas ni Kiko, 15 years old and below ang exempted sa pagkakakulong pero naging bahagi ng klasipikasyon na kapag below 18 years old, absuwelto na agad.

Pero sa isinusulong na amyenda ni Titosen, ibaba sa 12 years old ang mapapatawan ng criminal liability.

Ang problema, katulad ni Kiko, may umeepal na Child’s Right International Network o Crin na tinutulan ang panukala ni Titosen.

Ayon sa Crin, hindi raw makakatulong ang panukalang ito ni Sotto para malutas ang problema laban sa mga batang kriminal.

Dapat sa mga opisyal ng Crin ay kasama ni Kiko sa isang hawla para sila ang mag-alaga sa mga batang hamog na pumapasok sa mga public utility jeep at inaagaw ang gamit ng mga pasahero.

Maraming beses nang nahuli ang mga bata na mas mababa pa sa edad na sampung taon ang pumapasok sa mga bintana ng bahay para pagbuksan ang mga akyat-bahay gang.

Maraming bata na rin ang ginagamit ngayon na drug courier at shoplifters. Tama ang argumento na dapat ay hulihin ang mga taong gumagamit sa mga batang ito sa paggawa ng krimen.

Pero dapat, hindi rin naalisan ng criminal liability ang mga bata, lalo na kung ang edad ay nasa kinse anyos pababa. Ang totoo, 7 years old pababa lang dapat ang absuwelto dahil puwedeng sabihing harmless ang mga ito.

Iyong mga 7 years old pataas ngayon ay hindi na puwedeng sabihing inosente kung ikukumpara sa mga kaedad nila 30 years ago.

Sa tingin natin, puwede namang parusahan ang mga batang kriminal pero hindi katulad ng mga parusa sa mga adult criminals.

Kailangan lang ay malinaw sa mga batang ito ang pananagutan kahit sa murang edad. Para lang tayong nagpapalaki ng mga pusakal kung pagkatapos mangholdap at mang-snatch ng mga batang ito ay pakakawalan lang natin sila na parang walang nangyari.

Kung pinapalo nga natin sa puwet ang ating mga anak kapag nagkakasala, bakit natin aalisan ng kapangyarihan ang estado na hatawin din ng parusa ang mga batang ito ayon sa degree ng kanilang pagkakasala?

Kaya patuloy ang pagdami ng mga miyembro ng Kiko Pangilinan Fans Club dahil sa mismong mga matatandang walang pakialam sa masamang ginagawa ng mga kabataan.

Huwag nating kalilimutan ang sinasabi sa Banal na Kasulatan na ang mga magulang na nag-uurong ng pamalo sa kanilang mga anak ay parang ipinalalapa natin sila sa mababangis na hayup.

Ibig sabiin, walang masama sa nagpaparusa sa anak kung ito ang nararapat dahil kung hindi mo itinutuwid ang mga bata kahit nagkakasala ay pagpapabaya ito para sila ay mapariwara kalaunan.

allanpunglo@gmail.com