Partylist ng mga salaula sa Pilipinas

October 05, 2018

LARAWAN ng tunay na burarang mamamayan ang mag-inang nakunan ng CCTV habang itinatapon sa baha ang drum-drum nilang basura sa Caloocan City.

Buwenas lang tayong lahat dahil may camera sa harap ng bahay ng magnanay kaya nakita natin kung gaano sila kawalang malasakit sa kanilang komunidad.

Hindi lang ang mag-ina na ito ang ganyan ang ugali, ang totoo puwede silang partylist representative ng mga salaula sa Pilipinas dahil sobrang dami nila.

Iyong tipong sobrang linis kuno sa loob ng kanilang bahay at kotse pero sobrang baboy sa kanilang paligid.

Ako, proudly to say, wala akong bahagi ng kalat sa inyong nakikita kahit saan. Hindi bale nang marumi ang aking kotse at tambak ng papel ang aking bulsa kaysa ihagis ko kung saan ang aking basura.

Itong ginawa ng mag-inang hindi marunong mahiya, marami ang gumagawa nito kaya nga tingnan nyo ang miserableng sitwasyon ng ilog Pasig at ng maraming waterways dito sa atin.

Minsan, natrapik kami sa tulay sa Nueva Ecija, isang magarang pickup na sasakyan ang huminto sa mismong tulay. Akala ko kung ano ang gagawin, iyon pala, buong mag-anak ang may bitbit ng basura. Sabay-sabay nilang inihagis sa ilog ang dala nilang basura.

Mukhang may mga kaya sa buhay ang pamilya at maayos naman ang kasuutan. Ganoon kawalanghiya ang iba nating kababayan, pakiramdam nila, malaking pabor ang naibibigay nila sa kanilang pamilya kapag nakakapinsala sila sa kapwa.

Ang kababuyan at kawalang malasakit ng mga katulad ng mag-ina sa Caloocan at ng isang buong pamilya sa Nueva Ecija ang dahilan kung bakit binabaha ang maraming lugar.

Natutuwa ang mga taong ito sa kanilang ginagawa dahil iyon mismo ang kanilang paraan ng paglilinis ng kanilang bahay, iyong dudumihan ang kapaligiran.

Isipin nating mabuti, iyong mag-ina, may iba pang lahi iyon na ganoon din ang sistema ng pagtatapon ng basura. Iyong isang pamilya sa Nueva Ecija, tiyak na nakapag-asawa na rin ang mga dalaga at binata sa pickup dahil medyo matagal na rin ang insidenteng iyon.

Anong magandang asal ang maituturo ng mga taong ito sa kanilang mga anak kung ganyang klase ang ugali?

Ang totoo, masyadong mababa ang penalty sa mga salaula dito. Katulad ng mag-ina, pinagmumulta lang ng tig-P1,000 at community service, absuwelto na ulit.

Dapat siguro P200,000 ang multa at 6 months na pagkakakulong bukod pa ang community service sa mga taong walang habas na nagtatapon ng basura kung saan-saan.

At kung puwede nga, ilagay sa public plaza ang pictures ng mga taong walanghiya sa ating kapaligiran dahil katulad ng mga drug pusher, nakakapinsala rin sila sa bayan.

allanpunglo@gmail.com