5,762 guests

Panoorin ang pelikulang ‘The Signs’

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 340

MAY makabuluhang pelikula na dapat abangan ang ating mga kababayan.

Ito ay ang The Signs, isang independent film, na ipalalabas sa ating mga sinehan sa mga
susunod na araw.
    
Sayang at hindi sila napasama sa Metro Manila Film Festival (MMFF), pero ako na po mismo ang
magbibigay garantiya sa inyo na isa itong pelikulang kapupulutan ng aral, lalo na sa mga dapat nating
gawin sa tuwing may sakuna.
    
Kauna-unahang mangyayari sa bansa na maglalabas ng isang ‘Filipino-made disaster movie’ na
tatalakay sa paghagupit ng ‘super hybrid typhoon’ -- pinakamalakas na ‘tropical cyclone on record’ --
na tatama sa Gitnang Luzon ng Pilipinas.
    
Ayon sa scriptwriter at director na si John Baltazar, nagsilbing inspirasyon upang gawin ang
pelikulang ito dahil sa sunud-sunod na kalamidad na humambalos sa bansa, lalo na ang mapaminsalang
pananalanta ng bagyong Yolanda at Ondoy.
    
Bukod sa malakas na bagyo, dapat ay pinaghahandaan at malaman din ang mga senyales kung may
magaganap namang napakatinding lindol.
    
Sa tindi ng problema sa ‘global warming,’ hindi malayong mangyari ang kinatatakutang delubyo
saan mang lugar.
    
Umikot ang istorya tungkol sa isang karakter na si Tony Hughes, na ginampanan ng promising
‘indie actor’ na si Michael Kumar.
    
Isang kilalang ‘meteorologist’ ang ama ni Tony na si Alan Hughes, ngunit namatay ito habang
gumagawa ng pagsaliksik tungkol sa mga typhoon. Naiwan nito ang isang ‘manuscript’ na may prediksiyon
tungkol sa mga signos bago pa man dumating ang tinaguriang ina ng lahat ng pinakamalalakas na bagyo.

Nang madiskubre ang ‘Signs’ tungkol sa bagyo, naiwan ang responsibilidad kay Tony para
tiyaking ligtas ang kanilang bayan na naging dahilan upang  magpatuloy sa naiwang trabaho ng ama.
    
Tiyak na kapupulutan ito ng aral, bukod pa sa kahanga-hangang ‘cinematography’ na pinaghusay
nang husto ng  producer na Estudios Filipinas Production Films.
    
Dahil makabuluhan ang istorya, suportado ang pelikulang The Signs ng Philippine Atmospheric
Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at Muntinlupa City Disaster Risk
Reduction and Management Office.

Nais ni Direk John at ng Estudios Filipinas Production Films na maging maalam ang lahat ng
ating kababayan sa mga dapat gawin sakaling may nagaganap na sakuna.

Sinabi pa ng producer na magandang pagkakataon din ito upang mapukaw ang atensiyon ng ating
disaster-management making policy, gayundin ang pagbibigay dagdag kaalaman sa kahalagahan kung bakit
dapat tayo maging handa.

Dapat din na magkaroon ng seryosong disiplina sa pagsusulong at pagsuporta sa proteksiyon ng
ating  kalikasan.

Isa rin sa nakahahanga sa pelikulang ito, dalawang batikang abogado ang kinuha rito na gumanap
ng importanteng role sa napakagandang ‘screenplay.’ Unang kapuri-puring ‘artista’ ay CPA-Lawyer Bernie
Cabidoy na gumanap bilang ama ng lead actor na si Kumar o Tony.

Mahalaga rin ang naging papel ni dating State Prosecutor at ngayo’y seasoned lawyer Edmundo
‘Boy’ Magpantay na gumanap bilang Professor delos Reyes -- kaibigan ng tatay ni Tony na tumulong din
sa pagligtas sa kanilang bayan.
    
Ang iba pang artista sa pelikulang ito ay sina Anna Reyes, Andrew Torres, Enzo Ferrari
Arciaga, Silvestro Garing, Marjorie Shaine Cristobal, Arnold Carriaso, Vincent Valmones, Engelbert
Noche, Simonelle Parafina, Elmer Sanchez, Jocelyn Nano, June Hebrew, Hurihel Bautista, Richard Ken
Ramirez, Orion Tamayo, Mary Justine Teng, Barbara Pascual, Russel Mediarito, Antonon, Iggi Siasoco,
Jeralyn Adolfo, May Grazielle Guerrero at Puran Kumar.
    
Hindi man nakapasok sa MMFF, sigurado akong hahakot ito ng napakaraming pagkilala sa iba’t
ibang award-giving bodies sa loob at labas ng bansa.
    
Bago tayo magtapos, nais magpasalamat ni Michael Kumar sa Royal Indian Curry House sa
suportang ibinigay sa kanila, lalo na sa pagkain ng mga artista at buong crew.
    
Hindi pa natin alam ang eksaktong ‘play date,’ pero dapat nating panoorin ang The Signs at
ngayon pa lang, ipinaaabot natin ang buong papuri ng napakatakdang pelikulang ito.