Panibagong babala

October 14, 2018

Hindi pa natututo ang mga tao sa pagpapabaya sa Inang Kalikasan. Patuloy pa rin itong sinasalanta, sinasalaula, at winawasak.

Kailan lang ay nagbabala muli ang United Nations Intergovernmental Panel On Climate Change (IPCC) na maigsi, kaunti na lang ang oras upang pababain ang patuloy na pag-init ng ating mundo o planeta. Patuloy itong umiinit at maging ang mga corals sa karagatan ay nalulusaw na.

Dahil sa global warming, apektado rin ang lahat ng may buhay- tao, hayop at mga halaman sa mundo. Maging ang tubig na isang pangunahing kailangan ng tao ay paunti na nang paunti.

Noong 2007, nagsimula nang magbabala ang United Nations IPCC tungkol sa global waring at climate change. Kailangan aniya na mabilisang bawasan na ng paggamit ng coal, fossil fuel, at iba pang mga mineral at kemikal na lumilikha ng carbon at methane.

Ngunit marami ang tila bingi sa panawagan ng UN upang maibaba ang patuloy na pag-init ng mundo. Marami pa ring bansa ang patuloy pa rin ang paggamit ng mga enerhiyang galing sa ilalim ng lupa  kabilang na ang Pilipinas. Nauubos ang mga mineral na galing sa lupa at pinagsisimulan ito ng digmaan. Kailangang maisulong ng puspusan ang paggamit ng renewable source of energy na hindi nauubos dahil galing ito sa araw, hangin at tubig na mayaman ang Pilipinas.

Ang pagtatayo ng mga tambakan ng basura sa Pilipinas na umaabot sa isanglibong tambakan ay nagpapasingaw ng carbon, dioxin, at methane. Wala pa ring pakialam ang mga lokal na pamahalaan.

Ang mga methane at carbon mula sa tambakan ng basura ay sumisingaw patungong atmospera at dumadagdag sa patuloy na pag-init ng mundo na nagdudulot ng pabago-bagong klima o climate change. Ayon sa RA 9003, dapat ay wala nang open at controlled dumpsites. May mga lokal na pamahalaan na binago lang ang tawag sa kanilang tambakan ng basura ngunit basura pa rin ang itinatambak sa kanilang tambakan!

Marami pang tambakan ng basura sa Pilipinas. Pinagkakakitaan ‘diumano. Kahit ang lawa ng Laguna ay ginawa nang tambakan ng basura. Maging ang Manila Bay ay isa na ring tambakan ng basura. May mga tambakan ng basura sa tabi mismo ng Manila Bay!

Bakit tambakan ng basura ang tinatalakay ko lagi pagdating sa  isyu ng pagpapababa ng pag-init ng mundo. Kung may taong interesadong malaman kung gaano kainit ang isang tambakan ng basura, maaaring magpunta at tumabi sa isang tambakan ng basura at dito ay mararamdaman kung gaano kainit ang tambakan ng basura. Magkakaroon ng kaunting karanasan ang taong ito sa kung ano ang matinding global warming o pag-init ng mundo.

Hindi ba maraming nahukay sa tambakan ng Payatas noong July 10, 2000 na mga residente na lapnos o sunog  ang katawan? Dahil ito sa methane na nakulob sa tambakan ng basura. At ‘yan ay laging nangyayari sa isang tambakan ng basura.

Kung may isang libong tambakan ng basura sa bansa, isipin na lang na sa oras-oras, nagpapasingaw ang mga tambakang ito ng methane gas sa atmospera natin!

Kung kukuwentahin sa araw-araw, buwan at taon na pagpapasingaw ng mga  tambakan ng basura ating atmospera, malalaman na natin ang kontribusyon ng Pilipinas sa pag-init ng mundo. Ito ay bukod pa sa ibinubugang carbon ng mga coal, gasolina at diesel sa ating atmospera.

Hindi pa huli ang lahat. Gawin lang natin ang tamang dapat gawin at huwag ipagwalang bahala ang patuloy na pagkalusaw ng mundo. (bangonkalikasan@yahoo.com)