Pangarap, salapi at kapangyarihan

October 22, 2018

Nitong nakaraang linggo, binantayan ng maraming Pilipino ang paghahain ng mga certificate of candidacy ng mga gustong maluklok sa iba’t ibang posisyon sa ating pamahalaaan.

“Circus” ang itinatawag sa mala-piyestang paghahain ng COC ng mga nangangarap maging konsehal ng bayan, alkalde, bise-alkalde, gobernador, bise-gobernador, kongresista, at senador.

Tulad ng dati, maraming mayayaman, artista, at datihang pulitiko ang nangangarap na maging “makapangyarihan” ang napatampok muli sa mga ulat sa media.

Lamang ang mga kilalang kandidato at artista sa labanan ng tinawag na “pulitikang burges” na tanging may salapi lamang ang mananaig. May mga naghain ng COC na kulang sa perang pangampanya at dating tumakbo na noon ngunit tinabunan sa mga balita ng mga kilala at artista na masasabing higit na may salapi.

Higit na marami ngayon ang mga party list na hindi naman nagmula sa “marginalized sector.” Noon pa man ay mga kilala, kaanak ng mga pulitiko at maysalapi ang lumalahok sa party list.

May silbi pa ba ang party list?

Tila wala namang naitulong sa mga mahihirap na Pilipino ang mga party list na kaanak o kaalyado ng mga pulitikong maysalapi. Kadalasan ay ginagawa lamang itong “takbuhan” ng mga pulitikong matatapos na ang termino sa panunungkulan sa ehekutibo o sa ibang posisyon. ‘Ika nga’y para hindi sila nawala sa kapangyarihan kaya sa party list nagpupunta.

Tunay na ang “pulitikang burges” sa Pilipinas ay tungkol lamang sa kapangyarihan. Hindi ito tungkol sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino.

Ilang mga kasapi ng party list ang nasangkot noon at ngayon sa pagwawasiwas ng kanilang kapangyarihan na kaakibat ng kanilang posisyon sa pamahalaan. Madalas ay hindi sila kakampi ng nakararaming Pilipino bagkus ay salungat pa sa kapakanan ng mga ito.

Ngunit hindi maiaalis sa mga mahihirap na Pilipino na mangarap na tumakbo at maabot ang matataas na posisyon sa pamahalaan sa layuning makatulong sa mga kababayan at sa sarili na mismo. Sa tingin ng ilan sa kanila ay hindi kailanman kumakatawan sa mahihirap ang matagal nang mga nauupong mayayamang pulitiko. Kaya walang masama kung mangangarap silang sumubok at lumahok sa “pulitikang burges” kahit walang kakayahang pansalapi.

Subok nga lang daw at baka sakali parang taya sa lotto ay manalo.

Ngunit sa abot ng aking alaala, tanging si Rene Saguisag pa lang yata ang nanalong senador na hindi naman masalapi. Ito ay noong panahon ng katanyagan ni dating Pangulong Cory Aquino. Malakas ang silakbo noon sa paghingi ng tunay na pagbabago at kinatawan ‘yon ng abogadong si Rene Saguisag.

Kilala si Saguisag sa pagiging matapang sa pagsasalita laban sa paninikil ng mga nakaupo sa kapangyarihan. Ang pangalang Saguisag noon ay katumbas nang tunay na repormang pambayan. Naging daan ito upang suportahan siya sa kaniyang kampanya nang maraming Pilipino upang siya ay maging senador.

Wala nang ganitong kalakaran. Kahit nga daw tumakbo lang ng kagawad sa barangay ay dapat gumastos ng daang libo upang manalo. Salapi na ang namamayani, kunsabagay ay kahit noon pa man. Kung baga sa lotto, nakatsamba nga lang ba si Saguisag?

Harinawang matapos na ang paghahari ng mga masalapi sa lipunan sa larangan ng pulitika. Ngunit sa ngayon, ang pagkakaroon ng maraming pera at popularidad ang siyang pangunahing sandata ng mga taong nais maluklok sa kapangyarihan. Ito ang realidad sa lipunang Pilipino.

Hihintayin natin ang pananaig ng mga pangkarinawang Pilipino na siyang mangangasiwa ng bayan at lipunan para sa isang tunay na pagbabago na hanggang ngayon ay isang mailap na pangarap pa lang. (bangonkalikasan@yahoo.com)