Pangamba ng mga residente ng Bgy. 20 sa Caloocan

September 12, 2018

ISA ang Caloocan City sa mga lungsod sa Metro Manila na hindi nagiging masyadong pabigat sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung sikip ng daloy ng trapiko ang pag-uusapan.

Maliban kasi sa Rizal Avenue Extension, malawak ang mga kalsadang dinaraanan ng mga bus at trak tulad ng C-3 at C-5  habang dulo na ng EDSA ang sakop ng lungsod kaya’t madaling naisasaayos ng lokal na traffic enforcers ang daloy ng mga sasakyan.

Pero ang hindi batid ng MMDA, may ilang lugar din sa lungsod na inirereklamo ng mga residente dahil sinasakop ang bangketa at maging kalsada ng illegal vendors at illegal parking.

Tulad na lang ng lansangan sa Tamban St. at Tahong Alley sa Kaunlaran Village, Bgy. 20, kabi-kabila ang illegal vendors at pagsakop ng mga pribadong sasakyan at tricycle sa mga bangketa at lansangan kaya’t sumisikip ang maluwag sanang lansangan.

Maging ang gilid ng basketball court, paaralan sa Kaunlaran Village, harapan ng fire station at maging barangay hall ng Barangay 20 ay inookupa ng vendors kaya’t nangangamba ang mga residente na hindi makaresponde kaagad ang mga bumbero kapag nagkaroon ng sunog.

Maging ang mga opisyal daw ng barangay sa lugar ay walang magawa na mailagay sa ayos ang mga naturang lansangan kaya’t hiling nila kay Bong Nebrija ng MMDA Task Force Special Operation at kay Mayor Oscar “Oca” Malapitan na bisitahin ang kanilang lugar upang magsagawa ng clearing operations.

Sigurado na ang pagtakbo bilang senador ng magkapatid sa ama na sina JV Ejercito at Jinggoy Estrada sa 2019 national at local election.

Ito ang kinumpirma ni Senator JV Ejercito nang bisitahin ang Navotas City upang magpasalamat sa magkapatid na Mayor John Rey Tiangco at Rep. Toby Tiangco na itinuring niyang mga matatalik na kaibigan dahil sa patuloy na suportang ipinagkakaloob sa kanya.

Sabi ng senador, kinailangan din niyang lumipat ng partido mula Pwersa ng Masang Pilipino patungo sa Nationalist People’s Coalition ni Senate President Tito Sotto dahil hindi magandang tingnan kung sa iisang partido lamang na pinamumunuan ng kanyang ama sila tatakbo ng kanyang kapatid.

Sa Navotas City, nangako si Senator JV Ejercito ng pagbibigay ayuda sa mga persons with disability (PWDs) na kabilang sa sumalubong sa kanyang pagdating at ibinida ang benepisyong makakamit ng taongbayan kapag naipasa na ang kanyang tinakdang batas kaugnay sa Universal Health Care bill.

Binanggit din ng senador sa kanyang pagsasalita ang palitan nila ng ideya ni Rep. Toby Tiangco nang sila pa ang alkalde ng kani-anilang mga lungsod na ngayon ay pinakikinabangan ng mga mamamayan ng San Juan at Navotas.

Magiging kapanapanabik ang magaganap na halalan sa Pasay City sa inaasahang pagtutunggali ng tatlong kandidato na pawang naghahangad na maglingkod bilang alkalde ng lungsod.

Ito’y makaraang kumalat sa napakaraming barangay sa lungsod ang tarpaulin na nakasaad ang katagang “ET is coming” kasabay ng mga isinasagawang paglilingkod ng mga batikang abogado mula sa Ateneo De Manila University na nagsasagawa ng libreng payong legal sa mga mahihirap na mamamayan na pinangunahan ni Manila City Prosecutor’s Office chief Edward Togonon.

Bilang residente ng lungsod, matagal na naglingkod sa Pasay City bilang Assistant City Prosecutor si Fiscal Togonon bago siya na-promote bilang City Prosecutor ng Muntinlupa City hanggang malipat sa lungsod ng Maynila.

Tagged Under