5,964

Panawagan kay Pangulong Duterte

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 241

Sana’y matutulan ni Pangulong Duterte ang malupit at tuloy-tuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo, tulad ng gasolina at diesel.

Tumaas noong nakaraang linggo ang diesel at gasolina nang mahigit piso isang litro.

Magtataas na naman daw ito nang mahigit piso sa linggong ito!

Kagagawan ito ng mga higanteng kumpanya ng langis. Tsinutsubibo na naman tayo! Tataas ng malaki ang presyo at pagkaraan ay bababa ng katiting ang presyo ng gasolina at diesel.

Wala pang pangulo ng bansa ang nanindigan laban sa patuloy na pagdomina ng mga higanteng multinasyunal na kumpanya ng langis sa presyuhan nito. Naisip kong sana’y gawin ito ni PDuterte.

Ang hirap na ng buhay ngayon lalo na nang mahihirap na Pilipino – manggagawa, magsasaka, propesyunal, maralitang lunsod, mga kabataan at estudyante. Isama pa rito ang mataas na tax ngayon tulad ng excise tax.

Tila walang magawa ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Energy kahit na noong mga naunang administrasyon.

Lagi na lang sinasabing walang magagawa dahil tumaas daw ang presyo sa “world market.”

Anong klase bang hayop ang “world market” na ito? Lagi na lang itong ginagamit na dahilan.

Ngunit ang maliwanag naman ay kontrolado ito ng mga refineries na siyang bumibili sa mga oil exporting countries, sinasala nila ang krudong langis at ginagawang diesel at gasolina at saka ipinagbibili sa mga bansang tulad ng Pilipinas.

Malapit din lang naman si PDuterte sa Tsina at lubos niyang pinagkakatiwalaan ang mga pinuno ng bansang ito, puwede kayang bentahan tayo ng bansang Tsina ng murang diesel at gasolina? Kung mangyayari ito, maniniwala akong tapat ang hangarin nila na tulungan tayo?

Bakit? Aba’y malaking kabawasan sa pasanin ng mamamayang Pilipino kung mangyayari ang pagbebenta ng Tsina ng murang gasolina at diesel sa murang-murang halaga.

Kung magkakaganito, giginhawa ng kaunti ang buhay ng mahihirap na Pilipino. Isabay pa ang pagtatanggal ng mga malulupit na buwis na sumasakal sa ating lahat!

Dapat ay hindi lang suspindihin ang Train Law kundi itigil na ito nang ganap!

Malaking pahirap ito. Kung sasabayan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina’t diesel, wala nang pupuntahan ang Pilipinas kundi ang isang malaking kaguluhan.

Marami na ang maiinit ang ulo dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel, tumaas din ang presyo ng lahat ng pangunahing bilihin.

Lahat tayo ay apektado nito!

Kaya sa tingin ko ay kailangang pakialaman na ito ni Pangulong Duterte bago lumala ang sitwasyon ng bayan.

Kailangan niyang kumilos agad sa lalong madaling panahon.

Upang hindi mahuli ang lahat. Sana.

(This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.)