Panawagan kay Caloocan Mayor Oca Malapitan!

HALOS walang makakalaban si re-electionist Mayor Oca Malapitan ngayong darating na mid-term elections kaya hindi tayo puwedeng pagbintangan na pulitika ang dahilan kaya natin siya kinakalabit ngayon.

Talagang gusto lang nating bigyang-daan ang sumbong ng ating mga kababayan sa lungsod tungkol sa talamak na sugalan sa kanyang nasasakupan.

Mahigit isang buwan ko nang naririnig ang sumbong hinggil sa pagsulputan ng video-karera sa siyudad ni Malapitan. Kapos lang talaga tayo sa espasyo kaya ngayon lamang natin ito maisusulat para na rin kunin ang atensiyon ng magaling na alkalde.

Timing na rin siguro ang panawagang ito dahil kamakalawa, kitang-kita natin ang mala-piyestang ‘entourage’ ni Malapitan nang magsampa ito ng kanyang certificate of candidacy sa Commissions on Elections (Comelec) upang tumakbo sa ikatlo at huli niyang termino bilang alkalde ng lungsod.

Dahil piyesta at magiliw ang mga Oca supporter, ayaw kong isipin na sarap na sarap din ngayon ang sindikato ng video-karera (VK) sa buong siyudad.

Ang bangka ng VK rito ay sina  Lotlot at Jay-Ar.

Kasosyo nila si Ekis na sagradong tao ni Sacho, isang retiradong pulis na pasimuno rin ng video-karera sa loob halos ng dalawang dekada.

Kung tutuusin, sa Bukid Area ay mahigit limang taon na ang video-karera.

Nagtataka lang tayo dahil dumaan na ang national hanggang barangay elections, nananatiling ‘bulag’ ang administrasyon ni Malapitan upang sawatahin ang nasabing illegal na pasugalan na ang karaniwang mananaya ay mga menor de edad at siyempre iyong mga adik sa ipinagbabawal na gamot.

Sa tulong ni Ekis, ipinakilala nito sina Lotlot at Jay-Ar sa isang nagngangalang Itoy na nagyayabang namang bagman raw siya ni Sr. Supt. Restituto Arcangel, hepe ng Caloocan Police Station.

Hindi ko basta papaniwalaan na ‘bagman’ nga ni Col. Arcangel si Itoy, pero kung hindi gagawa ng aksiyon dito ang butihing hepe ng Caloocan PNP, kayo na po mga dabarkads at madlang people ang humusga kung ‘untouchable’ ba ang VK sa buong lungsod.

Para sa kaalaman ng lahat, mabait at magaling ang district director ng Northern Police District (NPD) na si Chief Supt. Gregorio Lim na kaklase’t ‘mistah’ ni Director Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Pero hindi nangangahulugang porke mabait ang isang police general na katulad ni Lim ay kayang kaya na itong paikutin ng kanyang mga tauhan, lalo na’t maigting ang kautusan ni PNP chief Director General Oscar Albayalde laban sa illegal na pasugalan at mga scalawag na pulis.

Lalo pa’t sa susunod na buwan ng Nobyembre ay magre-retiro na raw si Gen. Lim!

Para sa karagdangang impormasyon kina Gen. Eleazar, Gen. Lim at Sr. Supt. Arcangel, ipinagyayabang daw nina Ekis at Itoy na ang ‘weekly’ tongpats na ibinibigay nila sa lokal na pulisya ay P100,000 daw -- kapalit ng malayang operasyon ng illegal nilang pasugalan.

Ang buong Bukid Area ay ‘vk infested area’ na dahil kahit saan ka lumingon ngayon, kabi-kabila ang paglatag ng makina ng video-karera.

Sa ‘town proper,’ ay talamak na rin ang video-karera, partikular na sa Barangays 28 at 31.

Kung talagang magseseryoso lamang ang Caloocan PNP sa kanilang trabaho, bulag na lang sila ngayon kung itanggi nilang ‘negative’ ang mga impormasyong ganito.

Kaya nga nananawagan tayo kay Mayor Oca na bigyan ng mariing direktiba ang kanilang lokal na pulisya dahil ang mga isyung katulad ng ganito ang sisira sa maganda niyang pangalan.

Kung ako pa kay Yorme, ipapaaresto ko sina Itoy, Ekis, Lotlot at Jay-Ar para hindi na sila makapaghasik pa ng masamang lagim sa Caloocan.

Umaasa tayong magkakaroon ng positibong tugon dito ang magiting na alkalde ng lungsod.