8,889

Palusot ng JCQ Trading, huli ni Collector Martin!

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 256

ISANG memorandum order ang inilabas ni Commissioner Isidro S. Lapeña na nag-uutos sa mga airline at shipping line na magsumite ng advance cargo manifest sa Bureau of Customs (BoC).

Inilabas noong Mayo 7, ang memorandum ay nag-uutos sa mga kompanya ng barko at eroplano na isumite, electronically, ang manifest sa BoC advanced manifest system.

Ang cargo manifest o inward foreign manifest (IFM) ay naglalaman ng detalyadong listahan ng mga kargamentong lulan ng isang barko o eroplano.

Nakalagay din sa manifest ang impormasyon tungkol sa mga produktong laman ng kargamento.

Kasama rin ang transport document numbers, consignors, consignees, volume ng goods at destinasyon ng shipment.

Layon ng memorandum na mapabilis ang trading ng mga produkto at mapigilan ang pagpasok ng mga high-risk shipment sa bansa.

Kailangang isumite rin ng mga airline at shipping line ang bill of lading, commercial invoice, packing list, stowage plan, container discharging list at load port survey report.

Ang pagsusumite ng advance cargo manifest ay makakatulong sa BoC na sundan ang paggalaw ng shipment mula sa port of origin, ayon kay Lapeña.

“The new guidelines on cargo manifest will allow a qualified importer to process in advance the goods declaration prior to the arrival of the shipment,” dagdag pa ni Lapeña.

Magandang hakbang ito para lalong mapabilis ang paglabas ng mga kargamento sa pantalan.

Pero kailangan pa ring aksyunan ni Commissioner Lapeña ang katarantaduhan ng ilang examiner na patuloy na gumagawa ng katarantaduhan.

Katulad na lang ng ilang examiner diyan sa MICP na patuloy na nakikipagsabwatan sa mga tiwaling broker para pagbayarin ng mababa ang isang kargamento.

Mabuti na lang at maagap si MICP District Collector Maritess Martin kaya agad nai-alert ang mga shipment ng tiles nitong JCQ Trading. Masyadong garapal, obserbasyon ng mga customs oldtimer, aba’y nagbayad lang ng P55,000 bawat container at ideneklarang 15 tons lang ang timbang.

Sobra naman ang tapang ng broker/importer nito. Maliwanag kasi sa stowage plan na 30 tons ang gross ng karamihan sa cntr. Ang masakit pa, nadadamay tuloy ang ibang importer na nagbabayad ng halos P 73,000 pataas sa bawat cntr. ng tiles.

Dapat sampahan ng kaso kung sino man ang examiner na sobrang lakas ng loob na gaguhin at paikutan si Comm Lapeña. Ganyan din ang dapat gawin sa may-ari at broker nitong JCQ Trading na hindi yata takot sa Administrasyong Duterte.

Kailangang aksyunan agad ng pamunuan ng BoC ang kalokohan nitong JCQ Trading at mga kasabwat nito diyan sa BoC, dahil baka sa susunod na pagdinig ng Kongreso at Senado ay mabusisi na ito.

Mabuti na lang at naagapan ito ni Collector Martin, kundi, kahiya-hiya na naman ang mga taga-Aduana.

Ang tanong, sino ba ang kapit o padrino nitong JCQ Trading diyan sa BoC at masyadong malakas ang loob?

Hehehe, ganun pa man , maraming nakatutok sa kaso nitong JCQ Trading, naniniwala sila na kailangang isyuhan na ito ng
WSD dahil gross underweight ang deklarasyon nito. Halos 50% ang diperensya ng timbang nito sa gross at declared weight.

Kilos na Comm. Lapena!

***

Sa maraming parte ng bansa, usong-uso ang pambabato sa mga dumaraang sasakyan.

Maraming drayber at pasahero na ang nasaktan dahil sa mga “stoning incident” na ito.

Hindi lang sakit ng ulo ng mga commuter ang pambabatong itong sa mga sasakyan

Problema rin ito ng mga pulis at lokal na otoridad.

Kaya nga nagpapasalamat tayo at umaksyon na ang House of Representatives para matigil na kabaliwang ito.

Sa botong 171-0, inaprobahan on third and final reading ang House Bill (HB) NO. 7163 na principally authored ni Majority Leader
Rodolfo Farinas ng Ilocos Norte.

Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, papatawan ng mabigat na parusa ang sino mang lalabag dito.

Makukulong siya ng 25 taon, magmumulta ng P100,000, maliban pa sa ibang civil liabilities.

Sinabi ni Farinas na may mga unscrupulous na taong basta na lang nambabato sa mga dumadaang sasakyan.

“In the process, accidents result, putting the lives and limbs of passengers and damaging the vehicle itself. This practice has to be abated,” sabi ni Farinas.

Sana maging batas na ang HB NO. 7163

Tama ba kami, Pangulong Rody Duterte, Senate President Koko Pimentel at Speaker Bebot Alvarez?

***

Sa Hunyo 4 (Lunes) na ang opening ng school year 2018-19.

Kamakailan ay sinabi ng Department of Education (DepEd) na hindi puwedeng ilipat sa Hulyo o Agosto ang pagbubukas ng klase sa public elementary at high school.

Ayaw ng gobyerno na abutin ang klase ng mga bata sa Abril at Mayo, lalo na ngayon na sobra ang init ng panahon sa bansa dahil sa climate change.

Hindi kagaya ng mga pribadong paaralan, ang mga public school ay walang aircondition o electric fan man lang.

Tama naman ang mga taga-DepEd na huwag ilipat ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan.

Dahil dalawang linggo na lang at magbubukas na ang klase, dapat simulan na ang paglilinis sa mga paaralan.

Kailangang linisin ang mga pinamumugaran ng mga lamok, daga at ipis.

Huwag natin kalimutan na pagdating ng mga malalakas na ulan ay nandiyan na naman ang mga nakakamatay na sakit na kagaya ng dengue, leptospirosis at cholera.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong oangalan at tirahan.)