6,091

Palpak na prosekusyon o biktima ng hustisya?

  • Written by Mario Fetalino Jr.
  • Published in Opinion
  • Read: 143

The last mohican

Mukhang lumiliwanag ang mundo ni dating Senador Bong Revilla. Ito’y dahil sa takbo ng nakaraang hearing sa kanyang kinasasangkutang kasong plunder. Maraming anggulong lumutang na makakatulong para sa ipinaglalaban ng dating senador.

Pinakaimportante sa lahat ang testimonya ng dalawang whistleblowers na sina Marina Sula at Arlene Baltazar na inutusan sila ni Benhur Luy na idiin si Revilla isang linggo bago ang kanilang pagtestimonya.

Ayon sa dalawang key witness, si Benhur mismo ang naghanda at pumeke sa mga PDAF documents na ginagamit bilang ebidensya laban kay Revilla. Sinabi rin nila na wala raw natanggap na kickback si Revilla.

Sa ginawang pagbaligtad nina Sula at Baltazar, nagliwanag agad ang kalangitan para kay Revilla. Malaking puntos ito para sa dating senador dahil sina Sula at Baltazar ay parehong testigo ng panig ng gobyerno.

Bukod sa testimonya nina Sula at Baltazar, nagawang sagutin ni Revilla ang mga akusasyon laban sa kanya nang isalang siya sa pagtatanong. Sinabi ng senador na kahit kailan ay hindi siya nag-prepare at lumagda ng anumang endorsement letters, Memoranda of Agreement (MOA) at liquidation reports.

Nang isalang sa cross examination, idiniin din ni Revilla na wala siyang alam sa mga endorsement letters. Bilang mambabatas, tungkulin aniya na mag-request ng pondo sa Department of Budget and Management (DBM) pero hanggang doon lamang ito at wala siyang ipinadalang mga endorsement letters.

Tungkol naman sa kanyang co-accused na si Atty. Richard Cambe, sinabi ni Revilla na kahit kailan ay hindi niya ito naging chief of staff sa halip ay head for legislation ang naging papel nito sa kanyang tanggapan. Wala umano silang naging pag-uusap ni Cambe tungkol sa mga usaping pera.

Nang ipakita naman ang isang sulat na sinasabing ipinadala ni Revilla sa Commission on Audit kung saan ayon sa prosekusyon ay naglalaman ng pag-amin ni Revilla sa kanyang mga lagda, nilinaw ng dating senador na noon lamang niya nakita ang tinutukoy na dokumento at hindi niya lagda ang nakalagay dito.

Sa kabuuan, masasabing “not bad” ang naging takbo ng paglilitis kay Revilla -- not bad -- para sa senador pero “not good” naman para sa panig ng gobyerno.

Kung pagbabatayan ang pagbaligtad ng dalawang importanteng saksi, malaking dagok ito para sa panig ng gobyerno. Kapag nagkataon, mukhang isa na namang kasong plunder laban sa isang malaking isda na tulad ni Revilla ang mauuwi sa wala.

Kapabayaan ba ito sa panig ng prosekusyon o sadyang biktima lamang si Revilla ng binabaluktot na hustisya?

* * *

For comments, please call or text 09055080126 or email This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.