6,871

Palpak ang free college tuition fee?

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 279

MARAMING magulang ang lumapit sa inyong lingkod.

Nalilito pa rin daw sila hanggang ngayon kung paano ma-avail ang libreng matrikula sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.

Ang pagkakaalam ko, aabot sa 112 state and local universities ang sakop ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act na niratipikahan ng Kongreso noong May 2017 at napirmahan ng Pangulong Duterte noong August ng nakalipas na taon.

Hanggang ngayon, walang malinaw na guidelines, panuntunan at patakaran kung sinu-sino ba ang dapat maka-avail nito.

Kulang sa ‘information drive’ ang national at local government para ipaabot sa ating mga kababayan ang mga kaukulang detalye na kakailanganin ng ating mga estudyante para lamang makalibre ng matrikula sa pampublikong pamantasan sa bansa.

Ang masakit pa, ayon sa mga nagsusumbong, mas nauuna pa umanong ma-accommodate na ma-enroll ang ilang mayayaman dahil na rin sa kanilang koneksiyon sa ilang eskuwelahan.

Iyong iba naman, kung sino ang malakas kay mayor, kongresman, konsehal at kahit barangay officials at ilan pang nagtatrabaho sa city hall at munisipyo ay sila pa ang unang nakakakuha ng ‘slot’ sa mga ipinatatalang estudyante.

Labas pa rito ang katotohanang hindi pala lahat ng batang mahihirap ay maaaring makapag-enroll sa state & local colleges and universities sa Pilipinas.

Kung anong pagkukumahog ng mga pobreng magulang na makakuha ng libreng matrikula sa kanilang anak ay siya namang pahirapan sa pagkuha ng kaukulang reglamento.

Sabi ng ilang magulang, masyadong tinakam ang mga mahihirap sa programang ito, gayung para rin silang dumadaan sa butas ng karayom para lamang makakuha ng libreng matrikula na dapat isang dakilang karapatan ng mamamayan!

Tunay ngang edukasyon ang sagot upang magkaroon ng pambala ang mahihirap sa masalimuot na kinabukasan ng kanilang mga anak.

Pero kung may maling sistema sa panuntunan ngayon sa pagkuha ng libreng matrikula ay hindi naman tama.

Sa kabilang dako, may payo tayo sa mga kapwa natin magulang!

’Wag muna masyadong umasa sa mga paasang pangako na libreng matrikula sa ating mga anak.

Ang dapat nating gawin ngayon ay paghandaang mabuti ang pag-aaral ng mga bata. Lalo ngayon.

Sa susunod na linggo ay Hulyo na at marami pa rin ang hindi nakapag-e-enroll dahil sa paasang libreng tuition fee.

Siguro, humanap muna tayo ng mura ngunit de kalidad na eskuwelahan. Marami niyan.

Tulad ng kuwento sa akin ng isang magulang na nagparating ng sumbong.

Sa sobrang inis niya sa nangyayaring pahirapang pagkuha ng libreng matrikula, ini-enroll na niya sa STI College and Computer Schools ang kanyang anak.

Okay na raw ang ganitong uri ng eskuwelahan dahil hindi mataas ang matrikula at marami siyang kilalang nakapagtrabaho agad ang kanilang mga anak dahil sa computer schools na katulad ng ganito.

Kung ako ang tatanungin, magandang option ito.

Ang magandang gawin natin ay pakunin natin ng entrance exam sa iba’t ibang eskuwelahan ang ating mga anak.

Baka kasi tulad din nila kayo na mabiktima sa paasa sa mailap pa ring libreng matrikula sa kolehiyo.