5,300 guests

Pagsugpo sa Bird Flu

  • Written by Cong. RICKY SANDOVAL
  • Published in Opinion
  • Read: 882

MARAHIL hindi napapansin ng marami sa atin pero hindi lang sa Marawi City patuloy na nagde-deploy ng mga sundalo ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Dahil sa kumakalat na avian influenza o bird flu sa lalawigan ng Pampanga at ilang bayan sa Nueva Ecija, nagtalaga na ng aabot sa 300 sundalo ang AFP sa dalawang probinsya na ito para sugpuin ang mga manok na tinamaan ng bird flu. Naka-istasyon din ang ilang sundalo para magmando sa  checkpoints upang kontrolado ang paglabas ng poultry products papalabas sa naturang mga probinsya.

Saan ba galing ang bird flu at dapat ba tayong umiwas na sa pagkain ng mga manok o itlog?
    
Unang lumitaw ang bird flu noong unang parte ng 1900s sa Italy. Pero bandang 1961 lang matapos ang ilang research nadiskubre ang uri ng bird flu na H5N1 sa South Africa. Hindi naman nahahawa ang tao sa mga naunang kaso ng bird flu hanggang sa noong 1997, 18 na katao sa Hong Kong ang nahawa sa bird flu; anim dito ay namatay. Dahil dito, pinatay ng Hong Kong ang lahat ng manok at ibon (1.5 million) sa kanila sa loob ng tatlong araw. Nasundan pa ito ng iba’t ibang kaso ng bird flu sa mga bansa sa Europe at Asia lalo na sa China.
    
Ayon sa Australian Animal Health Laboratory na siyang kinonsulta ng ating Department of Agriculture, H5N6 ang uri ng bird flu na tumama sa Pampanga at sa Nueva Ecija. Nilinaw ng DA na hindi ito mabagsik gaya ng H5N1 pero ginagawa pa rin ng ating pamahalaan ang lahat ng hakbang para hindi na ito lumala pa.
    
Sabi nga ng DA, kahit mababa ang posibilidad na malipat sa tao ang bird flu na nasa ating bansa, plano pa rin nilang puksain ang aabot sa 600,000 na mga manok sa apektadong mga probinsya.
    
Kasabay ng mga ginagawang hakbang ng DA, naghain ng resolusyon si AGRI Partylist Congressman Orestes Salon upang imbestigahan ang pangyayaring ito. Syempre, magtataka tayo, paanong kumalat itong bird flu na ito kung meron namang beterinaryo ang local government units.
    
Narinig ko sa isang poultry owner na noong napansin na niya na tumatamlay ang mga alaga niyang manok, inakala niya na taun-taon naman tuwing tag-init ay nangyayari ito. Hindi niya inakala na bird flu na pala ang dumapo sa manukan niya. Kaya mahalagang lumabas din sa hearing na gagawin ng Kongreso sa pangunguna ni Cong. Salon na mahanapan ng paraan kung papaano mas magiging agresibo sa information campaign tungkol sa bird flu at iba pang sakit na may kaugnayan sa mga alagang hayop. Dapat may regular na training at lecture ang mga nasa agrikultura para kahit ordinaryong magsasaka lang ay may basic na kaalaman na sa mga senyales ng epidemya.
    
Dapat magkaroon ng sistema ang mga nasa agrikultura at pamahalaan para unang senyales pa lang ng posibleng epidemya gaya nitong sa bird flu ay nare-report agad para maagapan. Nararapat din na malaman natin kung ano ang mga hakbang ng Department of Health para masigurong hindi malilipat sa tao ang sakit na ito -- at kung malipat man ay may sapat na gamot at pasilidad para labanan ito.
    
Higit sa lahat, nais nating malaman sa hearing kung paano natin masasaklolohan ang mga nasa poultry industry na siguradong malulugi dahil sa bird flu. Papalapit na ang Pasko kaya kung hindi tuluyang mapupuksa ang bird flu bago ang Disyembre, malaking kawalan ito sa industriya at syempre sa noche buena.
    
Mabuti na rin na sumabay ito sa budget deliberations sa Kongreso dahil bilang Vice Chairman ng House Committee on Appropriations, mahalagang malaman kung may sapat na pondo at karampatang programa ba ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng DA at DoH para umagapay sa sector na tinamaan ng epidemya.
    
(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)