5,439 guests

Pagsopla ni Pang. Digong sa EU, tumpak!

  • Written by Paul Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 305

Paul's alarm

BINABASA ninyo ito mga kabayan, nasa Camp Olivas, Pampanga ang mga opisyal ng National Press Club (NPC) para sa ‘regular monthly free medical and dental mission’ na ating isinasagawa sa tulong ng UNTV ni ‘Kuya’ Daniel Razon at ‘Bro Eli Soriano, sa kanilang “Klinika ni Kuya Social Outreach Program” na milyon na sa ating mga kababayan sa buong ’Pinas ang natulungan sa napakahabang panahon.

Kumbaga, ‘well-deserving’ si Kuya Daniel sa ‘lifetime achievement award’ na ibinigay sa kanya ng Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas (KBP) bilang pagkilala na rin sa kanyang mga nagawa at naging kontribusyon hindi lang bilang isang respetadong kasapi ng media bagkus, bilang isang tunay na lingkod-bayan.

“Nagpapasalamat” na rin agad tayo sa ating mga kasamahan sa media sa bandila ng Camp Olivas Press Club sa pangunguna ni Pang. Bernard Galang, na kasama natin dito sa Journal Group at siyempre, sa liderato ng PRO-3 Police Office, sa ilalim naman ni RD Aaron Aquino, para sa aktibidad natin ngayong araw.

Ito ang ikalawang ‘out-of-town project’ ng NPC/UNTV para sa taong ito sa ilalim naman ng ating liderato bilang pangulo ng NPC matapos ang ating ‘free medical and dental mission’ sa Calabarzon PNP (PRO-4A) noong Marso 4.

Sa susunod na buwan, balik-Metro Manila naman tayo d’yan sa lugar ng CAMANAVA at pagkatapos nito, sa Southern Metro Manila naman sa buwan ng Hulyo.

* * *
    
At nabanggit na rin lang ang ating kapulisan, pabor tayo sa desisyon ni NCRPO director, Oscar Albayalde, na “balasahin” ang mga ‘precinct and station commanders’ upang mas higit silang maging epektibo sa kanilang mga trabaho, partikular na sa kampanya laban sa krimen at iligal na droga.
    
Bago ito, umani ng papuri sa madlang pipol si PRO-4 director, Ma O Rañada Aplasca, sa kanyang desisyon na “balasahin” ang mga pulis sa Rizal PPO at sa Tanauan, Batangas Police Office dahil sa mga reklamo ng katiwalian.
    
At kung sandamakmak pa rin ang mga ‘hooligan cops’ sa probinsiya, eh, hindi siyempre “magpapasapaw” ang mga tulisang-pulis dito sa NCR, tama ba, kasamang Non Alquitran?
    
Sa limang distrito ng NCRPO-MPD, QCPD, EPD, NPD AT SPD --masasabi nating d’yan lang sa QCPD at sa EPD kayang “bastunin” ng kanilang mga direktor, sina QCPD director, Guillermo Eleazar at EPD director, Romulo Sapitula ang kanilang mga tauhan.
    
Oops! Hindi po ito sariling obserbasyon ng inyong lingkod, mga suki. Ito kasi ang sinasabi, RD Albayalde, ng mga kasamahan ko sa media sa tuwing mayroon kaming mga huntahan.
    
Bagaman, kung tatanungin ng PNP ang ‘police/crime beat reporters’ sa buong NCR kung “sino” sa tingin nila ang “da best,” eh, ‘hands down’ at ‘runaway winner’ si DD Eleazar, tama ba, kasamang Jan Sino Cruz at ‘Mommy’ Lily Reyes,’ hehehe.

* * *
    
Sa ganang atin, mga “utak-alipin” lang (read: colonial mentality) sa hanay ng ating mga kababayan, mga politiko at mga burukrata sa pamahalaan, ang “nadismaya” at “natakot” sa desisyon ni Pang. Rody na “tablahin” ang ‘aid-with-strings-attached’ ng European Union, ang “bloke” ng mga bansa sa Europa na walang ginawa kundi “diligin ng dugo” ng kanilang mga biktimang bansa ang mga pahina ng kasaysayan.
    
Wasto lang at napapanahon na ipakita natin sa mga dayuhang ito na hindi na “lulunukin” ng mga Pilipino ang kanilang pakikialam sa ating mga internal na usapin at problema kapalit ng mga “baryang” ibinibigay nila sa atin.
    
Sa ganitong postura ng ating mahal na pangulo, mas naniniwala tayong nagsisimula nang makakuha ng totoong respeto ang ating bansa sa pananaw ng ‘international community.’
    
Dangan kasi, ang respeto, katulad ng kredibilidad at kalayaan, ay ipinaglalaban at pinaghihirapan at hindi awtomatikong ibinibigay ng sino man. Sa wikang Ingles, ‘genuine respect is earned, not freely given.’
    
Sa inabot namang kahihiyan sa kamay ni Pang. Rody ng EU -- na una nang tinangkang “brasuhin” at ipahiya si Pang. Rody sa isyu ng EJK bilang mga kasabwat ng ‘Tribong Dilawan’ -- hindi naman tayo nagtataka na mga Dilawan din, sa katauhan ni Sen. Frank Drilon, ang isa sa agad nagpahayag ng “pangamba” sa posibleng negatibong epekto ng kanyang desisyon.
    
Eh, susme naman talaga. Habang “nagpupunyagi” si Pang. Digong na itaas ang dignidad ng mga Pinoy, ’yung iba namang nasa posisyon sa gobyerno, nagpupunyagi rin na ibalik tayo sa estado ng ‘inferior races.’
    
Ang ganitong pananaw, mga kabayan, ay walang pinag-iba sa naging posisyon ng isang dating opisyal d’yan sa MPD na pilit “pinagiba” ang kilos-protesta ng mga militante sa harap ng US Embassy noong Oktubre 19, 2016, dahil “nakakahiya” sa mga Amerikano, talaga rin naman!
    
Sa ‘psychology’ mga kabayan, mayroong tinatawag na ‘Stockholm Syndrome’ na sa simpleng paliwanag ay pagkakaroon ng simpatiya at pakikiisa sa mga taong dating umaabuso sa iyo sa tagal ng inyong naging “pagsasama.”
    
Isa sa sinasabing “biktima” ng ‘Stockholm Syndrome ay si Patty Hearst, apo ni ‘US media mogul’ William Randolph Hearst na nakidnap ng ‘Symbionese Liberation Army’ (SLA), isang ‘self-styled urban guerilla army’ sa ’Tadong Unidos noong 1974.
    
Sa dakong huli, kasama pa si Hearst sa paggawa ng krimen ng SLA katulad ng panghuholdap sa mga bangko upang makalikom ng pondo sa kanilang mga planong terorismo.
    
“Tinamaan” din umano ng Stockholm Syndrome ang ilang mga “POWs” sa Vietnam at Korean War na sa mga ‘taped interviews’ ay “pinupuri” pa ang mga nakahuli sa kanila.
    
Sa sitwasyon natin, hindi malayong “lango” rin sa epekto ng Stockholm Syndrome ang karamihan sa ating mga kababayan at opisyales sa pamahalaan:
    
Sa tagal nating inaabuso at ginagawang utusan ng mga dayuhan, tinatanggap na natin ang ganitong lihis na relasyon bilang “normal” at tayo pa ang nagbibigay ng katwiran sa kanilang mga kabalbalan.
    
Eh, wala tayong masasabi kundi, ‘Hoy, Gising!’