5,772

‘Pagod’ ni PDU30 ‘mapupunta sa wala?’

  • Written by Paul Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 411

Paul's alarm

SINUSULAT natin ito, mga kabayan, “pikon na pikon” pa rin umano kay Port of Manila (POM) district collector, Vener Baquiran, ang mga ‘stakeholder’ ng Aduana.

Dangan kasi, hanggang kahapon umano ay “napakahaba” ng pila at “napakabagal” ng pag-proseso sa mga kargamento sa POM dahil kailangan pang “mag-rali” kahapon ng umaga ang mga “personero” at  ‘customs brokers’ sa tanggapan ni Coll. Baquiran dahil sa utos nitong “isara” sa kanila ang buong ‘Assessment (Formal Entry) Division.

Ang resulta? Marami umano sa ating mga miron ang ‘na high-blood’ at muntik magkaroon ng ‘pandemonium’ sa POM dahil nga araw ng Biyernes at “naghahabol” na sila para agarang mailabas ang kani-kanilang mga kargamento para “iwas” sa pagbabayad ng “demurahe” at ‘storage fees’ na siyang magiging resulta kung “matulog” pa ng Sabado at Linggo sa pantalan ang kani-kanilang mga kargamento.

Eh, “kawawa” rin naman talaga si BoC Comm. Sid Lapeña na kahapon din ng umaga ay nagpunta pa sa Manila International Container Port (MICP) para sa isang ‘surprise inspection’ ng  dumating na ‘shipments.’

Kumbaga, “modelo” ng kasipagan bilang opisyal si Comm. Sid habang ang kanyang mga “nailatag” nang mga pagbabago at reporma sa POM, “nilalapastangan” naman agad ni Coll. Baquiran? Ganun nga kaya ’yun, mga kabayan?

Noon lang Martes umupo bilang bagong POM district collector si Atty. Baquiran at kung ang “paghihigpit” sa mga transaksyon ang kanyang ‘Oplan Pakilala’ sa mga ‘stakeholder,’ eh, parang “sablay” naman yata, hindi ba, dear readers?

May kasabihan, ‘If it don’t squeak, don’t fix.’ Sa malayang salin sa ating wika, “Kung wala namang problema, huwag nang guluhin,” tama ba, Comm. Sid?
    
And take note, mga kabayan, ang ‘parting words’ ni Comm. Sid noong Lunes, bago lumabas ang ‘appointment’ ni Coll. Baquiran na ang nakapirma ay si Pang. Rody. Ani Comm. Sid, hindi porket si PDU30 ang “nakapirma” sa ‘appointment,’ puwede nang “sumalto” ang kanyang mga itinalaga sa puwesto dahil ‘feeling safe’ na sila.
    
Dangan kasi, may ‘license to fire (anybody)’ si Comm. Sid, kaya, kayo rin, hehehe!

* * *
    
Bukod pala sa mga pulis, sundalo at iba pang ‘uniformed personnel’ na “nabiyayaan” ng “dobleng pagtaas” sa kanilang mga suweldo, may isa pang grupo na mas masaya sa magandang “bunga” ng malasakit na ito ng ating mahal na pangulo, AFP chief, Jagger Guerrero, PNP chief Ronald dela Rosa at DILG secretary, Ed Año.
    
At hindi sila ’yung mga pamilya (at ‘girlfriends) ng mga pulis at sundalo -- na siyempre sa una pa lang ay talaga namang ‘very happy’ na rin sa pagtaas ng suweldo at benepisyo ng kanilang mga mister.
    
Ang tinutukoy natin dito, DBM Secretary Ben Diokno at Pang. Rody, ay itong  LENDING companies na ang mga kliyente ay lahat ng ating ‘uniformed personnel.’
    
Ayon sa ilan nating mga kaibigan sa PNP, “bigla” umano ang “pagluluwag” at “pagbubukas” ng  lending companies sa kanila upang sila ay makapag-salary loan! At bakit naman hindi, eh, bilyones na halaga ang pinag-uusapan dito.
    
At ’andito ngayon ang problemang malaki na kapag hindi “naagapan” ni Sec. Año, Chief PNP Bato at AFP chief Jagger, ay hindi malayong magresulta sa pagiging “walang kuwenta” ang lahat ng pagsisikap at malasakit ni Pang. Rody na maitaas ang suweldo nila -- kesehodang “masama ang loob” ng ating ‘economic and financial managers’ sa desisyon niyang ito.
    
Dangan kasi, alam ba ninyo mga kabayan na bawas ang lahat ng loan ng isang pulis, aabot na lang sa P4,000-P5,000 ang kanyang ‘net take home pay’ o suweldo na puwede niyang iuwi sa kanyang pamilya?
    
At sa natirang halagang ito siyempre, dito pa kukunin ang mga pang-araw-araw at buwanang mga gastusin -- baon ng mga anak sa pagpasok sa eskuwela, bayad sa tubig, kuryente, upa sa bahay, pambili ng pagkain, etc., etc.
    
Sa ganitong sistema na kahit gaano kalaki ng suweldo ng mga pulis at sundalo ay napupunta lang naman pala sa mga nautangan nilang mga ‘lending companies,’ eh, itong mga “usurerong” ito lang pala ang sa dakong huli ay siyang makikinabang sa pagdoble ng sahod ng mga pulis at sundalo!
    
Kumbaga, dahil sa pagsisikap ni Pang. Digong, karamihan sa ating mga pulis at sundalo sa ngayon ay mga ‘one-day millionaire’ dahil nga “bukas” sa kanila ang mga “gripo” ng mga lending companies.
    
Eh… paano kung naubos na ang mga inutang nila dahil hindi naman nagamit sa maganda bagkus, sa pagtustos sa mga “luho” katulad ng pagbili ng mga bagong gamit sa bahay, sasakyan o kaya ay “lamyerda” sa mga ‘tourist destinations’ sa loob at labas ng bansa?
    
Paano na, aber? Paano na kung kahit nadoble ni Pang. Digong ang kanilang mga suweldo, P4,000-P5,000 pa rin ang net take home pay nila dahil “naprenda” na (naman) sa mga lending companies ang kanilang mga suweldo sa susunod na 5 taon?
    
Eh, siyempre, “balik sa dati” ang mga ito, hindi ba, mga kabayan? Balik sa dating gawi ng pangongotong at iba pang mga gawaing tiwali upang “mapunuan” ang malaking halaga sa kanilang mga suweldo na hawak na ngayon ng mga usurero, tsk,tsk,tsk!
    
Panukala tuloy natin, dapat agarang mag-isyu ng ‘FREEZE ORDER’ sa lahat ng salary loan processing ang DILG, PNP at AFP habang pinag-aaralan ang bagong polisiya  hinggil sa ‘net take home pay.’
    
Alam kasi natin na ang layunin ni Pang. Rody na doblehin ang suweldo ng mga pulis at sundalo ay upang mas malaking halaga ang maiuwi nila sa kani-kanilang pamilya -- at hindi para “yumaman” pa ang mga lending companies.
    
Kung hindi kasi gagawin ang ating panukala, huwag nang magtaka si Pang. Rody kung sa mga sumunod na araw, pulos sabit na naman sa mga gawaing tiwali at kriminal ang ating mga ‘law enforcers,’ partikular na ang ating mga pulis.