Paghahanda sa bagyong Ompong!

September 14, 2018

PAGLABAS ng artikulong ito ay siguradong binabayo na ng bagyong Ompong ang siyam na probinsiya sa Northern Luzon, partikular na ang Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte, Batanes at Babuyan Island.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), higit pa sa preparasyon sa bagyong Yolanda ang ginagawa nilang paghahanda ngayon. Mas pinalawig nila ang paghahanda upang hindi na maulit pa ang pinsalang inabot sa Yolanda noong November  2013 na kumitil sa buhay ng 6,300 nating kababayan at nagtala pa ng 1,074 bilang ng mga taong nawawala.

Ang lakas ng hangin ng Yolanda ay may taglay na 230 km/h; samantalang sa forecast ng PAGASA, ang bagyong Ompong ay may 205 km/h na taglay ng hangin at may ngitngit na dalang 255 km/h.

Ang nakakatakot, sinabi ng PAGASA na maliban sa malakas na hanging dala ng bagyong Ompong, singlakas ng bagyong Ondoy ang hatid na ulan nito na puminsala sa mga probinsiya ng Rizal, Bulacan at Metro Manila noong taong 2009.

Sa dami ng mga tumamang kalamidad sa bansa, halos yanig sa nerbiyos na ang ating mga kababayan upang hindi na maulit ang mga ganitong uri ng sakuna na isang bangungot at masamang panaginip sa ating buhay.

Bagaman magkaiba ang sitwasyon sa kabukiran at kalunsuran, iisa ang iniingatan nating lahat -- ang ating buhay, bahay, ari-arian at mga pananim.

Sa kabukiran, palagian ang paghahanda sa ating mga pananim. Iyong iba ay naha-harvest ng maaga at iyong iba naman ay tuluyan nang nasisira ng bagyo dulot ng malakas na ulan.

Hindi lang sa sibilisasyon may matinding baha dahil kahit sa ating mga bukid ay walang laban na nalulunod at nasisira ang ating mga pananim. Ito ang klaseng pananalanta na wala talagang makapipigil at makaaawat.

Kalbo ang ating kabundukan dahil bukod sa illegal logging, talamak ang illegal mining, illegal quarry at ang mga lupang pangsaka ay nako-convert na sa mga pabrika, subdivision at marami pang iba.

Kakaiba ang dahilang ito sa mga nararanasan nating baha sa Metro Manila at iba pang urban areas.

Maraming sanhi kung bakit malala ang baha sa kalunsuran. Isa na rito ang gawa mismo ng tao, malalaking pabrika (pa rin), masamang imprastraktura, naglalakihang subdivision, shopping malls, basura’t mga kabahayan ng informal settlers na walang pakundangan kung manirahan sa ating mga estero at marami pang iba.

Mahina ang ating ‘urban planning’ na mas inuuna pa ng mga nasa pamahalaan at mga kontratista ang kanilang kurakot at komisyon, kaysa sa kapakanan ng ating bayan.

Sigurado sa mga susunod na araw, babalik uli ang mga  balita ng bilang ng namatay, nasirang kabuhayan, relief goods at siyempre ang hirap sa buhay sa evacuation centers.

Tama ang ginagawang paghahanda ng NDRRMC at DSWD sa mga ganitong uri ng kalamidad. Pero sana naman bago dumating ang mga ganitong uri ng pananalanta ay nakalatag na ang komprehensibong plano kung paano maisasayos nang husto ang ating urban planning.

Dati na natin sinasabi na magiging epektibo ito kung magkakaroon ng ‘political will’ upang parusahan ang mga taong walang takot kung manira sa ating kalikasan.

Dapat maging makatotohanan ang pag-monitor, pagtulong at pagkastigo ng bawat local government unit (LGUs) sa ating mga barangay na tukuyin isa-isa ang mga delikadong lugar at kung ano ang sanhi ng mga ito kung bakit binabaha ang ating pamayanan.

Dapat nga, pati homeowners associations ay regular at pag-isahing pulungin ng bawat lokal na pamahalaan upang ma-identify ang dahilan ng matataas na baha dahil nasisiguro kong marami silang maituturong naglalakihang gusali at  informal settlers na nakabara sa ating mga drainage, kanal o estero.

Hanggat walang kongkretong plano na tulad nito, ang senaryo ng bagyo ay magiging paulit-ulit na lamang na mangyayari na para bang lahat tayo ay wala nang pinagkatandaan.

Tagged Under