6,246

Pagbabawal sa paggamit ng plastic straw

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 273

KAMAKAILAN ay naghain si Senador Risa Hontiveros ng panukalang-batas na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng plastic straw at stirrer sa mga restawran at mga tindahan ng pagkain.

Marami ang nagpahayag ng suporta dito mula sa mga environmental advocate, partikular na ang mga indibidwal na sinusubukang bawasan ang kanilang basura sa pamamagitan ng “zero waste” lifestyle. Ngunit marami din naman ang kumukwestyon dito. Sinasabi ng mga taong duda dito ay hindi raw natin kailangan ang ganitong batas sapagkat hindi naman malaking problema ang plastic straw at stirrer. Dagdag pa nila, ang problema natin sa basura ay masosolusyunan kung maayos na ipapatupad ang R.A. 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, at kung may disiplina lamang ang mga tao pagdating sa pagtatapon ng basura.

Totoo na kailangang maipatupad nang maayos ang nasabing batas. Ngunit ayon sa isinagawang aral ng Solid Waste Management Office ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong 2017, umabot na sa 9,499.44 tonelada ang bigat ng basurang tinatapon kada araw sa Metro Manila noong 2016. Kung ganito kadami ang basurang itinatapon araw-araw, hindi mahirap isipin na ang nasabing batas ay hindi na epektibo para solusyonan ang problema natin sa basura. Gayundin, mapagtatanto natin na kahit may disiplina ang tao at itinatapon nila sa tamang basurahan ang kanilang basura, hindi nito binabago ang katotohanang halos sampung tonelada ang itinatapong basura kada araw. Tandaan, ang nasabing numero ay tala mula sa Metro Manila pa lamang. Gaano kadami ang basurang itinatapon kada araw sa buong bansa?

Ang Pilipinas ay naitalang ikatlo sa pinakamalaking plastic polluter ng karagatan sa buong mundo, kasunod lamang ng Tsina at Indonesia. Bilang isang bansa na malaki ang ikinabubuhay sa sariling yamang dagat, nararapat lamang na pangunahan natin ang pagtigil sa paggamit ng plastik.

Ang pagbabawal ng paggamit ng plastic straw at stirrer sa mga restawran ay maliit na hakbang pa nga lang. Sa mga bansa tulad ng India, France, Chile, Kenya, at Rwanda, ipinatupad na ang mga polisiyang ipinagbabawal ang paggamit ng mga plastik na isang gamitan lamang.

Bilang isang bansa na may pinakamalaking kontribusyon sa polusyon ng plastik, masasabing nahuhuli tayo sa pagtugon sa problema. Kailangang bilisan natin ang ating kilos. Hindi na natin dapat na maliitin ang problema ng plastik. Kailangan nating tugunan ang problemang ito mula sa pinagmumulan nito. Kailangang mahinto ang produksyon ng single-use plastic. Isang hakbang para mangyari ito ay ang ipagbawal ang paggamit nito. Ito ang mas mabisang solusyon kaysa sa pamamahala ng basura na nakasaad sa R.A. 9003. Tandaan, kung walang gagamiting plastik, walang itatapon na plastik.

Kaya’t maliit mang hakbang na maituturing ang panukalang-batas na nabanggit, malaki-laki rin ang problemang masosolusyunan nito. Sa Amerika pa nga lang, 500 milyong plastic straws ang ginagamit araw-araw. Sapat na ito para palibutan ang ating planeta nang dalawang beses. Paano pa kung bibilangin ang plastic straw na ginagamit sa iba’t ibang bansa?

Samakatuwid, ang pagbawal ng plastic straws at stirrers na isang gamitan lamang, malaki-laki ang mababawas sa ating itinatapong basura. Hindi naman problema ang straw at stirrer mismo. Ang problema ay ang materyal na plastik na gawa dito. Maaari naman tayong gumamit ng straw na gawa sa metal o kawayan na maaaring hugasan at gamitin muli. Para sa panghalo, nariyan naman ang kutsara.

Habang hindi pa naisasabatas ang panukalang-batas na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng plastic straw at stirrer, ugaliin na natin ngayon pa lang na iwasan ang paggamit nito. Kung iisipin, ang problema ng plastik ay kaya nating tugunan sa ating maliit na paraan.